DANIEL 10
10
Ang Pangitain ni Daniel sa Tabi ng Malaking Ilog
1Nang ikatlong taon ni Ciro na hari ng Persia, nahayag ang isang salita kay Daniel, na ang pangala'y Belteshasar. Ang salita ay totoo, at iyon ay tungkol sa isang malaking paglalaban. At kanyang naunawaan ang salita at naunawaan ang pangitain.
2Nang mga araw na iyon, akong si Daniel ay nagluluksa sa loob ng buong tatlong sanlinggo.
3Hindi ako kumain ng masarap na pagkain, ni pumasok man ang karne, ni alak sa aking bibig, ni nagpahid man ako ng langis sa loob ng buong tatlong sanlinggo.
4Nang ikadalawampu't apat na araw ng unang buwan, habang ako'y nasa pampang ng malaking ilog na Hiddekel,#10:4 o Tigris.
5aking#Apoc. 1:13-15; 2:18; 19:12 itiningin ang aking paningin at tumanaw, at nakita ko ang isang lalaki na may suot ng telang lino, na ang mga balakang ay binigkisan ng ginto ng Uphaz.
6Ang kanyang katawan ay gaya ng berilo, ang kanyang mukha ay gaya ng anyo ng kidlat, ang kanyang mga mata ay gaya ng nagliliyab na sulo, ang kanyang mga kamay at mga paa ay gaya ng kislap ng pinakintab na tanso, at ang tunog ng kanyang mga salita ay gaya ng ingay ng napakaraming tao.
7Akong si Daniel lamang ang nakakita sa pangitaing iyon; hindi nakita ng mga lalaking kasama ko ang pangitain, gayunma'y dumating sa kanila ang isang matinding takot, at sila'y tumakas upang magkubli.
8Kaya't iniwan akong nag-iisa, at nakita ko ang dakilang pangitaing ito. Walang lakas na naiwan sa akin, at ang aking kulay ay namutlang parang patay at walang nanatiling lakas sa akin.
9Ngunit narinig ko ang tunog ng kanyang mga salita; at nang aking marinig ang tunog ng kanyang mga salita, ang mukha ko'y napasubasob sa lupa sa isang mahimbing na pagkakatulog.
10Ngunit di nagtagal, narito, isang kamay ang humipo sa akin at ako'y itinayo na nanginginig ang aking mga kamay at mga tuhod.
11At sinabi niya sa akin, “O Daniel, ikaw na lalaking pinakamamahal, unawain mo ang mga salita na aking sasabihin sa iyo. Tumayo ka nang matuwid sapagkat sa iyo'y sinugo ako ngayon.” Nang kanyang masabi ang salitang ito sa akin, ako'y tumayo na nanginginig.
12Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, “Huwag kang matakot, Daniel, sapagkat mula nang unang araw na iyong ilagak ang iyong isipan sa pagkaunawa, at magpakababa sa iyong Diyos, ang iyong mga salita ay pinakinggan, at ako'y pumarito dahil sa iyong mga salita.
13Ngunit#Apoc. 12:7 hinadlangan ako ng pinuno ng kaharian ng Persia sa loob ng dalawampu't isang araw. Kaya't si Miguel na isa sa mga punong prinsipe ay dumating upang tulungan ako. At ako'y naiwan doon kasama ng mga hari ng Persia.
14Pumarito ako upang ipaunawa sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong bayan sa mga huling araw. Sapagkat mayroon pang pangitain para sa mga araw na iyon.”
15Samantalang kanyang sinasabi sa akin ang mga salitang ito, itinungo ko ang aking mukha sa lupa at ako'y napipi.
16At isang kahawig ng tao ang humipo sa aking mga labi. Ibinuka ko ang aking bibig at ako'y nagsalita. Sinabi ko sa kanya na nakatayo sa harapan ko, “O panginoon ko, dahil sa pangitain ay dumating sa akin ang mga paghihirap at nawalan ako ng lakas.
17Paanong makikipag-usap ang lingkod ng aking panginoon sa aking panginoon? Sapagkat sa ngayon, walang nananatiling lakas sa akin, at walang naiwang hininga sa akin.”
18Muli akong hinipo ng isa na kahawig ng tao, at kanyang pinalakas ako.
19Kanyang sinabi, “O taong pinakamamahal, huwag kang matakot; kapayapaan ang sumaiyo. Magpakalakas ka at magpakatapang.” Nang siya'y magsalita sa akin, ako'y lumakas at nagsabi, “Magsalita ang aking panginoon, sapagkat pinalakas mo ako.”
20Nang magkagayo'y sinabi niya, “Alam mo ba kung bakit ako'y pumarito sa iyo? Ngayo'y babalik ako upang makipaglaban sa pinuno ng Persia. At kapag ako'y tapos na sa kanya, narito, ang pinuno ng Grecia ay darating.
21Ngunit sasabihin ko sa iyo ang nakasulat sa kasulatan ng katotohanan. Wala akong kasamang nakikipaglaban sa mga pinunong ito maliban kay Miguel na inyong pinuno.
Currently Selected:
DANIEL 10: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001