ISAIAS 3
3
Kaguluhan sa Jerusalem
1Sapagkat, inaalis ng Makapangyarihan, ng Panginoon ng mga hukbo,
sa Jerusalem at sa Juda
ang panustos at tungkod,
ang lahat na panustos na tinapay
at ang lahat na panustos na tubig;
2ang magiting na lalaki at ang mandirigma
ang hukom at ang propeta,
ang manghuhula at ang matanda;
3ang kapitan ng limampu,
at ang marangal na tao,
ang tagapayo, at ang bihasang salamangkero,
at ang dalubhasa sa pag-eengkanto.
4Gagawin kong pinuno nila ang mga batang lalaki,
at ang mga sanggol ang mamumuno sa kanila.
5Aapihin ng mga tao ang isa't isa,
bawat isa'y ang kanyang kapwa,
ang kabataan ay magpapalalo laban sa matanda
at ang hamak laban sa marangal.
6Kapag hinawakan ng lalaki ang kanyang kapatid
sa bahay ng kanyang ama, na nagsasabi:
“Ikaw ay may damit,
ikaw ay maging aming pinuno,
at ang wasak na ito
ay mapapasailalim ng iyong pamamahala”;
7sa araw na iyon ay magsasalita siya na nagsasabi:
“Hindi ako magiging tagapagpagaling;
sa aking bahay ay wala kahit tinapay o damit man;
huwag ninyo akong gawing
pinuno ng bayan.”
8Sapagkat ang Jerusalem ay giba,
at ang Juda ay bumagsak;
sapagkat ang kanilang pananalita at ang kanilang mga gawa ay laban sa Panginoon,
na nilalapastangan ang kanyang maluwalhating presensiya.
9Ang kanilang pagtatangi ng mga tao ay sumasaksi laban sa kanila;
at kanilang ipinahahayag ang kanilang mga kasalanan na gaya ng Sodoma,
hindi nila ikinukubli ito.
Kahabag-habag sila!
Sapagkat sila'y nagdala ng kasamaan sa kanilang sarili.
10Sabihin ninyo sa matuwid, na iyon ay sa ikabubuti nila,
sapagkat sila'y kakain ng bunga ng kanilang mga gawa.
11Kahabag-habag ang masama! Ikasasama nila iyon,
sapagkat ang ginawa ng kanyang mga kamay ay gagawin sa kanya.
12Tungkol sa aking bayan, mga bata ang nang-aapi sa kanila,
at ang mga babae ang namumuno sa kanila.
O bayan ko, inililigaw kayo ng inyong mga pinuno,
at ginugulo ang daan ng iyong mga landas.
Hinatulan ang Kanyang Bayan
13Ang Panginoon ay tumayo upang magsanggalang,
kinuha niya ang kanyang lugar upang ang kanyang bayan ay hatulan.
14Ang Panginoon ay papasok sa paghatol
kasama ng matatanda at mga pinuno ng kanyang bayan:
“Kayo ang lumamon ng ubasan,
ang samsam ng mga dukha ay nasa inyong mga bahay.
15Anong ibig ninyong sabihin na inyong dinudurog ang aking bayan,
at ginigiling ang mukha ng mga dukha?” sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo.
Babala sa Kababaihan ng Jerusalem
16Sinabi ng Panginoon:
Sapagkat ang mga anak na babae ng Zion ay mapagmataas,
at nagsisilakad na may naghahabaang mga leeg,
at mga matang nagsisiirap,
na lumalakad na pakendeng-kendeng habang humahayo,
at ipinapadyak ang kanilang mga paa;
17kaya't sasaktan ng Panginoon
ang bao ng ulo ng mga anak na babae ng Zion,
at ilalantad ng Panginoon ang kanilang mga lihim na bahagi.
18Sa araw na iyon ay aalisin ng Panginoon ang mga hiyas ng kanilang mga paa, at ang mga hiyas ng ulo, at ang mga pahiyas na may hugis ng kalahating buwan;
19ang mga kuwintas, ang mga pulseras, at ang mga belo;
20ang mga laso ng buhok, ang mga palamuti sa braso, ang mga pamigkis, ang mga sisidlan ng pabango, at ang mga anting-anting,
21ang mga singsing, ang mga hiyas na pang-ilong;
22ang mga damit na pamista, ang mga balabal, ang mga kapa, ang mga pitaka;
23ang maninipis na kasuotan, ang pinong lino, ang mga turbante, at ang mga belo.
24Sa halip na maiinam na pabango ay kabulukan;
at sa halip na pamigkis ay lubid;
at sa halip na ayos na buhok ay kakalbuhan;
at sa halip na pamigkis na maganda ay pamigkis na damit-sako;
kahihiyan sa halip na kagandahan.
25Ang iyong mga lalaki ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak,
at ang iyong magigiting ay sa pakikipagdigma.
26At ang kanyang mga pintuan ay tataghoy at tatangis;
at siya'y wasak na uupo sa ibabaw ng lupa.
Currently Selected:
ISAIAS 3: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001