YouVersion Logo
Search Icon

GALACIA 6

6
Magtulungan sa Isa't isa
1Mga kapatid, kung ang isang tao ay natagpuan sa anumang pagsuway, kayong mga espirituwal ay dapat panunumbalikin siya sa espiritu ng kaamuan. Tingnan ang iyong sarili, baka ikaw ay matukso rin.
2Dalhin ninyo ang mga pasanin ng isa't isa, at sa gayon ay matutupad ninyo ang kautusan ni Cristo.
3Sapagkat kung inaakala ng sinuman na siya'y may kabuluhan, gayong wala naman siyang kabuluhan, ay dinadaya niya ang kanyang sarili.
4Ngunit subukin ng bawat isa ang kanyang sariling gawa, at kung magkagayon, ang kanyang dahilan upang magmalaki ay sa kanyang sarili lamang, at hindi sa kanyang kapwa.
5Sapagkat ang bawat tao ay dapat magdala ng kanyang sariling pasan.
6Ang tinuturuan ng salita ay dapat magbahagi sa nagtuturo ng lahat ng mga bagay na mabuti.
7Huwag kayong padaya; ang Diyos ay hindi maaaring lokohin, sapagkat ang anumang ihasik ng tao, ay siya rin niyang aanihin.
8Sapagkat ang naghahasik para sa kanyang sariling laman ay mula sa laman mag-aani ng kasiraan; subalit ang naghahasik sa Espiritu, mula sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan.
9At huwag tayong manghinawa sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo, kung hindi tayo manlulupaypay.
10Kaya't habang may pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, lalung-lalo na sa mga kabilang sa sambahayan ng pananampalataya.
Babala at Basbas
11Tingnan ninyo kung sa gaano kalalaking mga titik sumusulat ako sa inyo sa pamamagitan ng aking sariling kamay!
12Ang mga nais gumawa ng magandang palabas sa laman ang siyang pumipilit sa inyo na magpatuli, upang hindi sila usigin dahil sa krus ni Cristo.
13Sapagkat maging ang mga nagpatuli ay hindi rin naman tumutupad ng kautusan; ngunit ibig nila kayong magpatuli upang sila'y makapagmalaki sa inyong laman.
14Subalit huwag nawang mangyari sa akin ang magmalaki, maliban sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan nito ang sanlibutan ay ipinako sa krus para sa akin, at ako'y sa sanlibutan.
15Sapagkat#6:15 Sa ibang mga kasulatan ay Sapagkat kay Cristo Jesus. ang pagtutuli o ang di-pagtutuli ay walang kabuluhan, kundi ang bagong nilalang.
16Kapayapaan at kaawaan nawa ang sumakanilang lahat na lumalakad sa alituntuning ito, at maging sa Israel ng Diyos.
17Buhat ngayon ay huwag akong guluhin ng sinuman; sapagkat taglay ko sa aking katawan ang mga bakas ng paghihirap ni Jesus.
18Mga kapatid, ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang espiritu. Amen.

Currently Selected:

GALACIA 6: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in