YouVersion Logo
Search Icon

MGA HUKOM 2

2
Ang Anghel ng Panginoon sa Boquim
1Umakyat ang anghel ng Panginoon sa Boquim mula sa Gilgal. Kanyang sinabi, “Kayo'y pinaahon ko mula sa Ehipto, at dinala ko kayo sa lupain na aking ipinangakong ibibigay sa inyong mga ninuno. Sinabi kong, ‘Kailanma'y hindi ko sisirain ang aking tipan sa inyo,
2at#Exo. 34:12, 13; Deut. 7:2-5 huwag kayong makikipagtipan sa mga naninirahan sa lupaing ito; inyong wawasakin ang kanilang mga dambana.’ Ngunit hindi ninyo dininig ang aking utos. Ano itong ginawa ninyo?
3Kaya't sinasabi ko ngayon, Hindi ko sila palalayasin sa harap ninyo; kundi sila'y magiging mga kalaban#2:3 Sa Hebreo ay mga tagiliran. ninyo, at ang kanilang mga diyos ay magiging bitag sa inyo.”
4Nang sabihin ng anghel ng Panginoon ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel, inilakas ng bayan ang kanilang tinig at umiyak.
5At kanilang tinawag ang pangalan ng dakong iyon na Boquim; at sila'y nag-alay doon sa Panginoon.
Ang Pagkamatay ni Josue
6Nang mapaalis na ni Josue ang taong-bayan, pumaroon ang bawat isa sa mga anak ni Israel sa kanyang mana upang angkinin ang lupa.
7Naglingkod ang bayan sa Panginoon sa lahat ng mga araw ni Josue, at sa lahat ng mga araw ng matatandang huling namatay kay Josue na nakakita ng mga dakilang bagay na ginawa ng Panginoon para sa Israel.
8Si Josue na anak ni Nun, na lingkod ng Panginoon, ay namatay sa gulang na isandaan at sampung taon.
9Kanilang#Jos. 19:49, 50 inilibing siya sa hangganan ng kanyang mana, sa Timnat-heres, sa maburol na lupain ng Efraim na nasa hilaga ng bundok Gaas.
10Ang buong lahing iyon ay nalakip din sa kanilang mga magulang. Doon ay may ibang salinlahing bumangon pagkamatay nila na hindi kilala ang Panginoon, ni ang mga bagay na kanyang ginawa para sa Israel.
Naglingkod kay Baal ang Bayan
11Ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon at naglingkod sa mga Baal.
12Kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto. Sumunod sila sa ibang mga diyos, sa mga diyos ng mga bayan na nasa palibot nila, at sila'y yumukod sa mga iyon; at kanilang ginalit ang Panginoon.
13Kanilang tinalikuran ang Panginoon, at naglingkod sa mga Baal at Astarte.
14Kaya't ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban sa Israel, at kanyang ibinigay sila sa mga manloloob. Kanyang ipinagbili sila sa mga kamay ng kanilang mga kaaway sa palibot, anupa't sila'y hindi na makatagal sa kanilang mga kaaway.
15Saan man sila humayo, ang kamay ng Panginoon ay laban sa kanila sa ikasasama nila, gaya nang ibinabala at isinumpa sa kanila ng Panginoon, sila'y nagipit na mabuti.
16Kaya't ang Panginoon ay naglagay ng mga hukom na nagligtas sa kanila sa kapangyarihan ng mga nanloob sa kanila.
17Gayunma'y hindi nila pinakinggan ang kanilang mga hukom, kundi sila'y sumamba sa ibang mga diyos, at kanilang niyukuran ang mga iyon. Hindi nagtagal, sila'y lumihis sa daan na nilakaran ng kanilang mga ninuno na sumunod sa mga utos ng Panginoon; hindi sila sumunod sa kanilang halimbawa.
18Tuwing maglalagay ng hukom ang Panginoon para sa kanila, ang Panginoon ay kasama ng hukom, at kanyang iniligtas sila sa kamay ng kanilang mga kaaway sa lahat ng mga araw ng hukom, sapagkat naawa ang Panginoon dahil sa kanilang daing, dahil sa mga nagpahirap at nang-api sa kanila.
19Ngunit pagkamatay ng hukom, sila'y tumalikod at kumilos na mas masama pa kaysa kanilang mga ninuno. Sila'y sumunod sa ibang mga diyos pinaglingkuran at niyuyukuran ang mga ito. Hindi nila inihinto ang alinman sa kanilang mga gawa, ni ang kanilang mga pagmamatigas.
20Kaya't ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban sa Israel; at kanyang sinabi, “Sapagkat sinuway ng bayang ito ang aking tipan na aking iniutos sa kanilang mga ninuno, at hindi dininig ang aking tinig.
21Kaya't hindi ko na palalayasin sa harap nila ang alinman sa mga bansang iniwan ni Josue nang siya'y mamatay;
22upang sa pamamagitan nila'y aking masubok ang Israel, kung kanilang susundin o hindi ang daan ng Panginoon upang lakaran nila, na gaya ng ginawa ng kanilang mga ninuno.”
23Kaya't iniwan ng Panginoon ang mga bansang iyon, sila'y hindi niya agad pinalayas, ni ibinigay sila sa kamay ni Josue.

Currently Selected:

MGA HUKOM 2: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in