YouVersion Logo
Search Icon

JEREMIAS 17

17
Ang Kasalanan at Parusa para sa Juda
1“Ang kasalanan ng Juda ay isinulat ng panulat na bakal. Sa pamamagitan ng pang-ukit na diamante, iniukit ito sa kanilang puso at sa mga sungay ng kanilang mga dambana;
2habang naaalala ng kanilang mga anak ang kanilang mga dambana at mga Ashera sa tabi ng bawat luntiang punungkahoy, at sa mga mataas na burol,
3sa mga bundok sa kaparangan. Ang lahat mong kayamanan at ari-arian ay aking ibibigay na samsam bilang halaga ng iyong kasalanan sa iyong buong nasasakupan.
4Ibibitaw mo ang iyong kamay sa iyong mana na ibinigay ko sa iyo; at papaglilingkurin kita sa iyong mga kaaway sa lupain na hindi mo nakikilala; sapagkat sa aking galit ay nagningas ang apoy na magliliyab magpakailanman.”
Iba't Ibang Kasabihan
5Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Sumpain ang tao na nagtitiwala sa tao,
at ginagawang kalakasan ang laman,
at ang puso ay lumalayo sa Panginoon.
6Sapagkat siya'y magiging gaya ng kugon sa ilang,
at hindi makakakita ng anumang mabuting darating.
Siya'y maninirahan sa mga tuyong dako sa ilang,
sa lupang maalat at hindi tinatahanan.
7“Mapalad ang tao na nagtitiwala sa Panginoon,
at ang pag-asa ay ang Panginoon.
8Sapagkat#Awit 1:3 siya'y magiging tulad sa punungkahoy na itinanim sa tabi ng tubig,
at gumagapang ang mga ugat sa tabi ng batis,
at hindi natatakot kapag dumarating ang init,
sapagkat ang mga dahon nito ay nananatiling sariwa;
at hindi mababalisa sa taon ng pagkatuyo,
sapagkat hindi ito tumitigil sa pamumunga.”
9Ang puso ay mandaraya kaysa lahat ng bagay,
at lubhang napakasama;
sinong makakaunawa nito?
10“Akong#Apoc. 2:23; Awit 62:12 Panginoon ay sumisiyasat ng pag-iisip,
at sumusubok ng puso,#17:10 Sa Hebreo ay bato.
upang ibigay sa lahat ang ayon sa kanilang mga lakad,
ayon sa bunga ng kanyang mga gawa.”
11Gaya ng pugo na pinipisa ang hindi naman kanyang itlog,
gayon ang yumayaman ngunit hindi sa tamang paraan;
sa kalagitnaan ng kanyang mga araw ay kanilang iiwan siya,
at sa kanyang wakas ay magiging hangal siya.
12Isang maluwalhating trono na itinaas mula nang pasimula,
ang lugar ng aming santuwaryo.
13O Panginoon, ang pag-asa ng Israel,
ang lahat ng tumalikod sa iyo ay mapapahiya.
Silang humihiwalay sa iyo ay masusulat sa lupa,
sapagkat kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang bukal ng tubig na buháy.
Humingi ng Tulong sa Panginoon si Jeremias
14Pagalingin mo ako, O Panginoon, at gagaling ako;
iligtas mo ako, at maliligtas ako;
sapagkat ikaw ang aking kapurihan.
15Sinasabi nila sa akin,
“Nasaan ang salita ng Panginoon?
Hayaan itong dumating ngayon!”
16Tungkol sa akin, hindi ako nagmadali na lumayo sa pagkapastol na kasunod mo;
ni ninasa ko man ang araw ng kapahamakan;
iyong nalalaman ang lumabas sa aking mga labi
ay nasa iyong harapan.
17Huwag kang maging kilabot sa akin,
ikaw ang aking kanlungan sa araw ng kasamaan.
18Mapahiya nawa silang umuusig sa akin,
ngunit huwag mo akong ipahiya;
biguin mo sila,
ngunit huwag akong biguin.
Iparating mo sa kanila ang araw ng kasamaan,
at wasakin mo sila ng ibayong pagkawasak!
Tungkol sa Pangingilin ng Sabbath
19Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, “Humayo ka at tumayo ka sa pintuan ng mga anak ng taong-bayan, na pinapasukan at nilalabasan ng mga hari ng Juda, at sa lahat ng mga pintuan ng Jerusalem;
20at sabihin mo sa kanila: ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, ninyong mga hari ng Juda, at ng buong Juda, at ng lahat ng naninirahan sa Jerusalem na pumapasok sa mga pintuang ito.
21Ganito#Neh. 13:15-22 ang sabi ng Panginoon: Mag-ingat kayo sa inyong sarili, at huwag kayong magdala ng pasan sa araw ng Sabbath, o ipasok iyon sa mga pintuan ng Jerusalem.
22Huwag#Exo. 20:8-10; Deut. 5:12-14 din kayong maglabas ng pasan sa inyong mga bahay sa araw ng Sabbath, o gumawa man kayo ng anumang gawain; kundi inyong ipangilin ang araw ng Sabbath, gaya ng iniutos ko sa inyong mga ninuno.
23Gayunma'y hindi sila nakinig, o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi pinagmatigas ang kanilang ulo, upang huwag silang makinig at tumanggap ng turo.
24“‘Ngunit, kung kayo'y makikinig sa akin, sabi ng Panginoon, at hindi magpapasok ng pasan sa mga pintuan ng lunsod na ito sa araw ng Sabbath, kundi ipangingilin ang araw ng Sabbath, at hindi gagawa ng anumang gawain sa araw na iyon,
25kung gayo'y papasok sa mga pintuan ng lunsod na ito ang mga hari at prinsipe na nakaupo sa trono ni David, na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, sila at ang kanilang mga prinsipe, ang mga mamamayan ng Juda at ang mga taga-Jerusalem; at ang lunsod na ito ay mananatili magpakailanman.
26At darating ang mga tao mula sa mga bayan ng Juda at sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, mula sa lupain ng Benjamin, mula sa Shefela, mula sa maburol na lupain, at mula sa Negeb, na may dalang mga handog na sinusunog at mga alay, mga handog na butil at insenso, at handog na pasasalamat sa bahay ng Panginoon.
27Ngunit kung hindi kayo makikinig sa akin, upang ipangilin ang araw ng Sabbath, at huwag magdala ng pasan at pumasok sa mga pintuan ng Jerusalem sa araw ng Sabbath; kung magkagayo'y magpapaningas ako ng apoy sa mga pintuan nito, at lalamunin nito ang mga palasyo ng Jerusalem at hindi ito mapapatay.’”

Currently Selected:

JEREMIAS 17: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in