GALACIA 1
1
1Si Pablo na apostol—hindi mula sa mga tao, o sa pamamagitan man ng tao, kundi sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, at ng Diyos Ama, na muling bumuhay sa kanya mula sa mga patay—
2at ang lahat ng mga kapatid na kasama ko,
Sa mga iglesya ng Galacia:
3Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama, at sa ating Panginoong Jesu-Cristo,
4na nagbigay ng kanyang sarili dahil sa ating mga kasalanan, upang tayo'y kanyang mailigtas mula sa kasalukuyang masamang kapanahunan, ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama,
5sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Kaisa-isang Ebanghelyo
6Ako'y namamangha na napakabilis ninyong iniwan siya na tumawag sa inyo sa biyaya ni Cristo at bumaling kayo sa ibang ebanghelyo.
7Hindi sa may ibang ebanghelyo, kundi mayroong ilan na nanggugulo sa inyo at nagnanais na baluktutin ang ebanghelyo ni Cristo.
8Subalit kahit kami, o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng ebanghelyo na iba sa aming ipinangaral sa inyo, ay hayaan siyang sumpain!
9Gaya ng aming sinabi noong una, at muli kong sinasabi ngayon, kung ang sinuman ay mangaral sa inyo ng ebanghelyo na iba kaysa inyong tinanggap na ay hayaan siyang sumpain!
10Ako ba'y naghahangad ngayon ng pagsang-ayon ng mga tao o ng Diyos? O sinisikap ko bang bigyang-lugod ang mga tao? Kung ako'y nagbibigay-lugod pa rin sa mga tao, hindi sana ako naging alipin ni Cristo.
Ang Pagkatawag kay Pablo
11Sapagkat nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang ebanghelyo na aking ipinangaral ay hindi ayon sa tao.
12Sapagkat hindi ko ito tinanggap mula sa tao, o itinuro man sa akin, kundi sa pamamagitan ng pahayag ni Jesu-Cristo.
13Sapagkat#Gw. 8:3; 22:4, 5; 26:9-11 inyong narinig ang uri ng aking dating pamumuhay sa Judaismo, kung paanong marahas kong inusig ang iglesya ng Diyos at sinikap na wasakin ito.
14At#Gw. 22:3 ako'y nanguna sa Judaismo nang higit kaysa marami sa mga kasing-gulang ko sa aking mga kababayan, higit na masigasig ako sa mga tradisyon ng aking mga ninuno.
15Ngunit#Gw. 9:3-6; 22:6-10; 26:13-18 nang malugod ang Diyos na sa akin ay nagbukod, buhat pa sa sinapupunan ng aking ina, at sa akin ay tumawag sa pamamagitan ng kanyang biyaya,
16na ipahayag ang kanyang Anak sa akin, upang siya'y aking ipangaral sa mga Hentil; hindi ako sumangguni sa sinumang laman at dugo;
17o nagtungo man ako sa Jerusalem sa mga apostol na una sa akin, kundi nagtungo ako sa Arabia at muli akong nagbalik sa Damasco.
18Nang#Gw. 9:26-30 makaraan ang tatlong taon, nagtungo ako sa Jerusalem upang dalawin si Cefas,#1:18 o Pedro. at namalaging kasama niya ng labinlimang araw.
19Ngunit wala akong nakita sa mga ibang apostol, maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.
20Tungkol sa mga bagay na isinusulat ko sa inyo, sa harapan ng Diyos, hindi ako nagsisinungaling.
21Pagkatapos ay nagtungo ako sa mga lupain ng Siria at Cilicia.
22Ngunit hindi pa ako mukhaang nakikilala sa mga iglesya ng Judea na kay Cristo.
23Narinig lamang nila na sinasabi, “Siya na dating umuusig sa atin ngayo'y ipinangangaral niya ang pananampalataya na dati'y sinikap niyang wasakin.”
24At kanilang niluwalhati ang Diyos dahil sa akin.
Currently Selected:
GALACIA 1: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001