EFESO 5
5
Lumakad sa Liwanag
1Kaya kayo'y tumulad sa Diyos, gaya ng mga anak na minamahal,
2at#Exo. 29:18; Awit 40:6 lumakad kayo sa pag-ibig, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa atin at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin bilang handog at alay sa Diyos upang maging samyo ng masarap na amoy.
3Ngunit ang pakikiapid, ang lahat ng karumihan, o kasakiman, ay huwag sanang mabanggit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga banal.
4Gayundin ang karumihan at hangal na pagsasalita, o mga pagbibiro na di-nararapat, kundi ang pagpapasalamat.
5Sapagkat inyong nalalaman na bawat mapakiapid, o mahalay, o sakim, na sumasamba sa mga diyus-diyosan, ay walang mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Diyos.
6Huwag kayong padaya sa mga salitang walang katuturan, sapagkat dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Diyos sa mga anak ng pagsuway.
7Kaya't huwag kayong makibahagi sa kanila;
8sapagkat kayo'y dating kadiliman, subalit ngayon ay liwanag sa Panginoon. Lumakad kayong gaya ng mga anak ng liwanag—
9(sapagkat ang bunga ng liwanag ay nasa lahat ng mabuti, matuwid at katotohanan)
10na inaalam kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon.
11At huwag kayong makibahagi sa mga gawa ng kadiliman na walang ibubunga, kundi inyong ilantad ang mga ito.
12Sapagkat ang mga bagay na palihim nilang ginagawa ay kahiya-hiyang sabihin,
13subalit ang lahat ng mga bagay na inilantad sa pamamagitan ng liwanag ay nakikita,
14sapagkat anumang bagay na nakikita ay liwanag. Kaya't sinasabi, “Gumising ka, ikaw na natutulog, at bumangon mula sa mga patay, at si Cristo ay magliliwanag sa iyo.”
15Kaya't maging maingat kayo sa inyong paglakad, hindi gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong,
16na#Co. 4:5 sinasamantala ang panahon, sapagkat ang mga araw ay masasama.
17Kaya't huwag kayong maging mga hangal, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
18Huwag kayong magpakalasing sa alak, na ito ay labis na kahalayan, kundi mapuno kayo ng Espiritu.
19Kayo'y#Co. 3:16, 17 magsalita sa isa't isa sa mga awit at mga himno at mga awiting espirituwal, na sa inyong mga puso ay nag-aawitan at gumagawa ng himig sa Panginoon,
20laging nagpapasalamat sa lahat ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sa Diyos na ating Ama.
Ang Relasyong Mag-asawa
21Pasakop kayo sa isa't isa dahil sa takot kay Cristo.
22Mga#Co. 3:18; 1 Ped. 3:1 asawang babae, pasakop kayo sa inyu-inyong mga asawa, gaya ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon.
23Sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng asawang babae, gaya ni Cristo na ulo ng iglesya, na siya ang tagapagligtas ng katawan.
24Subalit kung paanong ang iglesya ay napapasakop kay Cristo, gayundin ang mga asawang babae sa kanilang mga asawa sa lahat ng mga bagay.
25Mga#Co. 3:19; 1 Ped. 3:7 asawang lalaki, mahalin ninyo ang inyu-inyong mga asawa, gaya ni Cristo na nagmahal sa iglesya, at ibinigay ang kanyang sarili alang-alang sa kanya;
26upang kanyang pakabanalin siya, na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig sa salita,
27upang kanyang maiharap sa kanyang sarili ang isang maluwalhating iglesya, na walang batik, o kulubot, o anumang gayong bagay, kundi siya ay maging banal at walang dungis.
28Gayundin naman, nararapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kanya-kanyang sariling asawa gaya ng kanilang sariling mga katawan. Ang umiibig sa kanyang sariling asawa ay umiibig sa kanyang sarili.
29Sapagkat walang sinumang napoot sa kanyang sariling katawan, kundi inaalagaan at iniingatan ito, gaya naman ni Cristo sa iglesya;
30sapagkat tayo ay mga bahagi ng kanyang katawan.
31Dahil#Gen. 2:24 dito iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, magsasama sila ng kanyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman.
32Ang hiwagang ito ay dakila, subalit ako ay nagsasalita tungkol kay Cristo at sa iglesya.
33Gayunman, dapat ibigin ng bawat isa sa inyo ang kanyang sariling asawa gaya ng kanyang sarili, at igalang ng babae ang kanyang asawa.
Currently Selected:
EFESO 5: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001