JUAN 11:24-45
JUAN 11:24-45 ABTAG01
Sinabi ni Marta sa kanya, “Alam kong siya'y muling mabubuhay sa muling pagkabuhay sa huling araw.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, ay mabubuhay. At ang bawat nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?” Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon. Sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos, ang siyang darating sa sanlibutan. Nang masabi na niya ito ay umalis siya, at tinawag ang kapatid niyang si Maria at palihim na sinabi, “Ang Guro ay narito at tinatawag ka.” Nang marinig niya ito, dali-dali siyang tumayo at pumunta sa kanya. (Hindi pa noon dumarating si Jesus sa nayon, kundi naroroon pa sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta.) Nakita ng mga Judio, na kanyang mga kasama sa bahay at umaaliw sa kanya, na si Maria ay dali-daling tumindig at lumabas. Sila ay sumunod sa kanya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doo'y umiyak. Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, at nang makita siya ni Maria, lumuhod ito sa kanyang paanan, na sinasabi sa kanya, “Panginoon, kung ikaw sana'y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid.” Kaya't nang makita ni Jesus na siya'y umiiyak, pati na ang mga Judiong dumating na kasama niya, siya ay nabagabag sa espiritu at nabahala, at sinabi, “Saan ninyo siya inilagay?” Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, halika at tingnan mo.” Umiyak si Jesus. Sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano ang pagmamahal niya sa kanya!” Subalit ang ilan sa kanila'y nagsabi, “Hindi ba siya na nagbukas ng mga mata ng bulag ay napigilan sana niya ang taong ito na mamatay?” Si Jesus na lubhang nabagabag na muli ay pumunta sa libingan. Iyon ay isang yungib at mayroong isang batong nakatakip doon. Sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Si Marta, na kapatid ng namatay, ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, nangangamoy na siya ngayon, sapagkat apat na araw na siyang patay.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi ba sinabi ko sa iyo, na kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” Kaya't inalis nila ang bato. Tumingin si Jesus sa itaas at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo na ako'y iyong pinakinggan. At alam kong ako'y lagi mong pinapakinggan. Ngunit ito'y sinabi ko alang-alang sa maraming taong nasa palibot, upang sila'y sumampalataya na ako ay sinugo mo.” At nang masabi niya ang mga ito ay sumigaw siya ng malakas na tinig, “Lazaro, lumabas ka!” Ang taong namatay ay lumabas, na ang mga kamay at mga paa ay natatalian ng mga telang panlibing, at ang kanyang mukha ay may balot na tela. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Siya'y inyong kalagan, at hayaan ninyong makaalis.” Kaya't marami sa mga Judio na sumama kay Maria at nakakita ng ginawa niya ang sumampalataya sa kanya.