YouVersion Logo
Search Icon

GENESIS 49

49
Mga Huling Salita ni Jacob
1Pagkatapos ay tinawag ni Jacob ang kanyang mga anak, at sinabi, “Magtipun-tipon kayo at sasabihin ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa mga araw na darating.
2Magtipun-tipon kayo at makinig, kayong mga anak ni Jacob;
at inyong pakinggan si Israel na inyong ama.
3Ruben, ikaw ang aking panganay,
ang aking kalakasan, ang siyang pasimula ng aking kapangyarihan,
ang pinakamataas sa karangalan at kalakasan, at siyang kasakdalan ng kapangyarihan.
4Kagaya ng kumukulong tubig, ikaw ay hindi mangingibabaw;
sapagkat, sumampa ka sa higaan ng iyong ama:
pagkatapos ay dinumihan mo ito—sumampa sa aking tulugan.
5Si Simeon at si Levi ay magkapatid;
ang kanilang mga sandata ay mga kasangkapan ng karahasan.
6Huwag nawang pumasok ang aking kaluluwa sa kanilang payo;
huwag isama ang aking espiritu sa kanilang kapisanan;
Sapagkat sa kanilang galit ay pumatay sila ng tao,
at sa kanilang sariling kalooban ay nilumpo nila ang baka.
7Sumpain ang kanilang galit, sapagkat ito ay mabangis;
at ang kanilang poot, sapagkat ito ay malupit.
Hahatiin ko sila sa Jacob,
at ikakalat ko sila sa Israel.
8Juda, pupurihin ka ng iyong mga kapatid;
ang iyong kamay ay malagay sa leeg ng iyong mga kaaway;
ang mga anak ng iyong ama nawa ay yumukod sa harapan mo.
9Si#Bil. 24:9; Apoc. 5:5 Juda'y isang anak ng leon.
Aking anak, ikaw ay umahon mula sa pagkahuli,
siya'y yumuko, siya'y lumugmok na parang leon;
at gaya ng isang babaing leon, sinong makakagising sa kanya?
10Ang setro ay hindi mahihiwalay kay Juda,
ni ang tungkod ng pagkapuno sa pagitan ng kanyang mga paa,
hanggang sa ang Shilo ay dumating;#49:10 Sa ibang kasulatan ay hanggang siya ay dumating sa Shilo.
at ang pagtalima ng mga bayan sa kanya.
11Itinali ang kanyang batang asno sa puno ng ubas,
at ang guya ng kanyang asno sa piling puno ng ubas;
nilabhan niya ang kanyang suot sa alak,
at ang kanyang damit sa dugo ng ubas.
12Ang kanyang mga mata ay namumula sa alak,
at ang kanyang mga ngipin ay namumuti sa gatas.
13Si Zebulon ay tatahan sa dalampasigan,
at siya'y magiging kanlungan ng mga sasakyang-dagat;
at ang kanyang hangganan ay magiging hanggang Sidon.
14Si Isacar ay isang malakas na asno,
na nahihiga sa gitna ng mga kawan ng mga tupa;
15at nakakita siya ng dakong pagpapahingahan, na ito ay mabuti,
at ang lupain ay maganda;
at kanyang iniyuko ang kanyang balikat upang pasanin,
at naging aliping sapilitang pinagagawa.
16Si Dan ay hahatol sa kanyang bayan,
bilang isa sa mga lipi ni Israel.
17Si Dan ay magiging ahas sa daan,
isang ulupong sa landas,
na nangangagat ng mga sakong ng kabayo,
kaya't nahuhulog sa likuran ang sakay niyon.
18Aking hinintay ang iyong pagliligtas, O Panginoon.
19Si Gad ay sasalakayin ng isang pulutong ng mandarambong,
ngunit siya ang sasalakay sa kanilang mga sakong.
20Mula kay Aser, ang kanyang tinapay ay tataba,
at siya ay magbibigay ng pagkaing-hari.
21Si Neftali ay isang babaing usa na pinakawalan,
na nagbibigay ng isang magandang pananalita.
22Si Jose ay isang mabungang supling,
isang mabungang supling sa tabi ng bukal;
ang kanyang mga sanga'y gumagapang sa ibabaw ng pader.
23Ginigipit siya ng mga bihasa sa pana,
at namamana, at naghihintay na tambangan siya.
24Ngunit ang kanyang busog ay nananatili sa kalakasan,
at ang mga kamay ng kanyang bisig ay pinalakas
ng mga kamay ng Makapangyarihan ni Jacob
(sa pangalan ng Pastol, ang Bato ng Israel),
25sa pamamagitan ng Diyos ng iyong ama, na tutulong sa inyo,
ng Makapangyarihan sa lahat na magpapala sa inyo,
pagpapala ng langit mula sa itaas,
mga pagpapala ng mga kalaliman na nalalagay sa ibaba,
mga pagpapala ng mga dibdib at ng bahay-bata.
26Ang mga pagpapala ng iyong ama
ay higit na malakas kaysa pagpapala ng walang hanggang kabundukan,
sa kasaganaan ng mga burol na walang hanggan;
nawa ang mga iyon ay mapasaulo ni Jose,
at para sa kilay niya na ibinukod mula sa mga kapatid.
27Si Benjamin ay isang lobong mabangis;
sa umaga'y nilalamon niya ang nasila,
at sa gabi ay paghahatian niya ang samsam.”
28Ang lahat ng ito ang labindalawang lipi ng Israel. At ito ang sinalita ng kanilang ama sa kanila, at sila'y binasbasan niya, ang bawat isa ayon sa basbas sa kanya.
Ang Pagkamatay at Paglilibing kay Jacob
29Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila, “Ako'y malapit nang makasama sa aking bayan. Ilibing ninyo ako sa tabi ng aking mga magulang, sa yungib na nasa parang ni Efron na Heteo,
30sa#Gen. 23:3-20 yungib na nasa parang ng Macpela, na nasa tapat ng Mamre, sa lupain ng Canaan, ang parang na binili ni Abraham kay Efron na Heteo, upang maging libingan.
31Doon#Gen. 25:9, 10; Gen. 35:29 nila inilibing si Abraham at si Sara na kanyang asawa; at doon nila inilibing si Isaac at si Rebecca na kanyang asawa; at doon ko inilibing si Lea,
32sa parang at sa yungib na nandoon na binili mula sa mga anak ni Het.”
33Pagkatapos#Gw. 7:15 na si Jacob ay makapagbilin sa kanyang mga anak, itinikom niya ang kanyang mga paa sa higaan, siya'y nalagutan ng hininga at naging kasama ng kanyang bayan.

Currently Selected:

GENESIS 49: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in