YouVersion Logo
Search Icon

MGA HUKOM 15

15
Sinunog ni Samson ang Triguhan ng mga Filisteo
1Ngunit pagkaraan ng ilang panahon, sa panahon ng pag-aani ng trigo, dumalaw si Samson na may dalang isang batang kambing sa kanyang asawa, at kanyang sinabi, “Aking papasukin ang aking asawa sa loob ng silid.” Ngunit ayaw siyang papasukin ng kanyang biyenang lalaki.
2At sinabi ng kanyang biyenang lalaki, “Ang akala ko'y iyong lubos na kinapootan siya, kaya't ibinigay ko siya sa iyong abay. Di ba ang kanyang nakababatang kapatid ay mas maganda kaysa kanya? Kunin mo siyang kahalili niya.”
3Sinabi ni Samson sa kanila, “Ngayon ay wala akong ipagkakasala sa mga Filisteo, kung gawan ko man sila ng kasamaan.”
4Kaya't humayo si Samson at humuli ng tatlong daang asong-gubat#15:4 o zorra at kumuha ng mga sulo, at pinagkabit-kabit ang mga buntot, at nilagyan ng sulo sa pagitan ng bawat dalawang buntot.
5Nang kanyang masindihan ang mga sulo ay kanyang pinakawalan ang mga asong-gubat sa nakatayong trigo ng mga Filisteo at parehong sinunog ang mga mandala at ang nakatayong trigo, gayundin ang mga taniman ng olibo.
6Nang magkagayo'y sinabi ng mga Filisteo, “Sinong gumawa nito?” At kanilang sinabi, “Si Samson na manugang ng taga-Timna, sapagkat kanyang kinuha ang asawa niya at ibinigay sa kanyang abay.” Kaya't umahon ang mga Filisteo at sinunog ang babae at ang kanyang ama.
7Sinabi ni Samson sa kanila, “Kung ganito ang ginagawa ninyo, isinusumpa kong gagantihan ko kayo at saka ako titigil.”
8Pinaghahampas niya ang kanilang mga hita at balakang at gumawa ng napakalaking pagpatay; pagkatapos siya'y bumaba at nanatili sa isang guwang ng bato sa Etam.
Dalawang Bagong Lubid ang Iginapos kay Samson
9Nang magkagayo'y umahon ang mga Filisteo at nagkampo sa Juda, at sinalakay ang Lehi.
10At sinabi ng mga lalaki ng Juda, “Bakit kayo'y pumarito laban sa amin?” At kanilang sinabi, “Pumarito kami upang gapusin si Samson, at gawin sa kanya ang ginawa niya sa amin.”
11Nang magkagayo'y may tatlong libong lalaki sa Juda na lumusong sa guwang ng bato ng Etam, at sinabi kay Samson, “Hindi mo ba alam na ang mga Filisteo ay ating mga tagapamahala? Ano itong ginawa mo sa amin?” At sinabi niya sa kanila, “Kung ano ang ginawa nila sa akin ay gayon ang ginawa ko sa kanila.”
12At sinabi nila sa kanya, “Kami ay lumusong upang gapusin ka, upang maibigay ka namin sa kamay ng mga Filisteo.” Sinabi ni Samson sa kanila, “Sumumpa kayo sa akin na hindi kayo ang sasalakay sa akin.”
13Sinabi nila sa kanya, “Hindi, gagapusin ka lamang namin, at ibibigay sa kanilang kamay. Ngunit hindi ka namin papatayin.” At kanilang ginapos siya ng dalawang bagong lubid at iniahon mula sa bato.
14Nang siya'y dumating sa Lehi, ang mga Filisteo ay nagsisigawan samantalang kanilang sinasalubong siya. Ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lumukob sa kanya, at ang mga lubid na nasa kanyang mga bisig ay naging parang lino na natupok sa apoy, at ang kanyang mga tali ay nalaglag sa kanyang mga kamay.
15Siya'y nakakita ng isang sariwang panga ng asno, at iniunat ang kanyang kamay, at dinampot iyon, at ginamit sa pagpatay sa isang libong lalaki.
16At sinabi ni Samson,
“Sa pamamagitan ng panga ng isang asno, ay nagkabuntun-bunton,
sa pamamagitan ng panga ng isang asno ay pumatay ako ng isang libong lalaki.”
17Pagkatapos niyang makapagsalita ay kanyang inihagis ang panga na nasa kanyang kamay, at ang dakong iyon ay tinawag na Ramat-lehi.#15:17 o Ang burol ng panga ng asno.
18Siya'y uhaw na uhaw at siya'y tumawag sa Panginoon, “Iyong ibinigay itong dakilang pagliligtas sa kamay ng iyong lingkod, at ngayo'y mamamatay ba ako sa uhaw at mahuhulog sa kamay ng mga hindi tuli?”
19Ngunit binuksan ng Diyos ang isang guwang na nasa Lehi at nilabasan iyon ng tubig. Nang siya'y makainom, ang kanyang diwa ay nanumbalik at siya'y muling nagkamalay. Kaya't ang pangalan niyon ay tinawag na En-hacore,#15:19 o Ang bukal ng tumawag. na nasa Lehi hanggang sa araw na ito.
20Siya'y naghukom sa Israel sa mga araw ng mga Filisteo ng dalawampung taon.

Currently Selected:

MGA HUKOM 15: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in