AMOS 3
3
1Pakinggan ninyo ang salitang ito na sinabi ng Panginoon laban sa inyo, O mga anak ni Israel, laban sa buong sambahayan na aking iniahon papalabas mula sa lupain ng Ehipto:
2“Kayo lamang ang aking nakilala sa lahat ng angkan sa lupa;
kaya't parurusahan ko kayo sa lahat ninyong mga kasamaan.
Ang Gawain ng Propeta
3“Makakalakad ba ang dalawa na magkasama,
malibang sila'y mayroong ginawang tipanan?
4Uungal ba ang leon sa gubat,
kapag wala siyang huli?
Sisigaw ba ang batang leon mula sa kanyang yungib,
kung wala siyang nahuling anuman?
5Malalaglag ba ang ibon sa silo sa ibabaw ng lupa,
kapag walang silo para dito?
Lulukso ba ang panghuli mula sa lupa,
kapag wala itong nahuling anuman?
6Hihipan ba ang trumpeta sa isang lunsod,
at ang taong-bayan ay hindi matatakot?
Sasapit ba ang kasamaan sa lunsod,
malibang ginawa ito ng Panginoon?
7Tunay na ang Panginoong Diyos ay walang gagawin,
malibang kanyang ihayag ang kanyang lihim
sa kanyang mga lingkod na mga propeta.
8Ang leon ay umungal, sinong di matatakot?
Ang Panginoong Diyos ay nagsalita;
sinong hindi magsasalita ng propesiya?”
Ang Hatol sa Samaria
9Ihayag ninyo sa mga muog sa Asdod,
at sa mga muog sa lupain ng Ehipto,
at inyong sabihin, “Magtipun-tipon kayo sa mga bundok ng Samaria,
at inyong masdan ang malaking kaguluhan sa gitna niya,
at ang pagpapahirap na nasa gitna niya.”
10“Hindi nila alam ang paggawa ng matuwid,” sabi ng Panginoon,
“sila na nag-iimbak ng karahasan at pagnanakaw sa kanilang mga muog.”
11Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Palilibutan ng isang kaaway ang lupain
at kanyang ibabagsak ang iyong tanggulan,
at ang iyong mga muog ay sasamsaman.”
12Ganito ang sabi ng Panginoon: “Kung paanong inaagaw ng pastol sa bibig ng leon ang dalawang hita, o ang isang piraso ng tainga, gayon ililigtas ang mga anak ni Israel na naninirahan sa Samaria, na may sulok ng hiligan at bahagi ng isang kama.”
13“Pakinggan ninyo, at magpatotoo kayo laban sa sambahayan ni Jacob,”
sabi ng Panginoong Diyos, ng Diyos ng mga hukbo:
14“Sa#2 Ha. 23:15 araw na aking parusahan ang Israel dahil sa kanyang pagsuway,
ay aking parurusahan din ang mga dambana ng Bethel,
at ang mga sungay ng dambana ay tatanggalin,
at sila'y malalaglag sa lupa.
15At aking wawasakin ang bahay na pang-taglamig na kasabay ng bahay na pang-tag-init;
at ang mga bahay na garing ay mawawala,
at ang malalaking bahay ay magwawakas,”
sabi ng Panginoon.
Currently Selected:
AMOS 3: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001