YouVersion Logo
Search Icon

EZEKIEL 8

8
Ang Pangitain tungkol sa Kasuklamsuklam na Gawain ng Jerusalem
1Nang ikalimang araw ng ikaanim na buwan ng ikaanim na taon, samantalang ako'y nakaupo sa aking bahay, kasama ang matatanda ng Juda na nakaupo sa harapan ko, ang kamay ng Panginoong Diyos ay dumating sa akin doon.
2Tumingin#Ez. 1:27 ako, at narito, may isang anyo na parang tao.#8:2 Sa Hebreo ay apoy. Mula sa anyong parang kanyang mga balakang at pababa ay apoy; at mula sa kanyang mga balakang at paitaas ay parang anyo ng kakinangan, na parang tansong kumikinang.
3Kanyang inilabas ang anyo ng isang kamay, at hinawakan ako sa buhok ng aking ulo. Itinaas ako ng Espiritu sa pagitan ng lupa at ng langit, at dinala ako sa mga pangitain na mula sa Diyos sa Jerusalem, sa pasukan ng pintuan ng bulwagan sa loob na nakaharap sa dakong hilaga, na kinaroroonan ng upuan ng larawan ng panibugho, na nagbubunsod sa paninibugho.
4At#Ez. 1:28 narito, ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay naroon, gaya ng anyo na aking nakita sa kapatagan.
5Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, itingin mo ang iyong mga mata sa dakong hilaga.” Sa gayo'y tumingin ako sa dakong hilaga, at naroon sa dakong hilaga ng pintuan ng dambana, sa pasukan, itong larawan ng panibugho.
6Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, nakikita mo ba ang kanilang ginagawa? Ang malaking kasuklamsuklam na ginagawa dito ng sambahayan ni Israel, upang ako'y palayasin sa aking santuwaryo? Ngunit makakakita ka pa nang higit na malalaking kasuklamsuklam.”
7Dinala niya ako sa pintuan ng bulwagan; at nang ako'y tumingin, narito, may isang butas sa pader.
8Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, humukay ka sa pader;” at nang ako'y humukay sa pader, at narito, isang pintuan.
9Sinabi niya sa akin, “Ikaw ay pumasok, at tingnan mo ang masasamang kasuklamsuklam na kanilang ginagawa rito.”
10Sa gayo'y pumasok ako at tumingin. Doon ay nakaukit sa pader sa palibot, ang bawat anyo ng umuusad na mga bagay, kasuklamsuklam na mga hayop, at lahat ng mga diyus-diyosan ng sambahayan ni Israel.
11Nakatayo sa harapan nila ang pitumpung lalaki na matatanda ng sambahayan ni Israel; at sa gitna nila ay nakatayo si Jaazanias na anak ni Safan. Bawat isa ay may kanyang sunugan ng insenso sa kanyang kamay, at ang amoy ng usok ng insenso ay pumailanglang.
12Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, nakikita mo ba kung anong ginagawa sa dilim ng matatanda ng sambahayan ni Israel, bawat isa'y sa kanyang silid ng mga larawan? Sapagkat kanilang sinasabi, ‘Hindi tayo nakikita ng Panginoon; pinabayaan na ng Panginoon ang lupa.’”
13Sinabi rin niya sa akin, “Makakakita ka pa ng ibang mas malalaking kasuklamsuklam na kanilang ginagawa.”
14Nang magkagayo'y dinala niya ako sa pasukan ng pintuan ng bahay ng Panginoon na nasa dakong hilaga, at narito, doo'y nakaupo ang mga babae na iniiyakan si Tammuz.
15Sinabi niya sa akin, “Nakita mo na ba ito, O anak ng tao? Makakakita ka pa ng lalong malalaking kasuklamsuklam kaysa mga ito.”
16At dinala niya ako sa loob ng bulwagan sa bahay ng Panginoon; at narito, sa pintuan ng templo ng Panginoon, sa pagitan ng malaking pintuan at dambana ay may dalawampu't limang lalaki na nakatalikod sa dako ng templo ng Panginoon, at nakaharap ang kanilang mukha sa dakong silangan; at kanilang sinasamba ang araw sa dakong silangan.
17Sinabi niya sa akin, “Nakita mo na ba ito, O anak ng tao? Napakaliit bang bagay para sa sambahayan ni Juda na sila'y gumawa ng mga kasuklamsuklam na kanilang ginagawa dito, na kanilang pinupuno ng karahasan ang lupa, at ibinubunsod pa nila ako sa higit na pagkagalit? Tingnan mo, kanilang inilalagay ang sanga sa kanilang ilong.
18Kaya't ako'y tunay na makikitungo na may poot; ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako. Bagaman sila'y manangis sa aking pandinig ng malakas na tinig, hindi ko sila papakinggan.”

Currently Selected:

EZEKIEL 8: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in