JEREMIAS 42
42
Humiling ang Bayan kay Jeremias na Idalangin Sila
1At ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal, pati sina Johanan na anak ni Carea, si Jezanias na anak ni Hoshaias, at ang buong bayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila ay lumapit,
2at nagsabi kay Jeremias na propeta, “Pakinggan mo sana ang samo namin sa iyo, at idalangin mo kami sa Panginoon mong Diyos, para sa lahat ng nalabing ito. Sapagkat kakaunti lamang kaming naiwan mula sa marami gaya ng nakikita ng iyong sariling mga mata.
3Ipakita nawa sa amin ng Panginoon mong Diyos ang daan na dapat naming lakaran, at ang bagay na dapat naming gawin.”
4Nang magkagayo'y sinabi ng propetang si Jeremias sa kanila, “Narinig ko kayo. Narito, mananalangin ako sa Panginoon ninyong Diyos ayon sa inyong sinabi, at anumang isagot ng Panginoon sa inyo ay sasabihin ko sa inyo. Wala akong ililihim sa inyo.”
5Sinabi naman nila kay Jeremias, “Ang Panginoon nawa ay maging totoo at tapat na saksi laban sa amin, kung hindi kami kikilos nang ayon sa lahat ng salita na ipinahahatid sa iyo ng Panginoon mong Diyos sa amin.
6Maging iyon ay mabuti o masama, susundin namin ang tinig ng Panginoon nating Diyos na siya naming pinagsusuguan sa iyo upang ikabuti namin, kapag aming sinunod ang tinig ng Panginoon nating Diyos.”
Ang Sagot ng Panginoon sa Dalangin ni Jeremias
7Pagkalipas ng sampung araw ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias.
8Pagkatapos ay ipinatawag niya si Johanan na anak ni Carea, pati ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal na kasama niya, at ang buong bayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila,
9at sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, na inyong pinagsuguan sa akin upang idulog ang inyong kahilingan sa harapan niya:
10Kung kayo'y mananatili sa lupaing ito, aking itatayo kayo at hindi ibabagsak. Itatanim ko kayo at hindi bubunutin, sapagkat ikinalulungkot ko ang pinsalang nagawa ko sa inyo.
11Huwag kayong matakot sa hari ng Babilonia na inyong kinatatakutan. Huwag kayong matakot sa kanya, sabi ng Panginoon, sapagkat ako'y kasama ninyo upang iligtas kayo, at sagipin mula sa kanyang kamay.
12Kahahabagan ko kayo at siya'y mahahabag sa inyo at ibabalik kayo sa sarili ninyong lupain.
13Ngunit kung inyong sabihin, ‘Hindi kami mananatili sa lupaing ito,’ at susuwayin ninyo ang tinig ng Panginoon ninyong Diyos,
14na inyong sinasabi, ‘Hindi; kundi pupunta kami sa lupain ng Ehipto, na doon ay hindi kami makakakita ng digmaan, o makakarinig man ng tunog ng trumpeta, o magugutom sa tinapay, at kami'y maninirahan doon,’
15ay inyo ngang pakinggan ang salita ng Panginoon, O nalabi ng Juda. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kung talagang nakatutok ang inyong pag-iisip#42:15 Sa Hebreo ay mukha. na pumasok sa Ehipto, at hahayo upang manirahan doon,
16kung gayon ay aabutan kayo roon sa lupain ng Ehipto ng tabak na inyong kinatatakutan, at ang taggutom na inyong kinatatakutan ay mahigpit na susunod sa inyo doon sa Ehipto, at mamamatay kayo roon.
17Kaya ang lahat ng taong nakatutok ang pag-iisip na pumasok sa Ehipto upang manirahan doon ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot. Walang matitira o makakaligtas sa kanila mula sa kasamaan na aking dadalhin sa kanila.
18“Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kung paanong ang aking galit at poot ay ibinuhos sa mga naninirahan sa Jerusalem, gayon ko rin ibubuhos ang aking poot sa inyo kapag kayo'y pumunta sa Ehipto. Kayo'y magiging tampulan ng pagkutya, kakilabutan, isang sumpa at paghamak. Hindi na ninyo makikita ang lugar na ito.
19Sinabi na sa inyo ng Panginoon, O nalabi ng Juda, ‘Huwag kayong pumunta sa Ehipto.’ Tandaan ninyong mabuti na binalaan ko kayo sa araw na ito.
20Sapagkat dinaya lamang ninyo ang inyong mga sarili. Sapagkat sinugo ninyo ako sa Panginoon ninyong Diyos, na inyong sinasabi, ‘Idalangin mo kami sa Panginoon nating Diyos, at anuman ang sasabihin ng Panginoon nating Diyos ay sabihin mo sa amin, at aming gagawin iyon.’
21At aking ipinahayag iyon sa inyo sa araw na ito, ngunit hindi kayo sumunod sa tinig ng Panginoon ninyong Diyos sa anumang bagay na kanyang ipinasugo sa akin upang sabihin sa inyo.
22Ngayon nga'y tinitiyak ko sa inyo na kayo'y mamamatay sa tabak, sa taggutom, at sa salot sa lugar na nais ninyong puntahan at tirahan.”
Currently Selected:
JEREMIAS 42: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001