JEREMIAS 10
10
Huwad at Tunay na Pagsamba
1Pakinggan ninyo ang salita na sinasabi ng Panginoon sa inyo, O sambahayan ng Israel.
2Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Huwag ninyong pag-aralan ang lakad ng mga bansa,
ni mabagabag sa mga tanda ng mga langit,
sapagkat ang mga bansa ay nababagabag sa mga iyon,
3sapagkat ang mga kaugalian ng mga sambayanan ay walang kabuluhan.
Isang punungkahoy mula sa gubat ang pinuputol,
at nilililok sa pamamagitan ng palakol ng mga kamay ng manlililok.
4Ginagayakan ito ng mga tao ng pilak at ginto;
pinatatatag nila ito ng martilyo at mga pako,
upang huwag itong makilos.
5Sila ay gaya ng mga panakot-uwak sa gitna ng taniman ng pipino,
at hindi sila makapagsalita.
Kailangan silang pasanin,
sapagkat hindi sila makalakad.
Huwag ninyong katakutan ang mga iyon,
sapagkat sila'y hindi makakagawa ng masama,
ni wala ring magagawang mabuti.”
6Walang gaya mo, O Panginoon;
ikaw ay dakila, at ang iyong pangalan ay dakila sa kapangyarihan.
7Sinong#Apoc. 15:4 hindi matatakot sa iyo, O Hari ng mga bansa?
Sapagkat ito'y nararapat sa iyo;
sapagkat sa lahat ng mga pantas ng mga bansa
at sa lahat nilang mga kaharian
ay walang gaya mo.
8Sila'y pawang mga mangmang at hangal,
ang turo ng mga diyus-diyosan ay kahoy lamang!
9Pinitpit na pilak ang dinadala mula sa Tarsis,
at ginto mula sa Uphaz.
Ang mga ito'y gawa ng manlililok at ng mga kamay ng platero;
ang kanilang damit ay bughaw at kulay ube;
ang mga ito'y gawang lahat ng mga bihasang manggagawa.
10Ngunit ang Panginoon ang tunay na Diyos;
siya ang buháy na Diyos at walang hanggang Hari.
Sa kanyang poot ang lupa'y nayayanig,
at hindi matatagalan ng mga bansa ang kanyang galit.
11Kaya't ganito ang inyong sasabihin sa kanila: “Ang mga diyos na hindi gumawa ng langit at ng lupa ay malilipol sa lupa, at sa silong ng mga langit.”#10:11 Ang talatang ito ay nasa wikang Aramaico.
12Siya ang gumawa ng lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan,
na nagtatag ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang karunungan,
at sa pamamagitan ng kanyang kaunawaan ay iniladlad niya ang kalangitan.
13Kapag siya'y nagsasalita
ay may hugong ng tubig sa mga langit,
at kanyang pinaiilanglang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa.
Gumagawa siya ng mga kidlat para sa ulan,
at naglalabas siya ng hangin mula sa kanyang mga kamalig.
14Bawat tao ay hangal at walang kaalaman;
bawat platero ay inilalagay sa kahihiyan ng kanyang mga diyus-diyosan;
sapagkat ang kanyang mga larawan ay kabulaanan,
at walang hininga sa mga iyon.
15Sila'y walang kabuluhan, isang gawa ng panlilinlang;
sa panahon ng pagpaparusa sa kanila ay malilipol sila.
16Hindi gaya ng mga ito ang bahagi ng Jacob,
sapagkat siya ang nag-anyo sa lahat ng mga bagay;
at ang Israel ay siyang lipi ng kanyang mana;
ang Panginoon ng mga hukbo ang kanyang pangalan.
Ang Darating na Pagkabihag
17Pulutin mo ang iyong balutan mula sa lupa,
O ikaw na nakukubkob!
18Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:
“Narito, aking ihahagis palabas ang mga naninirahan sa lupain
sa panahong ito,
at ako'y magdadala ng kahirapan sa kanila
upang ito'y maramdaman nila.”
19Kahabag-habag ako dahil sa aking sugat!
Malubha ang aking sugat.
Ngunit aking sinabi, “Tunay na ito ay isang paghihirap,
at dapat kong tiisin.”
20Ang aking tolda ay nagiba,
at lahat ng panali ko ay napatid;
iniwan ako ng aking mga anak,
at sila'y wala na;
wala nang magtatayo pa ng aking tolda,
at magtataas ng aking mga tabing.
21Sapagkat ang mga pastol ay naging hangal,
at hindi sumasangguni sa Panginoon;
kaya't hindi sila umuunlad,
at lahat nilang kawan ay nakakalat.
22Pakinggan ninyo, isang ingay! Tingnan ninyo, ito'y dumarating—
isang malaking kaguluhan mula sa hilagang lupain,
upang wasakin ang mga lunsod ng Juda,
at gawing tahanan ng mga asong-gubat.
23Alam ko, O Panginoon, na ang lakad ng tao ay wala sa kanyang sarili;
wala sa taong lumalakad ang magtuwid ng kanyang mga hakbang.
24Ituwid mo ako, O Panginoon, ngunit sa katarungan,
huwag sa iyong galit, baka ako'y iuwi mo sa wala.
25Ibuhos mo ang iyong poot sa mga bansang hindi nakakakilala sa iyo,
at sa mga bayan na hindi tumatawag sa iyong pangalan;
sapagkat kanilang nilamon ang Jacob,
kanilang nilamon siya, at nilipol siya,
at winasak ang kanyang tahanan.
Currently Selected:
JEREMIAS 10: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001