YouVersion Logo
Search Icon

HOSEAS 13

13
Ang Pagkawasak ng Efraim
1Nang magsalita ang Efraim, nanginig ang mga tao;
kanyang itinaas ang kanyang sarili sa Israel;
ngunit siya'y nagkasala dahil kay Baal, at siya'y namatay.
2At ngayo'y patuloy silang nagkakasala,
at gumagawa ng mga larawang hinulma para sa kanilang sarili,
mga diyus-diyosang pilak na ginawa ayon sa kanilang pang-unawa,
lahat ng iyon ay gawa ng mga manggagawa.
Sinasabi nila tungkol sa mga iyon, “Maghandog kayo rito.”
Ang mga tao ay humahalik sa mga guya!
3Kaya't sila'y magiging tulad ng ulap sa umaga,
at tulad ng hamog na maagang naglalaho,
na gaya ng ipa na tinatangay ng ipu-ipo mula sa giikan,
at gaya ng usok na lumalabas sa labasan ng usok.
4Gayunma'y ako ang Panginoon mong Diyos
mula sa lupain ng Ehipto;
at wala kang kilalang Diyos kundi ako,
at liban sa akin ay walang tagapagligtas.
5Ako#Deut. 8:11-17 ang kumilala sa iyo sa ilang,
sa lupain ng tagtuyot.
6Ayon sa kanilang pastulan, sila ay nabusog;
sila ay nabusog, at ang kanilang puso ay nagmalaki;
kaya't kinalimutan nila ako.
7Kaya't ako'y magiging gaya ng leon sa kanila;
gaya ng leopardo ako'y mag-aabang sa tabi ng daan.
8Ako'y susunggab sa kanila na gaya ng oso na ninakawan ng kanyang mga anak,
at pupunitin ko upang mabuksan ang takip ng kanilang puso;
at doo'y lalamunin ko sila na gaya ng leon;
kung paanong lalapain sila ng mabangis na hayop.
9Sa iyong ikapapahamak, O Israel;
na ikaw ay laban sa akin, laban sa iyong katulong.
10Nasaan#1 Sam. 8:5, 6 ngayon ang iyong hari upang mailigtas ka niya sa lahat ng iyong mga lunsod?
Nasaan ang iyong mga hukom,
na sa kanila'y sinabi mo, “Bigyan mo ako ng hari at mga pinuno?”
11Sa#1 Sam. 10:17-24; 1 Sam. 15:26 galit ko'y binigyan kita ng hari,
at sa poot ko'y inalis ko siya.
12Ang kasamaan ng Efraim ay nababalot;
ang kanyang kasalanan ay nakaimbak.
13Ang sakit ng panganganak ay dumarating para sa kanya;
ngunit siya'y isang hangal na anak;
sapagkat sa tamang panahon ay hindi siya nagpapakita
sa bungad ng sinapupunan.
14Tutubusin#1 Cor. 15:55 ko ba sila mula sa kapangyarihan ng Sheol?
Tutubusin ko ba sila mula kay Kamatayan?
O Kamatayan, nasaan ang iyong mga salot?
O Sheol, nasaan ang iyong pangwasak?
Ang kahabagan ay nakatago sa aking mga mata.
15Bagaman siya'y maging mabunga sa kanyang mga kapatid,
ang hanging silangan ay darating,
ang malakas na hangin ng Panginoon ay tataas mula sa ilang;
at ang kanyang bukal ay matutuyo,
at ang kanyang batis ay magiging tigang.
Sasamsaman nito ang kanyang kabang-yaman
ng bawat mahalagang bagay.
16Papasanin ng Samaria ang kanyang pagkakasala;
sapagkat siya'y naghimagsik laban sa kanyang Diyos:
sila'y ibubuwal ng tabak;
ang kanilang mga sanggol ay pagluluray-lurayin
at ang kanilang mga babaing buntis ay paluluwain ang bituka.

Currently Selected:

HOSEAS 13: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in