YouVersion Logo
Search Icon

JEREMIAS 3

3
Ang Taksil na Israel
1Sinasabi nila, “Kung hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa,
at siya'y humiwalay sa kanya,
at maging asawa ng ibang lalaki,
babalik pa ba uli ang lalaki sa kanya?
Hindi ba lubos na madudumihan ang lupaing iyon?
Ikaw ay naging upahang babae#3:1 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw. sa maraming mangingibig;
at babalik ka sa akin?
sabi ng Panginoon.
2Itanaw mo ang iyong mga mata sa lantad na kaitaasan, at iyong tingnan!
Saan ka hindi nasipingan?
Sa tabi ng mga lansangan ay umupo kang naghihintay
na gaya ng taga-Arabia sa ilang.
Dinumihan mo ang lupain
ng iyong kahalayan at ng iyong kasamaan.
3Kaya't pinigil ang mga ambon,
at hindi dumating ang ulan sa tagsibol;
gayunma'y mayroon kang noo ng isang upahang babae,
ikaw ay tumatangging mapahiya.
4Hindi ba sa akin ay katatawag mo lamang,
‘Ama ko, ikaw ang kaibigan ng aking kabataan—
5siya ba ay magagalit magpakailanman,
siya ba ay magngingitngit hanggang sa katapusan?’
Narito, ikaw ay nagsalita,
at gumawa ng masasamang bagay, at nasunod mo ang iyong naibigan.”
Ayaw Magsisi ng Israel at ng Juda
6Sinabi#2 Ha. 22:1–23:30; 2 Cro. 34:1–35:27 sa akin ng Panginoon sa mga araw ng haring si Josias, “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel, kung paanong siya'y umahon sa bawat mataas na burol at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy, at doon siya'y naging paupahang babae?
7At aking sinabi, ‘Pagkatapos na magawa niya ang lahat ng bagay na ito, siya'y babalik sa akin;’ ngunit hindi siya bumalik, at ito'y nakita ng taksil niyang kapatid na Juda.
8Nakita niya na dahil sa lahat ng pangangalunya ng taksil na Israel, pinalayas ko siya na may kasulatan ng paghihiwalay. Gayunma'y hindi natakot ang taksil niyang kapatid na Juda; sa halip siya man ay humayo at naging paupahang babae.
9Sapagkat ang pagiging paupahang babae ay napakagaan para sa kanya, dinumihan niya ang lupain, at siya'y nangalunya sa mga bato at punungkahoy.
10Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay hindi bumalik sa akin ng buong puso ang taksil niyang kapatid na Juda, kundi paimbabaw, sabi ng Panginoon.”
11At sinabi ng Panginoon sa akin, “Ipinakita ng taksil na Israel ang kanyang sarili na mas matuwid kaysa taksil na Juda.
12Humayo ka at ipahayag mo ang mga salitang ito paharap sa hilaga, at sabihin mo,
‘Manumbalik ka, taksil na Israel, sabi ng Panginoon.
Hindi ako titingin na may galit sa inyo,
sapagkat ako'y maawain, sabi ng Panginoon;
hindi ako magagalit magpakailanman.
13Kilalanin mo lamang ang iyong pagkakasala,
na ikaw ay naghimagsik laban sa Panginoon mong Diyos,
at ikinalat mo ang iyong mga lingap sa mga dayuhan sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy,
at kayo'y hindi nagsisunod sa aking tinig, sabi ng Panginoon.
14Manumbalik kayo, O taksil na mga anak, sabi ng Panginoon,
sapagkat ako ay panginoon sa inyo,
at kukuha ako sa inyo ng isa sa isang lunsod, at dalawa sa isang angkan,
at dadalhin ko kayo sa Zion.
15“‘At bibigyan ko kayo ng mga pastol ayon sa aking napupusuan, na magpapakain sa inyo ng kaalaman at unawa.
16At mangyayari na kapag kayo'y dumami at lumago sa lupain sa mga araw na iyon, sabi ng Panginoon, hindi na nila sasabihin, “Ang kaban ng tipan ng Panginoon.” Hindi na iyon maiisip ni maaalala, ni hahanap-hanapin; at ito ay hindi na muling gagawin.
17Sa panahong iyon ay tatawagin nila ang Jerusalem na trono ng Panginoon, at lahat ng mga bansa ay magtitipon doon sa Jerusalem, sa pangalan ng Panginoon, at hindi na sila lalakad ayon sa katigasan ng kanilang masasamang puso.
18Sa mga araw na iyon ang sambahayan ng Juda ay lalakad na kasama ng sambahayan ng Israel, at magkasama silang manggagaling sa lupain ng hilaga patungo sa lupain na ibinigay ko bilang pamana sa inyong mga magulang.
Ang Pagsamba ng Israel sa Diyus-diyosan
19“‘Aking inisip,
nais kong ilagay ka na kasama ng aking mga anak,
at bigyan ka ng magandang lupain,
isang pinakamagandang pamana sa lahat ng mga bansa.
At akala ko'y tatawagin mo ako, Ama ko;
at hindi ka na hihiwalay pa sa pagsunod sa akin.
20Tunay na kung paanong iniiwan ng taksil na asawang babae ang kanyang asawa,
gayon kayo nagtaksil sa akin, O sambahayan ng Israel, sabi ng Panginoon.’”
21Isang tinig ay naririnig sa mga lantad na kaitaasan,
ang iyak at pagsusumamo ng mga anak ni Israel;
sapagkat kanilang binaluktot ang kanilang daan,
kanilang nilimot ang Panginoon nilang Diyos.
22“Manumbalik kayo, O taksil na mga anak,
pagagalingin ko ang inyong kataksilan.”
“Narito, kami ay lumalapit sa iyo;
sapagkat ikaw ang Panginoon naming Diyos.
23Tunay na ang mga burol ay kahibangan,
ang mga lasingan sa mga bundok.
Tunay na nasa Panginoon naming Diyos
ang kaligtasan ng Israel.
24“Ngunit mula sa ating pagkabata ay nilamon ng kahiyahiyang bagay ang lahat ng pinagpagalan ng ating mga magulang, ang kanilang mga kawan at ang kanilang mga bakahan, ang kanilang mga anak na lalaki at babae.
25Tayo'y magsihiga sa ating kahihiyan, at takpan tayo ng ating kawalan ng dangal; sapagkat tayo'y nagkasala laban sa Panginoon nating Diyos, tayo at ang ating mga magulang, mula sa ating kabataan hanggang sa araw na ito; at hindi tayo nakinig sa tinig ng Panginoon nating Diyos.”

Currently Selected:

JEREMIAS 3: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in