DANIEL 6
6
Si Daniel sa Yungib ng mga Leon
1Minabuti ni Dario na magtalaga sa kaharian ng isandaan at dalawampung satrap, na mamamahala sa buong kaharian.
2Ang namumuno sa kanila'y tatlong pangulo, na isa sa kanila ay si Daniel. Ang mga tagapamahalang ito ay magbibigay-sulit sa kanila upang ang hari ay huwag malagay sa panganib.
3Hindi nagtagal, si Daniel ay nangibabaw sa lahat ng ibang mga pangulo at sa mga satrap, sapagkat taglay niya ang isang di-pangkaraniwang espiritu; at pinanukala ng hari na italaga siya upang mamuno sa buong kaharian.
4Nang magkagayo'y sinikap ng mga pangulo at ng mga tagapamahala na makakita ng batayan upang makapagsumbong laban kay Daniel tungkol sa kaharian. Ngunit hindi sila makakita ng anumang batayan upang makapagsumbong o anumang pagkukulang sapagkat tapat siya, at walang kamalian ni pagkukulang na natagpuan sa kanya.
5Nang magkagayo'y sinabi ng mga lalaking ito, “Hindi tayo makakatagpo ng anumang batayan na maisusumbong laban sa Daniel na ito, malibang ito'y ating matagpuan na may kinalaman sa kautusan ng kanyang Diyos.”
6Kaya't ang mga pangulo at mga tagapamahalang ito ay dumating na magkakasama sa hari, at sinabi sa kanya, “O Haring Dario, mabuhay ka magpakailanman!
7Lahat ng mga pangulo ng kaharian, mga kinatawan, mga tagapamahala, mga tagapayo, at ang mga gobernador, ay nagkasundo na ang hari ay dapat gumawa ng isang batas at magpatupad ng isang pagbabawal, na sinumang manalangin sa sinumang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, liban sa iyo, O hari ay ihahagis sa yungib ng mga leon.
8Ngayon, O hari, pagtibayin mo ang pagbabawal, at lagdaan mo ang kasulatan upang huwag mabago ayon sa batas ng mga taga-Media at mga taga-Persia na hindi maaaring pawalang-bisa.”
9Kaya't nilagdaan ni Haring Dario ang kasulatan at ang pagbabawal.
10Nang malaman ni Daniel na ang kasulatan ay nalagdaan na, siya'y pumasok sa kanyang bahay na ang mga bintana ay bukas paharap sa Jerusalem. At siya'y nagpatuloy na lumuhod ng tatlong ulit sa loob ng isang araw, na nananalangin, at nagpapasalamat sa harap ng kanyang Diyos, gaya nang kanyang dating ginagawa.
11Nang magkagayo'y nagkakaisang dumating ang mga lalaking ito at natagpuan si Daniel na nananalangin at sumasamo sa kanyang Diyos.
12Kaya't lumapit sila at nagsalita sa harapan ng hari tungkol sa ipinagbabawal ng hari, “O hari! Hindi ba lumagda ka ng isang pagbabawal, na sinumang tao na humingi sa kanino mang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, liban sa iyo, O hari, ay ihahagis sa yungib ng mga leon?” Ang hari ay sumagot, “Ang pagbabawal ay matatag, ayon sa batas ng mga taga-Media at mga taga-Persia, na hindi maaaring pawalang-bisa.”
13Nang magkagayo'y sumagot sila sa hari, “Ang Daniel na iyon na isa sa mga bihag mula sa Juda ay hindi nakikinig sa iyo, O hari, maging ang pagbabawal man na iyong nilagdaan, kundi nananalangin ng tatlong ulit sa loob ng isang araw.”
14Nang marinig ng hari ang mga salitang ito, siya ay lubhang nabahala. Ipinasiya niyang iligtas si Daniel, at hanggang sa paglubog ng araw ay kanyang pinagsikapang iligtas siya.
15At nagkakaisang dumating ang mga lalaking ito sa hari at sinabi sa kanya, “Alalahanin mo, O hari, na isang batas ng mga taga-Media at ng mga taga-Persia na walang pagbabawal o utos man na pinagtibay ng hari ang maaaring baguhin.”
16Nang magkagayo'y nag-utos ang hari, at dinala si Daniel at inihagis sa yungib ng mga leon. Nagsalita ang hari at sinabi kay Daniel, “Ang iyo nawang Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran ang siyang magligtas sa iyo!”
17Dinala ang isang bato at inilagay sa bunganga ng yungib, at tinatakan ng hari ng kanyang sariling pantatak at ng pantatak ng kanyang mga maharlika upang walang anumang bagay na mabago tungkol kay Daniel.
18Umuwi ang hari sa kanyang palasyo, at pinalipas ang buong magdamag na nag-aayuno. Walang libangang dinala sa kanya at ayaw siyang dalawin ng antok.
19Nang mag-uumaga na, ang hari ay bumangon at nagmamadaling pumunta sa yungib ng mga leon.
20Nang siya'y mapalapit sa yungib na kinaroroonan ni Daniel, siya'y sumigaw na may pagdadalamhati at sinabi kay Daniel, “O Daniel, lingkod ng buháy na Diyos, ang iyo bang Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran ay nakapagligtas sa iyo sa mga leon?”
21Sinabi naman ni Daniel sa hari, “O hari, mabuhay ka magpakailanman!
22Isinugo ng aking Diyos ang kanyang anghel, at itinikom ang mga bibig ng mga leon. Hindi nila ako sinaktan sapagkat ako'y natagpuang walang sala sa harap niya at gayundin sa harapan mo. O hari, wala akong ginawang kasalanan.”
23Nang magkagayo'y tuwang-tuwa ang hari, at ipinag-utos na kanilang iahon si Daniel mula sa yungib. Kaya't iniahon si Daniel mula sa yungib, at walang anumang sugat na natagpuan sa kanya sapagkat siya'y nagtiwala sa kanyang Diyos.
24Ang hari ay nag-utos, at ang mga lalaking nagparatang kay Daniel ay kanilang hinuli at sila'y inihagis sa yungib ng mga leon—sila, ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa. Hindi pa man sila umaabot sa ibaba ng yungib, ang mga leon ay nanaig sa kanila, at pinagputul-putol ang lahat nilang mga buto.
25Nang magkagayo'y sumulat ang haring si Dario sa lahat ng mga bayan, bansa, at wika na naninirahan sa buong lupa: “Kapayapaa'y sumagana sa inyo.
26Ako'y nag-uutos na sa lahat ng sakop ng aking kaharian, ang mga tao ay dapat manginig at matakot sa Diyos ni Daniel:
Sapagkat siya ang buháy na Diyos,
at nananatili magpakailanman.
Ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak,
at ang kanyang kapangyarihan ay walang katapusan.
27Siya'y nagliligtas at nagpapalaya,
siya'y gumagawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa langit at sa lupa,
sapagkat iniligtas niya si Daniel
mula sa kapangyarihan ng mga leon.”
28Kaya't ang Daniel na ito ay umunlad sa panahon ng paghahari ni Dario, at sa paghahari ni Ciro na taga-Persia.
Currently Selected:
DANIEL 6: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001