JEREMIAS 1
1
Ang Pagkatawag kay Jeremias
1Ang mga salita ni Jeremias na anak ni Hilkias, isa sa mga pari na nasa Anatot sa lupain ng Benjamin,
2na#2 Ha. 22:3–23:27; 2 Cro. 34:8–35:19 sa kanya dumating ang salita ng Panginoon nang mga araw ni Josias na anak ni Amon, na hari ng Juda, nang ikalabintatlong taon ng kanyang paghahari.
3Dumating#2 Ha. 23:36–24:7; 2 Cro. 36:5-8; 2 Ha. 24:18–25:21; 2 Cro. 36:11-21 din ito nang mga araw ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, at hanggang sa katapusan nang ikalabing-isang taon ni Zedekias, na anak ni Josias, hari ng Juda, hanggang sa pagkadalang-bihag ng Jerusalem nang ikalimang buwan.
4Ngayon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin na sinasabi,
5“Bago kita inanyuan sa sinapupunan ay kilala na kita,
at bago ka ipinanganak, ikaw ay aking itinalaga;
hinirang kitang propeta sa mga bansa.”
6Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ah, Panginoong Diyos! Tingnan mo, hindi ako marunong magsalita, sapagkat ako'y kabataan pa.”
7Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon,
“Huwag mong sabihin, ‘Ako'y isang kabataan;’
sapagkat saanman kita suguin ay paroroon ka,
at anumang iutos ko sa iyo ay sasabihin mo.
8Huwag kang matakot sa kanila,
sapagkat ako'y kasama mo na magliligtas sa iyo, sabi ng Panginoon.”
9Pagkatapos ay iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon,
“Narito, inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig.
10Tingnan mo, inilagay kita sa araw na ito sa ibabaw ng mga bansa at ng mga kaharian,
upang bumunot at magpabagsak,
upang pumuksa at magwasak,
upang magtayo at magtanim.”
Dalawang Pangitain
11Dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi, “Jeremias, anong nakikita mo?” At aking sinabi, “Ako'y nakakakita ng isang tungkod na almendro.”
12At sinabi ng Panginoon sa akin, “Nakita mong mabuti, sapagkat pinagmamasdan ko ang aking salita upang isagawa ito.”
13Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin sa ikalawang pagkakataon, na nagsasabi, “Ano ang iyong nakikita?” At aking sinabi, “Ako'y nakakakita ng isang palayok na pinagpapakuluan, at nakaharap palayo sa hilaga.”
14At sinabi ng Panginoon sa akin, “Mula sa hilaga ay lalabas ang kasamaan sa lahat ng naninirahan sa lupain.
15Sapagkat narito, tinatawag ko ang lahat ng mga angkan ng mga kaharian ng hilaga, sabi ng Panginoon. Sila'y darating at bawat isa ay maglalagay ng kanya-kanyang trono sa pasukan ng mga pintuan ng Jerusalem, laban sa lahat ng pader nito sa palibot, at laban sa lahat ng mga lunsod ng Juda.
16At aking bibigkasin ang aking mga hatol laban sa kanila, dahil sa lahat nilang kasamaan sa pagtalikod sa akin. Sila'y nagsunog ng insenso sa ibang mga diyos, at nagsisamba sa mga gawa ng kanilang sariling mga kamay.
17Ngunit ikaw, magbigkis ka ng iyong mga balakang, tumindig ka at sabihin mo sa kanila ang lahat ng iniuutos ko sa iyo. Huwag kang manghina sa harapan nila, baka ikaw ay papanghinain ko sa harapan nila.
18Ngayon, tingnan mo, ginawa kita sa araw na ito na isang lunsod na may kuta at isang haliging bakal, at gaya ng pader na tanso laban sa buong lupain, laban sa mga hari ng Juda, sa mga prinsipe nito, sa mga pari nito, at laban sa mamamayan ng lupain.
19Lalaban sila sa iyo, ngunit hindi sila magtatagumpay laban sa iyo, sapagkat ako'y kasama mo upang iligtas ka, sabi ng Panginoon.”
Currently Selected:
JEREMIAS 1: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001