JEREMIAS 39
39
Ang Pagbagsak ng Jerusalem
1Nang ikasiyam na taon ni Zedekias na hari ng Juda, nang ikasampung buwan, dumating si Nebukadnezar, hari ng Babilonia at ang kanyang buong hukbo laban sa Jerusalem at kinubkob ito;
2nang ikalabing-isang taon ni Zedekias, nang ikaapat na buwan, nang ikasiyam na araw ng buwan, nagkaroon ng butas sa lunsod.
3At ang lahat ng mga pinuno ng hari ng Babilonia ay dumating at umupo sa gitnang pintuan: sina Nergal-sarezer, Samgar-nebo, Sarsechim ang Rabsaris, Nergal-sarezer ang Rab-mag, at ang iba pa sa mga pinuno ng hari ng Babilonia.
4Nang makita sila ni Zedekias na hari ng Juda at ng lahat ng mga kawal, sila ay tumakas at lumabas sa lunsod nang kinagabihan sa may halamanan ng hari papalabas sa pintuan sa pagitan ng dalawang pader, at siya'y lumabas patungo sa Araba.
5Ngunit hinabol sila ng hukbo ng mga Caldeo, at inabutan si Zedekias sa mga kapatagan ng Jerico. Nang kanilang mahuli siya, siya'y kanilang dinala kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, sa Ribla, sa lupain ng Hamat, at kanyang hinatulan siya.
6Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak ni Zedekias sa Ribla sa kanyang harapan. Pinatay rin ng hari ng Babilonia ang lahat ng mga taong maharlika ng Juda.
7Dinukot niya ang mga mata ni Zedekias at siya'y ginapos ng tanikala upang dalhin sa Babilonia.
8Sinunog ng mga Caldeo ang bahay ng hari at ang mga bahay ng mga taong-bayan, at ibinagsak ang mga pader ng Jerusalem.
9Pagkatapos ay dinalang-bihag ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay patungong Babilonia ang nalabi sa mga tao na naiwan sa lunsod, yaong mga pumanig sa kanya at ang mga taong naiwan.
10Ngunit iniwan ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay ang ilan sa mga dukha sa lunsod na walang ari-arian, at binigyan sila ng mga ubasan at mga bukid sa panahon ding iyon.
Ang Paglaya ni Jeremias
11Si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay nag-utos kay Nebuzaradan, na kapitan ng bantay tungkol kay Jeremias, na sinasabi,
12“Kunin mo siya, ingatan mong mabuti at huwag siyang saktan, kundi gawin mo sa kanya ang kanyang sasabihin sa iyo.”
13Sa gayo'y si Nebuzaradan na kapitan ng bantay, si Nabusazban ang Rabsaris, si Nergal-sarezer ang Rab-mag, at lahat ng mga pangunahing pinuno ng hari ng Babilonia
14ay nagsugo at kinuha si Jeremias sa himpilan ng bantay. Kanilang ipinagkatiwala siya kay Gedalias na anak ni Ahikam, na anak ni Safan, upang kanyang iuwi siya. Sa gayo'y nanirahan siyang kasama ng taong-bayan.
15Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias samantalang siya'y nakakulong sa himpilan ng bantay, na sinasabi,
16“Humayo ka at sabihin mo kay Ebed-melec na taga-Etiopia, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Tutuparin ko ang aking mga salita laban sa lunsod na ito sa ikasasama at hindi sa ikabubuti, at ang mga iyon ay matutupad sa harapan mo sa araw na iyon.
17Ngunit ililigtas kita sa araw na iyon, at hindi ka ibibigay sa kamay ng mga lalaking iyong kinatatakutan, sabi ng Panginoon.
18Sapagkat tiyak na ililigtas kita, at ikaw ay hindi ibubuwal ng tabak, kundi tataglayin mo ang iyong buhay bilang gantimpala ng digmaan, sapagkat nagtiwala ka sa akin, sabi ng Panginoon.’”
Currently Selected:
JEREMIAS 39: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001