JEREMIAS 44
44
Ang Mensahe ng Panginoon sa mga Judio
1Ang salita na dumating kay Jeremias tungkol sa lahat ng mga Judio na nanirahan sa lupain ng Ehipto, sa Migdol, Tafnes, Memfis, at sa lupain ng Patros, na nagsasabi,
2“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Inyong nakita ang lahat ng kasamaan na aking dinala sa Jerusalem, at sa lahat ng mga bayan ng Juda. Tingnan ninyo, sa araw na ito ay giba sila at walang naninirahan doon,
3dahil sa kasamaan na kanilang ginawa, na ibinunsod ako sa galit sa pamamagitan ng kanilang pagsusunog ng insenso, at paglilingkod sa ibang mga diyos na hindi nila nakilala, maging nila, ninyo o ng inyong mga ninuno man.
4Gayunma'y masugid kong sinugo sa inyo ang lahat kong mga lingkod na propeta, na nagsasabi, ‘O huwag ninyong gawin ang karumaldumal na bagay na ito na aking kinasusuklaman!’
5Ngunit hindi sila nakinig o ikiniling man nila ang kanilang pandinig upang humiwalay sa kanilang kasamaan at huwag nang magsunog ng insenso sa ibang mga diyos.
6Kaya't ang aking poot at galit ay ibinuhos at nagningas sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem; at sila'y nasira at nagiba gaya sa araw na ito.
7Kaya't ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Bakit ninyo ginagawa ang ganitong malaking kasamaan laban sa inyong mga sarili, na ihiwalay sa inyo ang mga lalaki at babae, mga sanggol at bata, mula sa kalagitnaan ng Juda, na walang iniiwang nalabi sa inyo?
8Bakit ninyo ako ibinubunsod sa galit sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay, na nagsusunog kayo ng insenso sa ibang mga diyos sa lupain ng Ehipto na inyong pinuntahan upang tirahan, upang kayo'y mahiwalay at maging isang sumpa at tampulan ng pagkutya sa gitna ng lahat ng mga bansa sa lupa?
9Nakalimutan na ba ninyo ang kasamaan ng inyong mga ninuno, ang kasamaan ng mga hari ng Juda, at ang kasamaan ng kanilang mga asawang babae, at ang inyong sariling kasamaan, at ang kasamaan ng inyong mga asawang babae, na kanilang ginawa sa lupain ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem?
10Ngunit sila'y hindi nagpakumbaba hanggang sa araw na ito, ni natakot man, ni lumakad man sa aking kautusan at sa aking mga alituntunin, na aking inilagay sa harapan ninyo at ng inyong mga ninuno.
11“Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, itututok ko ang aking mukha laban sa inyo sa ikasasama, upang ihiwalay ang buong Juda.
12At aking kukunin ang nalabi sa Juda na nagpasiyang pumasok sa lupain ng Ehipto upang manirahan doon, at silang lahat ay malilipol. Sa lupain ng Ehipto ay mabubuwal sila; sila'y lilipulin ng tabak at ng taggutom. Sila'y mamamatay, mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila, sa pamamagitan ng tabak at ng taggutom. Sila'y magiging tampulan ng paghamak, kakilabutan, pagkutya at pag-alipusta.
13Aking parurusahan ang mga naninirahan sa lupain ng Ehipto, gaya ng parusang ginawa ko sa Jerusalem, sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at salot,
14anupa't walang sinuman sa nalabi ng Juda na pumasok upang manirahan sa lupain ng Ehipto ay makakatakas o makakaligtas o makakabalik sa lupain ng Juda na kanilang pinagnanasaang balikan upang tahanan. Sila'y hindi babalik, maliban sa ilang mga takas.”
15At lahat ng mga lalaki na nakaalam na ang kanilang mga asawa ay nagsunog ng insenso sa ibang mga diyos, at ang lahat ng babae na nakatayo na isang malaking kapulungan, ang buong bayan na nanirahan sa Patros sa lupain ng Ehipto, ay sumagot kay Jeremias:
16“Tungkol sa salitang iyong sinabi sa amin sa pangalan ng Panginoon, hindi ka namin papakinggan.
17Kundi gagawin namin ang lahat ng bagay na aming ipinangako, na magsunog ng insenso sa reyna ng langit at magbukas para sa kanya ng inuming handog, gaya ng aming ginawa, namin at ng aming mga magulang, ng aming mga hari, at ng aming mga pinuno sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem; sapagkat noon ay mayroon kaming saganang pagkain at guminhawa kami, at hindi nakakita ng kasamaan.
18Ngunit mula nang aming iwan ang pagsusunog ng insenso sa reyna ng langit, at ipagbuhos siya ng mga inuming handog, kami ay kinapos sa lahat ng bagay at nalipol ng tabak at ng taggutom.”
19“At nang kami ay nagsunog ng insenso sa reyna ng langit at ipagbuhos siya ng mga inuming handog, wala bang pagsang-ayon ang aming mga asawa na kami ay gumawa ng munting tinapay para sa kanya na may larawan niya at ipinagbuhos namin siya ng mga inuming handog?”
Inulit ni Jeremias ang Kanyang Babala
20Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias sa buong bayan, sa mga lalaki at mga babae at sa lahat ng taong nagbigay sa kanya ng naturang sagot, na sinasabi,
21“Tungkol sa mga insenso na inyong sinunog sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem, ninyo at ng inyong mga magulang, ng inyong mga hari, at inyong mga pinuno, at ng mga tao ng lupain, hindi ba sila'y inalaala ng Panginoon? Hindi ba ito'y pumasok sa kanyang isipan?
22Kaya't hindi na matagalan ng Panginoon ang inyong masasamang gawa at ang mga karumaldumal na inyong ginawa. Kaya't ang inyong lupain ay naging sira, giba at isang sumpa, na walang naninirahan, gaya sa araw na ito.
23Ito'y sapagkat kayo'y nagsunog ng insenso, at sapagkat kayo'y nagkasala laban sa Panginoon at hindi sumunod sa tinig ng Panginoon o nagsilakad man sa kanyang kautusan at sa kanyang alituntunin, at sa kanyang mga patotoo, kaya't ang kasamaang ito ay sumapit sa inyo, gaya sa araw na ito.”
24At sinabi ni Jeremias sa buong bayan at sa lahat ng kababaihan, “Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, kayong lahat na taga-Juda na nasa lupain ng Ehipto,
25Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kayo at ang inyong mga asawa ay nagpahayag ng inyong mga bibig, at tinupad ng inyong mga kamay, na nagsasabi, ‘Tiyak na tutuparin namin ang mga panata na aming ginawa, na magsunog ng insenso sa reyna ng langit, at ipagbuhos siya ng mga inuming handog.’ Sige, pagtibayin ninyo ang inyong mga panata at tuparin ang inyong mga panata!
26Kaya't inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, kayong lahat na taga-Juda na naninirahan sa lupain ng Ehipto: Ako'y sumumpa sa pamamagitan ng aking dakilang pangalan, sabi ng Panginoon, na ang aking pangalan ay hindi na sasambitin sa bibig ng sinumang tao sa Juda sa buong lupain ng Ehipto, na sasabihin, ‘Habang buháy ang Panginoong Diyos.’
27Tingnan ninyo, nagmamasid ako sa kanila sa ikasasama at hindi sa ikabubuti. Lahat ng tao ng Juda na nasa lupain ng Ehipto ay malilipol sa pamamagitan ng tabak at ng taggutom, hanggang sa sila'y magkaroon ng wakas.
28At ang makakatakas sa tabak na babalik sa lupain ng Juda mula sa lupain ng Ehipto ay kaunti sa bilang. At ang buong nalabi ng Juda na dumating sa lupain ng Ehipto upang manirahan doon ay makakaalam kung kaninong salita ang tatayo, ang sa akin o sa kanila.
29Ito ang magiging tanda sa inyo, sabi ng Panginoon, parurusahan ko kayo sa lugar na ito, upang inyong malaman na ang aking salita laban sa inyo ay tiyak na tatayo laban sa inyo sa ikapipinsala.
30Ganito#2 Ha. 25:1-7 ang sabi ng Panginoon, Narito, ibibigay ko si Faraon Hophra na hari ng Ehipto sa kamay ng kanyang mga kaaway at ng mga nagtatangka sa kanyang buhay; kung paanong ibinigay ko si Zedekias na hari ng Juda sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, na kanyang kaaway at nagtangka sa kanyang buhay.”
Currently Selected:
JEREMIAS 44: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001