ISAIAS 65
65
Ang Parusa sa Pagmamatigas
1Ako'y#Ro. 10:20 nakahandang tumugon sa mga hindi nagtatanong sa akin.
Ako'y nakahandang matagpuan noong mga naghahanap sa akin.
Aking sinabi, “Narito ako, narito ako,”
sa isang bansa na hindi tumawag sa pangalan ko.
2Iniunat#Ro. 10:21 ko ang aking mga kamay buong araw
sa mapaghimagsik na bayan,
na lumalakad sa hindi mabuting daan,
na sumusunod sa kanilang sariling mga kalooban;
3isang Bayan na lagi akong ginagalit nang mukhaan,
na naghahandog sa mga halamanan,
at nagsusunog ng insenso sa ibabaw ng mga bato;
4na umuupo sa gitna ng mga libingan,
at ginugugol ang magdamag sa lihim na dako;
na kumakain ng laman ng baboy,
at ang sabaw ng mga kasuklamsuklam na mga bagay ay nasa kanilang mga sisidlan;
5na nagsasabi, “Lumayo ka,
huwag kang lumapit sa akin, sapagkat ako'y higit na banal kaysa iyo.”
Ang mga ito ay usok sa aking ilong,
apoy na nagliliyab buong araw.
6Narito, nasusulat sa harap ko:
“Hindi ako tatahimik, kundi ako'y gaganti,
oo, ako'y gaganti sa kanilang sinapupunan.
7Ang inyong sariling mga kasamaan, at ang mga sama-samang kasamaan ng inyong mga magulang, sabi ng Panginoon;
sapagkat nagsunog sila ng insenso sa mga bundok,
at inalipusta nila ako sa mga burol,
susukatin ko sa kanilang kandungan
ang kabayaran sa kanilang ginawa noong una.”
8Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Kung paanong natatagpuan ang bagong alak sa kumpol,
at kanilang sinasabi, ‘Huwag mong sirain,
sapagkat diyan ay may pagpapala;’
gayon ang gagawin ko alang-alang sa aking mga lingkod,
at hindi ko sila pupuksaing lahat.
9At ako'y maglalabas ng mga lahi na mula sa Jacob,
at mula sa Juda ay mga tagapagmana ng aking mga bundok;
iyon ay mamanahin ng aking hinirang,
at ang aking mga lingkod doon ay maninirahan.
10Ang#Jos. 7:24-26 Sharon ay magiging pastulan ng mga kawan,
at ang Libis ng Acor ay dakong higaan ng mga bakahan,
para sa aking bayan na humanap sa akin.
11Ngunit kayo na tumalikod sa Panginoon,
na lumimot sa aking banal na bundok,
na naghahanda ng hapag para sa Kapalaran,
at pinupuno ang kopa ng hinalong alak para sa Tadhana;
12itatadhana ko kayo sa tabak,
at kayong lahat ay yuyuko sa katayan;
sapagkat nang ako'y tumawag, kayo'y hindi sumagot,
nang ako'y magsalita, kayo'y hindi nakinig;
kundi inyong ginawa ang masama sa aking paningin,
at inyong pinili ang di ko kinaluluguran.”
13Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Narito, ang aking mga lingkod ay magsisikain,
ngunit kayo'y magugutom;
narito, ang aking mga lingkod ay iinom,
ngunit kayo'y mauuhaw;
narito, magagalak ang aking mga lingkod,
ngunit kayo'y mapapahiya;
14Narito, ang aking mga lingkod ay aawit dahil sa kagalakan ng puso,
ngunit kayo'y dadaing dahil sa kalungkutan ng puso,
at tatangis dahil sa pagkabagbag ng loob.
15Inyong iiwan ang inyong pangalan sa aking mga pinili bilang isang sumpa,
at papatayin ka ng Panginoong Diyos;
ngunit ang kanyang mga lingkod ay tatawagin niya sa ibang pangalan.
16Upang siya na nagpapala sa sarili sa lupa
sa pamamagitan ng Diyos ng katotohanan ay magpapala;
at siyang sumusumpa sa lupa
sa pangalan ng Diyos ng katotohanan ay susumpa;
sapagkat ang mga dating kabagabagan ay nalimutan na,
at nakubli sa aking mga mata.
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
17“Sapagkat#Isa. 66:22; 2 Ped. 3:13; Apoc. 21:1 narito, ako'y lumilikha ng mga bagong langit
at bagong lupa;
at ang mga dating bagay ay hindi na maaalala,
o darating man sa isipan.
18Ngunit kayo'y matuwa at magalak magpakailanman
sa aking nilikha;
sapagkat, aking nililikha ang Jerusalem na isang kagalakan,
at ang kanyang bayan na isang kaluguran.
19Ako'y#Apoc. 21:4 magagalak sa Jerusalem,
at maliligayahan sa aking bayan;
at ang tinig ng iyak ay hindi na maririnig pa sa kanya,
o ang tinig man ng daing.
20Hindi na magkakaroon doon
ng sanggol na nabuhay lamang ng ilang araw,
o ng matanda man na hindi nalubos ang kanyang mga araw;
sapagkat ang kabataan ay mamamatay na may isandaang taong gulang,
at susumpain ang taong hindi makaabot sa isandaang taong gulang.
21At sila'y magtatayo ng mga bahay at kanilang titirahan ang mga iyon;
at sila'y magtatanim ng ubasan at kakain ng bunga niyon.
22Sila'y hindi magtatayo at iba ang titira,
sila'y hindi magtatanim, at iba ang kakain;
sapagkat gaya ng mga araw ng punungkahoy, ay magiging gayon ang mga araw ng aking bayan,
at matagal na tatamasahin ng aking pinili ang gawa ng kanilang mga kamay.
23Sila'y hindi gagawa nang walang kabuluhan,
o manganganak man para sa kapahamakan,
sapagkat sila ang magiging supling ng mga pinagpala ng Panginoon,
at ang kanilang mga anak na kasama nila.
24At mangyayari na bago pa sila tumawag ay sasagot ako,
samantalang sila'y nagsasalita ay makikinig ako.
25Ang#Isa. 11:6-9 asong-gubat at ang kordero ay manginginaing magkasama,
at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka;
at alabok ang magiging pagkain ng ahas.
Sila'y hindi mananakit o maninira man
sa lahat kong banal na bundok,
sabi ng Panginoon.”
Currently Selected:
ISAIAS 65: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001