EZEKIEL 1
1
Ang Pangitain tungkol sa Kaluwalhatian ng Diyos
1Nang#Apoc. 19:11 ikalimang araw ng ikaapat na buwan ng ikatatlumpung taon, samantalang ako'y kasama ng mga bihag sa pampang ng Ilog Chebar, ang langit ay nabuksan at ako'y nakakita ng mga pangitain ng Diyos.
2Nang#2 Ha. 24:10-16; 2 Cro. 36:9, 10 ikalimang araw ng buwan, na siyang ikalimang taon ng pagkabihag ng Haring Jehoiakin,
3ang salita ng Panginoon ay dumating kay Ezekiel na pari, na anak ni Buzi, sa lupain ng mga Caldeo sa pampang ng Ilog Chebar; at doon ang kamay ng Panginoon ay sumasakanya.
4Habang ako'y nakatingin, at narito, isang maunos na hangin ang lumabas mula sa hilaga. May isang malaking ulap na may apoy na patuloy na sumisiklab, may maningning na liwanag na nakapalibot dito at sa gitna ay may parang nagbabagang tanso sa gitna ng apoy.
5Mula#Apoc. 4:6 sa gitna nito ay may isang kahawig ng apat na nilalang na may buhay. Ganito ang kanilang anyo: sila'y may anyong tao.
6Bawat isa ay may apat na mukha at bawat isa sa kanila ay may apat na pakpak.
7Ang kanilang mga paa ay tuwid at ang talampakan ng kanilang mga paa ay parang talampakan ng paa ng isang guya; at sila'y kumikinang na parang tansong pinakintab.
8Sila'y may mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak sa kanilang apat na tagiliran. Silang apat ay may kanilang mga mukha, at may kanilang mga pakpak na ganito:
9ang kanilang mga pakpak ay magkakadikit. Bawat isa sa kanila ay lumalakad nang tuluy-tuloy at hindi lumilingon habang lumalakad.
10Tungkol#Ez. 10:14; Apoc. 4:7 sa anyo ng kanilang mga mukha, ang apat ay may mukha ng tao, may mukha ng leon sa kanang tagiliran, may mukha ng baka sa kaliwang tagiliran, at silang apat ay may mukha ng agila;
11gayon ang kanilang mga mukha. At ang kanilang mga pakpak ay nakabuka sa itaas; bawat nilalang ay may dalawang pakpak na bawat isa ay magkakadikit, samantalang ang dalawa ay nakatakip sa kanilang mga katawan.
12Bawat isa ay lumakad nang tuwid; saanman pumaroon ang espiritu, doon sila pumaparoon at hindi lumilingon sa kanilang paglakad.
13Sa#Apoc. 4:5 gitna ng mga nilalang na may buhay gaya ng mga bagang nagniningas, parang mga sulo na nagpaparoo't parito sa gitna ng mga nilalang na may buhay. Ang apoy ay maningas, at mula sa apoy ay may lumabas na kidlat.
14At ang mga nilalang na may buhay ay tumakbong paroo't parito na parang kislap ng kidlat.
Ang Apat na Gulong sa Pangitain ni Ezekiel
15Samantalang#Ez. 10:9-13 minamasdan ko ang mga nilalang na may buhay, narito ang isang gulong sa lupa sa tabi ng mga nilalang na may buhay, isa para sa bawat isa sa kanilang apat.
16Ganito ang anyo ng mga gulong at ng kanilang pagkayari: ang kanilang anyo ay parang kislap ng berilo; at ang apat ay magkakatulad, ang kanilang pagkayari ay parang isang gulong sa loob ng isang gulong.
17Kapag sila'y lumakad, sila'y lumalakad sa alinman sa apat na dako na hindi lumilingon habang lumalakad.
18Tungkol#Apoc. 4:8 sa kanilang mga rayos ay matataas at kakilakilabot; at itong apat ay may kanilang mga rayos na punô ng mga mata sa palibot.
19At kapag ang mga nilalang na may buhay ay lumalakad, ang mga gulong ay kasunod sa tabi nila; at kapag ang mga nilalang na may buhay ay tumataas mula sa lupa, ang mga gulong ay tumataas.
20Kung saanman ang espiritu pumupunta, doon pupunta ang espiritu at ang mga gulong ay tumataas na kasama nila, sapagkat ang espiritu ng mga nilalang na may buhay ay nasa mga gulong.
21Kapag ang mga iyon ay lumakad, ang mga ito'y lumalakad din; at kapag ang mga iyon ay huminto, sila ay hihinto. Kapag sila ay tumayo mula sa lupa, ang mga gulong ay tatayong kasama nila, sapagkat ang espiritu ng mga nilalang na may buhay ay nasa mga gulong.
Ang Kaluwalhatian na Pangitain ni Ezekiel
22Sa#Apoc. 4:6 ibabaw ng ulo ng mga nilalang na may buhay, may isang bagay na kawangis ng kalawakang kumikinang na parang kristal na nakaladlad sa itaas ng kanilang mga ulo.
23At sa ilalim ng kalawakan ay nakaunat nang tuwid ang kanilang mga pakpak, na ang isa ay paharap sa isa; at bawat nilalang ay may dalawang pakpak na tumatakip sa kanyang katawan sa dakong ito, at bawat isa'y may dalawa na tumatakip sa dakong iyon.
24Nang#Apoc. 1:4-15; 19:6 sila'y gumalaw, aking narinig ang pagaspas ng kanilang mga pakpak na parang ugong ng maraming tubig, parang tinig ng Makapangyarihan sa lahat, at ugong ng kaguluhan na gaya ng ingay ng isang hukbo. Kapag sila'y nakahinto, kanilang ibinababa ang kanilang mga pakpak.
25At may tinig na nagmula sa itaas ng kalawakan na nasa ibabaw ng kanilang mga ulo. Kapag sila'y nakahinto, kanilang ibinababa ang kanilang mga pakpak.
26Sa#Ez. 10:1; Apoc. 4:2, 3 itaas ng kalawakan na nasa itaas ng kanilang mga ulo ay may kawangis ng isang trono na parang anyo ng batong zafiro. Sa ibabaw ng kawangis ng trono ay may kawangis ng isang tao na nakaupo sa itaas niyon.
27At#Ez. 8:2 nakita ko sa anyo ng kanyang balakang at paitaas ang isang bagay na tulad ng kumikinang na metal na kung pagmasdan ay gaya ng apoy sa palibot nito, at mula sa anyo ng kanyang balakang at paibaba ay nakita ko ang gaya ng apoy na may ningning sa palibot niya.
28Gaya ng anyo ng bahaghari na nasa ulap sa araw na maulan, gayon ang anyo ng kinang sa palibot. Gayon ang anyo ng katulad ng kaluwalhatian ng Panginoon. Nang iyon ay aking makita, ako'y nasubasob at aking narinig ang tinig ng isang nagsasalita.
Currently Selected:
EZEKIEL 1: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001