YouVersion Logo
Search Icon

ISAIAS 37

37
Sumangguni si Hezekias kay Propeta Isaias
(2 Ha. 19:1-7)
1Nang marinig ito ni Haring Hezekias, pinunit niya ang kanyang kasuotan, at binalot ang sarili ng damit-sako, at pumasok sa bahay ng Panginoon.
2At kanyang sinugo sina Eliakim, na katiwala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at ang nakatatandang mga pari na may suot na damit-sako, kay Isaias na propeta na anak ni Amoz.
3Sinabi nila sa kanya, “Ganito ang sabi ni Hezekias, ‘Ang araw na ito ay araw ng kalungkutan, ng pagsaway, at ng kahihiyan. Ang mga anak ay ipapanganak na, at walang lakas upang sila'y mailuwal.
4Marahil ay narinig ng Panginoon mong Diyos ang mga salita ni Rabsake, na siyang sinugo ng kanyang panginoon na hari ng Asiria upang hamakin ang buháy na Diyos, at sasawayin ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Diyos; kaya't ilakas mo ang iyong dalangin para sa nalabi na naiwan.’”
5Nang dumating kay Isaias ang mga lingkod ni Haring Hezekias,
6sinabi ni Isaias sa kanila, “Ganito ang inyong sasabihin sa inyong panginoon, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Huwag kang matakot sa mga salita na iyong narinig, na ginamit sa paglapastangan sa akin ng mga lingkod ng hari ng Asiria.
7Narito, ako'y maglalagay ng espiritu sa kanya, upang siya'y makarinig ng balita at bumalik sa kanyang sariling lupain; at aking pababagsakin siya sa pamamagitan ng tabak sa kanyang sariling lupain.’”
Ang Sulat ni Senakerib kay Hezekias
(2 Ha. 19:8-19)
8Sa gayo'y bumalik si Rabsake, at natagpuan ang hari sa Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna; sapagkat nabalitaan niya na nilisan ng hari ang Lakish.
9Ngayon nga'y nabalitaan ng hari ang tungkol kay Tirhaca na hari ng Etiopia, “Siya'y lumabas upang makipaglaban sa iyo.” At nang kanyang marinig ito, siya'y nagpadala ng mga sugo kay Hezekias, na sinasabi,
10“Ganito ang inyong sasabihin kay Hezekias na hari sa Juda: ‘Huwag kang padaya sa iyong Diyos na iyong pinagtitiwalaan na sinasabing ang Jerusalem ay hindi mapapasa-kamay ng hari ng Asiria.
11Narito, nabalitaan mo kung ano ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa lahat ng lupain, na ang mga iyon ay winasak na lubos: At maliligtas ka ba?
12Iniligtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa, ang mga bansa na nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, ng Haran, ng Rezef, at ng mga anak ni Eden na nasa Telasar?
13Nasaan ang hari sa Hamat, ang hari ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ang hari ng Hena, o ang hari ng Iva?’”
Ang Panalangin ni Hezekias
14Tinanggap ni Hezekias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa ito; at umahon si Hezekias sa bahay ng Panginoon, at iniladlad ito sa harapan ng Panginoon.
15Si Hezekias ay nanalangin sa Panginoon,
16“O#Exo. 25:22 Panginoon ng mga hukbo, Diyos ng Israel na nakaupo sa mga kerubin. Ikaw ang Diyos, ikaw lamang, sa lahat ng mga kaharian sa lupa; ikaw ang gumawa ng langit at lupa.
17Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at iyong dinggin. Imulat mo ang iyong mga mata, O Panginoon, at tumingin ka. Pakinggan mo ang lahat ng salita ni Senakerib, na kanyang ipinasabi upang lapastanganin ang buháy na Diyos.
18Sa katotohanan, Panginoon, ang lahat na bansa ay sinira ng mga hari ng Asiria at ang kanilang lupain.
19Inihagis nila ang kanilang mga diyos sa apoy, sapagkat sila'y hindi mga diyos, kundi mga gawa ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato; kaya't kanilang sinira ang mga ito.
20Ngayon nga, O Panginoon naming Diyos, iligtas mo kami sa kanyang kamay, upang makilala ng lahat na kaharian sa lupa, na ikaw lamang ang Panginoon.”
Ang Mensahe ni Isaias kay Haring Hezekias
(2 Ha. 19:20-37)
21Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amoz kay Hezekias, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Yamang ikaw ay nanalangin sa akin tungkol kay Senakerib na hari ng Asiria,
22ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa kanya:
‘Hinamak ka ng anak na dalaga ng Zion,
tinawanan ka niya—
iniiling ng anak na babae ng Jerusalem
ang kanyang ulo sa likod mo.
23‘Sino ang iyong inalipusta at hinamak?
Laban kanino mo itinaas ang iyong tinig
at may pagmamalaking itinaas mo ang iyong mga mata?
Laban nga sa Banal ng Israel!
24Sa pamamagitan ng iyong mga lingkod ay hinamak mo ang Panginoon,
at sinabi mo, “Sa pamamagitan ng marami kong karwahe,
nakaahon ako sa tuktok ng mga bundok,
sa pinakamalalayong bahagi ng Lebanon.
Aking pinutol ang matatayog na sedro niyon,
at ang mga piling sipres niyon;
ako'y dumating sa pinakataluktok na kataasan,
ng pinakamakapal na gubat.
25Ako'y humukay ng balon
at uminom ng tubig,
at aking tinuyo ang lahat ng mga ilog sa Ehipto sa pamamagitan ng talampakan ng aking mga paa.
26‘Hindi mo ba nabalitaan
na iyon ay aking ipinasiya noon pa?
Aking pinanukala noong mga nakaraang panahon,
ngayo'y aking pinapangyari na maganap
at mangyayaring iyong gibain ang mga may pader na lunsod
upang maging mga nakaguhong bunton,
27kaya ang kanilang mga mamamayan ay kulang sa lakas,
nanlupaypay at napahiya.
Sila'y naging parang damo sa bukid,
at tulad ng sariwang gulayin,
parang damo sa mga bubungan,
na natuyo na bago pa tumubo.
28‘Nalalaman ko ang iyong pag-upo,
at ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok,
at ang iyong galit laban sa akin.
29Dahil sa iyong galit laban sa akin,
at ang iyong kapalaluan ay nakarating sa aking mga pandinig,
ilalagay ko ang aking kawit sa iyong ilong,
at ang aking pamingkaw sa iyong bibig,
at pababalikin kita sa daan
na iyong pinanggalingan.’
30“At ito ang magiging tanda sa iyo: sa taong ito kainin ninyo ang tumutubo sa kanyang sarili, at sa ikalawang taon ay kung ano ang tumubo doon; at sa ikatlong taon kayo'y maghasik at mag-ani, at magtanim ng mga ubasan, at kumain ng bunga niyon.
31At ang nakaligtas na nalabi sa sambahayan ni Juda ay muling mag-uugat pailalim, at magbubunga paitaas.
32Sapagkat sa Jerusalem ay lalabas ang nalabi, at mula sa Bundok ng Zion ay pangkat ng naligtas. Isasagawa ito ng sigasig ng Panginoon ng mga hukbo.
33“Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria: Siya'y hindi paparito sa lunsod na ito o magpapahilagpos man ng palaso diyan, o haharap man siya diyan na may kalasag, o magkukubkob laban diyan.
34Sa daan na kanyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya paparito sa lunsod na ito, sabi ng Panginoon.
35Sapagkat aking ipagtatanggol ang bayang ito upang iligtas, alang-alang sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David.”
Si Senakerib ay Nawalan ng Loob at Pinatay
36At ang anghel ng Panginoon ay humayo at pumatay sa kampo ng mga taga-Asiria ng isandaan walumpu't limang libo; at nang ang mga tao ay maagang bumangon kinaumagahan, narito, silang lahat ay mga bangkay.
37Sa gayo'y umalis si Senakerib na hari ng Asiria, bumalik at nanirahan sa Ninive.
38At nang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroc na kanyang diyos, pinatay siya ng tabak nina Adramalec at Sharezer na kanyang mga anak at sila'y tumakas sa lupain ng Ararat. At si Esarhadon na kanyang anak ang nagharing kapalit niya.

Currently Selected:

ISAIAS 37: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in

Video for ISAIAS 37