ISAIAS 45
45
Ang Paghirang kay Ciro
1Ganito ang sabi ng Panginoon sa kanyang pinahiran ng langis, kay Ciro,
na ang kanang kamay ay aking hinawakan,
upang pasukuin ang mga bansa sa harap niya;
at kalagan ang mga balakang ng mga hari,
upang magbukas ng mga pintuan sa harapan niya,
upang ang mga pintuan ay hindi masarhan:
2“Ako'y magpapauna sa iyo,
at papatagin ko ang mga baku-bakong dako,
ang mga pintuang tanso ay aking wawasakin,
at ang mga harang na bakal ay aking puputulin,
3at ibibigay ko sa iyo ang mga kayamanan ng kadiliman,
at ang mga natatagong kayamanan sa mga lihim na dako,
upang inyong malaman na ako ang Panginoon,
ang Diyos ng Israel na tumatawag sa iyo sa iyong pangalan.
4Alang-alang kay Jacob na aking lingkod,
at sa Israel na aking pinili,
sa iyong pangalan ay tinawag kita,
aking pinangalanan ka, bagaman hindi mo ako kilala.
5Ako ang Panginoon, at walang iba;
liban sa akin ay walang Diyos.
Aking binibigkisan ka, bagaman hindi mo ako kilala,
6upang malaman ng mga tao mula sa sikatan ng araw,
at mula sa kanluran, na walang iba liban sa akin;
ako ang Panginoon, at walang iba.
7Aking inilagay ang liwanag at nililikha ko ang kadiliman;
ako'y gumagawa ng kaginhawahan at lumilikha ako ng kapahamakan;
ako ang Panginoon, na gumagawa ng lahat ng mga bagay na ito.
Ang Panginoon ang Manlilikha
8“Maghulog ka, O mga langit, mula sa itaas,
at ang kalangitan ay magpaulan ng katuwiran;
bumuka ang lupa, at lumitaw ang kaligtasan,
at upang ang katuwiran ay lumitaw na kasama nito,
akong Panginoon ang lumikha nito.
9“Kahabag-habag#Isa. 29:16; Ro. 9:20 siya na makikipagpunyagi sa Maylalang sa kanya!
Isang luwad na sisidlan sa isang magpapalayok!
Sinasabi ba ng luwad sa nagbibigay anyo sa kanya, ‘Anong ginagawa mo?’
o ‘ang iyong gawa ay walang mga kamay?’
10Kahabag-habag siya na nagsasabi sa ama, ‘Ano ang naging anak mo?’
o sa babae, ‘Ano ang ipinaghihirap mo?’”
11Ganito ang sabi ng Panginoon,
ng Banal ng Israel, at ng Maylalang sa kanya:
“Magtanong ka sa akin tungkol sa mga bagay na darating;
tungkol sa aking mga anak, at tungkol sa gawa ng aking mga kamay, mag-utos kayo sa akin.
12Aking ginawa ang lupa,
at nilikha ko ang tao sa ibabaw nito;
ako, ang aking mga kamay ang nagladlad ng mga langit,
at inuutusan ko ang lahat ng naroroon.
13Aking ibinangon siya sa katuwiran,
at aking tutuwirin ang lahat niyang lakad;
kanyang itatayo ang aking lunsod,
at kanyang palalayain ang aking mga binihag,
hindi sa halaga o sa gantimpala man,”
sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Ang Panginoon Lamang ang Tagapagligtas
14Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Ang yari ng Ehipto at ang kalakal ng Etiopia,
at ang mga Sabeo, mga taong matatangkad,
ay paparito sa iyo, at sila'y magiging iyo;
sila'y susunod sa iyo.
Sila'y darating na may tanikala at sila'y magpapatirapa sa iyo.
Sila'y makikiusap sa iyo, na nagsasabi,
‘Tunay na ang Diyos lamang ang nasa iyo, at walang iba,
walang ibang Diyos.’”
15Katotohanang ikaw ay Diyos na nagkukubli,
O Diyos ng Israel, ang Tagapagligtas.
16Silang lahat ay napahiya at nalito,
ang mga manggagawa ng mga diyus-diyosan ay magkakasamang nalilito.
17Ngunit ang Israel ay ililigtas ng Panginoon
ng walang hanggang kaligtasan;
kayo'y hindi mapapahiya o malilito man
hanggang sa walang hanggan.
18Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon
na lumikha ng langit
(siya ay Diyos!),
na nag-anyo ng lupa at gumawa niyon,
(na kanyang itinatag;
hindi niya ito nilikha na sira,
ito ay kanyang inanyuan upang tirhan!):
“Ako ang Panginoon, at wala nang iba.
19Ako'y hindi nagsalita ng lihim,
sa dako ng lupain ng kadiliman;
hindi ko sinabi sa lahi ni Jacob,
‘Hanapin ninyo ako nang walang kabuluhan.’
Akong Panginoon ay nagsasalita ng katuwiran,
ako'y nagpapahayag ng mga bagay na matuwid.
Ang Diyus-diyosan at ang Panginoon
20“Kayo'y magtipon at pumarito,
magsilapit kayong magkakasama, kayong mga nakaligtas sa mga bansa!
Sila'y walang kaalaman
na nagdadala ng kanilang kahoy na larawang inanyuan,
at nananalangin sa diyos
na hindi makapagliligtas.
21Kayo'y magpahayag at maglahad;
oo, magsanggunian silang magkakasama!
Sinong nagsabi nito nang unang panahon?
Sinong nagpahayag niyon nang una?
Hindi ba ako, na Panginoon?
At walang Diyos liban sa akin,
isang matuwid na Diyos at Tagapagligtas;
walang iba liban sa akin.
22“Kayo'y bumaling sa akin, at kayo'y maliligtas,
lahat ng dulo ng lupa!
Sapagkat ako'y Diyos, at walang iba liban sa akin.
23Aking#Ro. 14:11; Fil. 2:10, 11 isinumpa sa aking sarili,
mula sa aking bibig ay lumabas sa katuwiran,
ang isang salita na hindi babalik:
‘Na sa akin ay luluhod ang bawat tuhod,
bawat dila ay susumpa.’
24“Kanyang sasabihin sa Panginoon lamang,
ang katuwiran at kalakasan,
iyon ang sasabihin tungkol sa akin;
sa kanya'y magsisiparoon ang mga tao,
at ang lahat ng nagagalit sa kanya ay mapapahiya.
25Sa Panginoon ang lahat ng anak ng Israel
ay aariing-ganap at luluwalhatiin.”
Currently Selected:
ISAIAS 45: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001