YouVersion Logo
Search Icon

ISAIAS 33

33
Ang Panginoon ang Magliligtas
1Kahabag-habag ka na mangwawasak;
ikaw na hindi nawasak;
ikaw na taksil,
na hindi ginawan ng kataksilan ng sinuman!
Kapag ikaw ay tumigil sa pagwasak,
ikaw ay wawasakin;
at kapag iyong winakasan ang paggawa ng kataksilan,
ikaw ay gagawan ng kataksilan.
2O Panginoon, mahabag ka sa amin; kami'y umaasa sa iyo.
Ikaw ay maging kanilang bisig tuwing umaga;
aming kaligtasan sa panahon ng pagkabalisa.
3Sa ingay ng kaguluhan ay tumakas ang mga tao,
sa pagbangon mo ay nangalat ang mga bansa;
4at ang iyong samsam ay tinitipon na gaya nang pagtitipon ng mga uod;
kung paanong ang mga balang ay lumulukso, gayon niluluksuhan ito ng mga tao.
5Ang Panginoon ay dinakila, sapagkat sa mataas siya'y tumatahan,
kanyang pupunuin ang Zion ng katarungan at katuwiran;
6at siya ang magiging katatagan ng iyong mga panahon,
kalakasan ng kaligtasan, karunungan at kaalaman;
ang takot sa Panginoon ay kanyang kayamanan.
7Narito, ang kanilang mga bayani ay nagsisisigaw sa labas;
ang mga sugo ng kapayapaan ay matinding nagsisiiyak.
8Ang mga lansangan ay iniwanan,
ang manlalakbay ay huminto.
Kanyang sinisira ang mga tipan,
kanyang tinanggihan ang mga lunsod,
hindi niya iginalang ang tao.
9Ang lupain ay nananangis at nagdurusa,
ang Lebanon ay napapahiya;
ang Sharon ay natutuyo gaya ng isang disyerto;
at nalalagas ang mga dahon ng Basan at Carmel.
10“Ngayo'y babangon ako,” sabi ng Panginoon,
“ngayo'y itataas ko ang aking sarili;
ngayo'y dadakilain ako.
11Kayo'y naglihi ng ipa, kayo'y nanganak ng dayami;
ang inyong hininga ay apoy na tutupok sa inyo.
12At ang mga bayan ay parang sinunog sa apog,
gaya ng mga pinutol na mga tinik, na sinunog sa apoy.”
13Pakinggan ninyo, kayong nasa malayo, kung ano ang aking ginawa;
at kayong nasa malapit, kilalanin ang aking kapangyarihan.
14Ang mga makasalanan sa Zion ay natatakot;
kinilabutan ang masasama:
“Sino sa atin ang makatatahang kasama ng lumalamong apoy?
Sino sa atin ang makatatahang kasama ng walang hanggang pagsunog?”
15Siyang lumalakad nang matuwid, at nagsasalita nang matuwid;
siyang humahamak ng pakinabang ng pang-aapi,
na ipinapagpag ang kanyang mga kamay, baka mayroon silang hawak na suhol,
na nagtatakip ng kanyang mga tainga sa pagdinig ng pagdanak ng dugo,
at ipinipikit ang kanyang mga mata sa pagtingin sa kasamaan;
16siya'y maninirahan sa kaitaasan;
ang kanyang dakong tanggulan ay magiging muog ng malalaking bato;
ang kanyang tinapay ay ibibigay sa kanya; ang kanyang tubig ay sasagana.
Ang Mabiyayang Paghahari ng Panginoon
17Makikita ng iyong mga mata ang hari sa kanyang kagandahan;
matatanaw nila ang lupaing nasa malayong lugar.
18Gugunitain ng iyong isipan ang kakilabutan:
“Nasaan siya na eskriba,
nasaan siya na tumitimbang?
Nasaan siya na bumibilang ng mga muog?”
19Hindi mo makikita ang mabagsik na bayan,
ang bayan na may malabong pananalita na hindi mo maunawaan,
nauutal sa wika na hindi mo maiintindihan.
20Narito ang Zion, ang lunsod ng ating mga takdang kapistahan!
Makikita ng iyong mga mata ang Jerusalem,
isang tahimik na tahanan, isang tolda na hindi makikilos,
na ang mga tulos ay hindi mabubunot kailanman,
o mapapatid man ang alinman sa mga tali niyon.
21Kundi doon ang kamahalan ng Panginoon, ay maglalagay para sa atin,
isang dako ng maluluwang na ilog at batis;
na hindi daraanan ng mga daong na may mga gaod,
o daraanan man ng malalaking sasakyang-dagat.
22Sapagkat ang Panginoon ang ating hukom, ang Panginoon ang ating tagapagbigay ng kautusan,
ang Panginoon ay ating hari; tayo'y kanyang ililigtas.
23Ang iyong mga tali ay nakalag;
hindi nila mahawakan ang patungan ng kanilang palo,
hindi nila mabuka ang kanilang layag.
At ang biktima at saganang samsam ay babahaginin,
kahit ang pilay ay kukuha ng nasila.
24At walang mamamayan na magsasabi, “Ako'y may karamdaman”;
ang bayang tumatahan doon ay patatawarin sa kanilang kasalanan.

Currently Selected:

ISAIAS 33: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

Video for ISAIAS 33