YouVersion Logo
Search Icon

DEUTERONOMIO 2

2
Ang mga Taon sa Ilang
1“Pagkatapos,#Bil. 21:4 tayo ay naglakbay pabalik sa ilang patungo sa Dagat na Pula, gaya ng sinabi sa akin ng Panginoon; at tayo'y lumigid ng maraming araw sa bundok ng Seir.
2At nagsalita ang Panginoon sa akin, na sinasabi,
3‘Matagal na ninyong naligid ang bundok na ito; lumiko kayo sa dakong hilaga.
4At#Gen. 36:8 iutos mo ang ganito sa taong-bayan: Kayo'y daraan sa nasasakupan ng inyong mga kapatid na mga anak ni Esau, na naninirahan sa Seir; at sila'y matatakot sa inyo kaya't mag-ingat kayong mabuti.
5Huwag kayong makipaglaban sa kanila, sapagkat hindi ko ibibigay sa inyo ang alinman sa kanilang lupain, kahit na ang tuntungan ng talampakan ng isang paa, sapagkat ibinigay ko na kay Esau ang bundok ng Seir bilang ari-arian.
6Kayo'y bibili ng pagkain sa kanila sa pamamagitan ng salapi upang kayo'y makakain; at kayo'y bibili rin sa kanila ng tubig sa pamamagitan ng salapi upang kayo'y makainom.
7Sapagkat pinagpala ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gawa ng iyong kamay; kanyang nalalaman ang iyong paglalakbay dito sa malawak na ilang; ang Panginoon mong Diyos ay nakasama mo nitong apatnapung taon at ikaw ay di kinulang ng anuman.’
8Kaya't tayo'y nagpatuloy palayo sa ating mga kapatid, na mga anak ni Esau, na nakatira sa Seir, palayo sa daan ng Araba, mula sa Elat at Ezion-geber. “Tayo'y pumihit at dumaan sa ilang ng Moab.
9At#Gen. 19:37 sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag mong guluhin ang Moab, ni kalabanin sila sa digmaan, sapagkat hindi ko ibibigay ang kanilang lupain sa iyo bilang pag-aari, sapagkat aking ibinigay na pag-aari ang Ar sa mga anak ni Lot.’
10(Ang mga Emita ay tumira doon noong una, isang bayang malaki at marami, at matataas na gaya ng mga Anakim.
11Ang mga ito man ay itinuturing na mga Refaim, na gaya ng mga Anakim; ngunit tinatawag silang Emita ng mga Moabita.
12Ang mga Horita ay nanirahan din sa Seir noong una, ngunit ito ay binawi sa kanila ng mga anak ni Esau at pinuksa sila nang harapan at nanirahang kapalit nila, gaya ng ginawa ng Israel sa lupaing kanyang pag-aari na ibinigay ng Panginoon sa kanila.)
13‘Ngayon, tumindig kayo at tumawid sa batis ng Zared.’ At tayo'y tumawid sa batis ng Zared.
14Ang#Bil. 14:28-35 panahon mula nang tayo ay lumabas sa Kadesh-barnea hanggang sa tayo'y nakarating sa batis ng Zared ay tatlumpu't walong taon, hanggang sa ang buong lahi ng mga lalaking mandirigma ay malipol sa gitna ng kampo, gaya ng ipinangako sa kanila ng Panginoon.
15Talagang ang Panginoon ay laban sa kanila, upang lipulin sila sa gitna ng kampo, hanggang sa sila'y nalipol.
16“Kaya't nang mapuksa at mamatay sa gitna ng bayan ang lahat ng lalaking mandirigma,
17ay sinabi sa akin ng Panginoon,
18‘Ikaw ay daraan sa araw na ito sa hangganan ng Moab sa Ar.
19Kapag#Gen. 19:38 ikaw ay papalapit na sa hangganan ng mga anak ni Ammon, huwag mo silang guluhin ni makipaglaban sa kanila, sapagkat hindi ko ibibigay sa iyo ang lupain ng mga anak ni Ammon yamang ibinigay ko na ito bilang pag-aari ng mga anak ni Lot.’
20(Iyon ay kilala rin na lupain ng mga Refaim: ang mga Refaim ang nanirahan doon noong una, ngunit sila ay tinawag na mga Zamzumim ng mga Ammonita,
21isang lunsod na malaki, marami at matataas na gaya ng mga Anakim; ngunit sila ay pinuksa ng Panginoon nang harapan. Sila'y sinamsaman at nanirahang kapalit nila.
22Gayundin ang kanyang ginawa sa mga anak ni Esau na naninirahan sa Seir, nang kanyang puksain ng harapan ang mga Horita. Sila'y sinamsaman at nanirahang kapalit nila hanggang sa araw na ito.
23Tungkol naman sa mga Avim na naninirahan sa mga nayon hanggang sa Gaza, ang mga Caftoreo#2:23 o Filisteo. na nagmula sa Caftor,#2:23 o Crete. lipulin ninyo sila at manirahang kapalit nila.)
24‘Tumindig kayo, at maglakbay. Dumaan kayo sa libis ng Arnon, at ibinigay ko na sa iyong kamay si Sihon na Amoreo, na hari ng Hesbon, at ang kanyang lupain. Pasimulan mong angkinin, at kalabanin mo siya sa digmaan.
25Sa araw na ito ay pasisimulan kong ilagay ang pagkasindak at pagkatakot sa inyo sa mga bayang nasa ilalim ng buong langit, na makakarinig ng balita tungkol sa iyo. Manginginig at mahahapis sila dahil sa iyo.’
Nilupig ng Israel ang Hesbon
(Bil. 21:21-30)
26“Kaya't ako'y nagpadala ng mga sugo mula sa ilang ng Kedemot kay Sihon na hari ng Hesbon na may mga salita ng kapayapaan, na sinasabi,
27‘Paraanin mo ako sa iyong lupain. Sa lansangan lamang ako daraan, hindi ako liliko sa kanan ni sa kaliwa.
28Pagbilhan mo ako ng pagkain kapalit ng salapi, upang makakain ako, at bigyan mo ako ng tubig kapalit ng salapi, upang makainom ako; paraanin mo lamang ako,
29gaya nang ginawa sa akin ng mga anak ni Esau na naninirahan sa Seir, at ng mga Moabita na naninirahan sa Ar, hanggang makatawid ako sa Jordan, sa lupaing ibinibigay sa amin ng Panginoon naming Diyos.’
30Ngunit ayaw tayong paraanin ni Sihon na hari ng Hesbon; sapagkat pinapagmatigas ng Panginoon mong Diyos ang kanyang espiritu at kanyang puso, upang maibigay siya sa iyong kamay gaya sa araw na ito.
31Sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Pinasimulan ko nang ibigay sa iyo si Sihon at ang kanyang lupain, pasimulan mong kunin upang matirahan ang kanyang lupain.’
32At dumating si Sihon upang kami ay harapin, siya at ang kanyang buong bayan, upang makipagdigmaan sa Jahaz.
33Ibinigay siya ng Panginoon nating Diyos sa harapan natin; at ginapi natin siya at ang kanyang mga anak, at ang kanyang buong bayan.
34At nasakop natin ang lahat ng kanyang mga lunsod nang panahong iyon, at ganap na winasak ang bawat lunsod, mga lalaki, mga babae, at mga bata; wala tayong itinira.
35Ang mga hayop lamang ang para sa ating sarili, at sinamsaman ang mga lunsod na ating sinakop.
36Mula sa Aroer na nasa tabi ng libis ng Arnon at mula sa lunsod na nasa libis hanggang sa Gilead, ay walang lunsod na napakataas para sa atin. Ang lahat ay ibinigay na sa atin ng Panginoon nating Diyos.
37Hindi lamang kayo lumapit sa lupain ng mga anak ni Ammon; sa alinmang bahagi sa buong pampang ng ilog Jaboc at sa mga lunsod ng lupaing maburol, at sa lahat na ipinagbawal sa atin ng Panginoon nating Diyos.

Currently Selected:

DEUTERONOMIO 2: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in