YouVersion Logo
Search Icon

DEUTERONOMIO 11

11
Ang Kadakilaan ng Panginoon
1“Kaya't ibigin mo ang Panginoon mong Diyos, at lagi mong sundin ang kanyang bilin, mga tuntunin, mga batas, at mga utos.
2At isaalang-alang ninyo sa araw na ito, sapagkat hindi ako nagsasalita sa inyong mga anak (na hindi nakakakilala, at hindi nakakita ng parusa ng Panginoon ninyong Diyos), ng kanyang kadakilaan, ng kanyang makapangyarihang kamay at ng kanyang unat na bisig,
3ng#Exo. 7:8–12:3 kanyang mga tanda, ng kanyang mga ginawa sa gitna ng Ehipto kay Faraon na hari ng Ehipto, at sa kanyang buong lupain;
4at#Exo. 14:28 ang kanyang ginawa sa hukbo ng Ehipto, sa kanilang mga kabayo, at sa kanilang mga karwahe; kung paanong tinakpan niya sila ng tubig ng Dagat na Pula nang kanilang habulin kayo, at kung paanong pinuksa sila ng Panginoon hanggang sa araw na ito.
5At kung ano ang kanyang ginawa sa inyo sa ilang hanggang sa dumating kayo sa dakong ito;
6at#Bil. 16:31, 32 kung ano ang kanyang ginawa kay Datan at kay Abiram, na mga anak ni Eliab, na anak ni Ruben; kung paanong ibinuka ng lupa ang kanyang bibig at nilamon sila, ang kanilang mga sambahayan, ang kanilang mga tolda, at bawat bagay na may buhay na sumunod sa kanila sa gitna ng buong Israel;
7sapagkat nakita ng inyong mga mata ang lahat ng dakilang gawa na ginawa ng Panginoon.
8“Kaya't sundin ninyo ang lahat ng utos na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, upang kayo'y lumakas, makapasok at angkinin ang lupain na inyong tatawirin;
9at upang kayo'y mabuhay nang matagal sa lupain na ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno na ibibigay sa kanila at sa kanilang binhi, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.
10Sapagkat ang lupain na iyong pupuntahan upang angkinin ay hindi gaya ng lupain ng Ehipto na inyong pinanggalingan, na doo'y nagtatanim ka ng iyong binhi, at iyong dinidilig ng iyong paa, na parang taniman ng mga gulay;
11kundi ang lupain na inyong patutunguhan upang angkinin ay lupaing maburol at malibis, at umiinom ng tubig ng ulan sa langit,
12lupaing inaalagaan ng Panginoon mong Diyos. Ang pansin ng Panginoon mong Diyos ay laging naroon, mula sa pasimula ng taon hanggang sa katapusan ng taon.
13“Kung#Lev. 26:3-5; Deut. 7:12-16; 28:1-14 inyong susundin ang mga utos na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, na ibigin ang Panginoon ninyong Diyos at siya'y paglingkuran ng iyong buong puso at kaluluwa,
14ay ibibigay ko ang ulan ng inyong lupain sa kanyang kapanahunan, ang una at huling ulan upang iyong matipon ang iyong trigo, alak, at langis.
15Aking bibigyan ng damo ang inyong mga bukid para sa iyong mga hayop, at ikaw ay kakain at mabubusog.
16Mag-ingat kayo, baka ang inyong puso ay madaya, at kayo'y maligaw, at maglingkod sa ibang mga diyos, at sumamba sa kanila.
17Kapag gayon, ang galit ng Panginoon ay magniningas laban sa inyo, at kanyang sasarhan ang langit, upang hindi magkaroon ng ulan, at ang lupa'y hindi magbibigay ng kanyang bunga; at kayo'y mabilis na mapupuksa sa mabuting lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon.
18“Kaya't#Deut. 6:6-9 inyong ilalagak ang mga salita kong ito sa inyong puso at sa inyong kaluluwa at inyong itatali na pinakatanda sa inyong kamay at magiging pinakatali sa inyong noo.
19Ituturo ninyo ang mga iyon sa inyong mga anak, na inyong sasabihin sa kanila kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, kapag ikaw ay lumalakad sa daan, kapag ikaw ay nahihiga, at kapag ikaw ay bumabangon.
20At isusulat mo ang mga iyon sa mga hamba ng pinto ng iyong bahay, at sa iyong mga pintuang-daan:
21upang dumami ang inyong mga araw at ang mga araw ng inyong mga anak, sa lupain na ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno na ibibigay sa kanila, gaya ng mga araw ng langit sa ibabaw ng lupa.
22Sapagkat kung inyong masikap na susundin ang lahat ng utos na ito na aking ipinag-uutos sa inyo upang gawin, na ibigin ang Panginoon ninyong Diyos, na lumakad sa lahat ng kanyang daan, at manatili sa kanya,
23ay palalayasin ng Panginoon ang lahat ng mga bansang ito sa harapan ninyo, at inyong aagawan ang mga bansang higit na malalaki at makapangyarihan kaysa inyo.
24Bawat#Jos. 1:3-5 dakong matuntungan ng talampakan ng inyong paa ay magiging inyo; ang inyong magiging sakop ay mula sa ilang hanggang sa Lebanon, mula sa ilog, sa Ilog Eufrates, hanggang sa dagat kanluran.
25Walang taong magtatagumpay laban sa inyo; sisidlan ng Panginoon ninyong Diyos ng pagkatakot at pagkasindak sa inyo ang lahat ng lupain na inyong tutuntungan, gaya ng kanyang ipinangako sa inyo.
26“Inilalagay ko sa harapan ninyo sa araw na ito ang pagpapala at ang sumpa;
27ang pagpapala, kung inyong diringgin ang mga utos ng Panginoon ninyong Diyos na aking iniutos sa inyo sa araw na ito;
28at ang sumpa, kung hindi ninyo diringgin ang mga utos ng Panginoon ninyong Diyos, kundi lilihis sa daan na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, upang sumunod sa ibang mga diyos, na hindi ninyo nakilala.
29At#Deut. 27:11-14; Jos. 8:33-35 kapag ikaw ay ipapasok ng Panginoon mong Diyos sa lupain na iyong paroroonan upang angkinin, iyong ilalagay ang pagpapala sa bundok ng Gerizim, at ang sumpa sa bundok ng Ebal.
30Hindi ba sila ay nasa kabila ng Jordan, sa dakong nilulubugan ng araw, sa lupain ng mga Cananeo na tumatahan sa Araba, sa tapat ng Gilgal na katabi ng mga ensina sa More?
31Sapagkat kayo'y tatawid sa Jordan upang pasukin at angkinin ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos. Kapag ito'y inyong naangkin at nanirahan na kayo roon,
32maingat ninyong gagawin ang lahat ng mga tuntunin at mga batas na aking itinatakda sa inyo sa araw na ito.

Currently Selected:

DEUTERONOMIO 11: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in