JOSUE 11
11
Tinalo ni Josue si Jabin at Kanyang mga Kasama
1Nang mabalitaan ito ni Jabin na hari sa Hazor, siya'y nagpasugo kay Jobab na hari sa Madon, at sa hari sa Simron, at sa hari sa Acsaf,
2at sa mga hari na nasa hilaga, sa lupaing maburol, at sa Araba sa timog ng Cinerot at sa mababang lupain, at sa mga kaitaasan ng Dor sa kanluran,
3sa Cananeo sa silangan at kanluran, sa Amoreo, sa Heteo, sa Perezeo, sa Jebuseo sa lupaing maburol, at sa Heveo sa ibaba ng Hermon, sa lupain ng Mizpa.
4At sila'y lumabas, kasama ang kanilang mga hukbo, napakaraming tao na gaya ng mga buhangin na nasa baybayin ng dagat sa dami, na may napakaraming kabayo at karwahe.
5Pinagsama-sama ng mga haring ito ang kanilang mga hukbo at dumating at sama-samang nagkampo sa tubig ng Merom upang labanan ang Israel.
6Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila sapagkat bukas, sa ganitong oras ay ibibigay ko silang lahat na patay sa harapan ng Israel; pipilayan ninyo ang kanilang mga kabayo at susunugin ng apoy ang kanilang mga karwahe.”
7Kaya't biglang dumating sa kanila si Josue at ang lahat niyang mga mandirigma sa tabi ng tubig ng Merom, at sinalakay sila.
8Ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Israel, at kanilang pinuksa at hinabol sila hanggang sa malaking Sidon, at hanggang sa Misrefot-maim, at hanggang sa libis ng Mizpa, sa dakong silangan at pinatay nila sila hanggang sa wala silang iniwan sa kanila na nalabi.
9Ginawa ni Josue sa kanila ang gaya ng iniutos ng Panginoon sa kanya; kanyang pinilayan ang kanilang mga kabayo, at sinunog ng apoy ang kanilang mga karwahe.
10Bumalik si Josue nang panahong iyon at sinakop ang Hazor, at pinatay ng tabak ang hari nito, sapagkat nang una ang Hazor ay puno ng lahat ng mga kahariang iyon.
11Kanilang pinatay ng talim ng tabak ang lahat ng taong naroon, na kanilang lubos na nilipol; walang naiwan na may hininga, at kanyang sinunog ang Hazor.
12Lahat ng mga lunsod ng mga haring iyon at lahat ng mga hari ng mga iyon ay sinakop ni Josue, at kanyang pinatay sila ng talim ng tabak at lubos na nilipol sila; gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon.
13Ngunit tungkol sa mga lunsod na nakatayo sa kanilang mga bunton ay walang sinunog ang Israel, maliban sa Hazor na sinunog ni Josue.
14Ang lahat na nasamsam sa mga lunsod na ito at ang mga hayop ay kinuha ng mga anak ni Israel bilang samsam para sa kanilang sarili; ngunit ang bawat tao ay pinatay nila ng talim ng tabak hanggang sa kanilang nalipol sila, ni hindi sila nag-iwan ng anumang may hininga.
15Kung paanong nag-utos ang Panginoon kay Moises na kanyang lingkod ay gayon nag-utos si Moises kay Josue, at gayon ang ginawa ni Josue; wala siyang iniwang hindi ginawa sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ang Nasasakupang Kinuha ni Josue
16Kaya't sinakop ni Josue ang buong lupaing iyon, ang lupaing maburol, ang buong Negeb, ang buong lupain ng Goshen, ang mababang lupain, ang Araba, at ang lupaing maburol ng Israel, at ang mababang lupain niyon,
17mula sa bundok ng Halak na paahon sa Seir, hanggang sa Baal-gad sa libis ng Lebanon sa ibaba ng bundok Hermon; at kinuha niya ang lahat ng kanilang mga hari, at kanyang pinatay sila.
18Si Josue ay matagal na panahong nakipagdigmaan sa lahat ng mga haring iyon.
19Walang bayang nakipagpayapaan sa mga anak ni Israel, maliban sa mga Heveo na mga taga-Gibeon; kanilang kinuhang lahat sa pakikipaglaban.
20Sapagkat#Deut. 7:16 pinapagmatigas ng Panginoon ang kanilang puso upang pumaroon laban sa Israel sa pakikipaglaban, upang kanilang mapuksa silang lubos, at huwag silang magtamo ng biyaya, kundi kanyang mapuksa sila, gaya nang iniutos ng Panginoon kay Moises.
21Nang panahong iyon dumating si Josue at pinuksa ang mga Anakim mula sa lupaing maburol, Hebron, Debir, Anab, at sa buong lupaing maburol ng Juda, at sa buong lupaing maburol ng Israel; pinuksa silang lubos ni Josue pati ng kanilang mga bayan.
22Walang naiwan sa mga Anakim sa lupain ng mga anak ni Israel; tanging sa Gaza, Gat, at sa Asdod lamang siya nag-iwan ng iilan.
23Kaya't sinakop ni Josue ang buong lupain ayon sa lahat ng sinabi ng Panginoon kay Moises; at ibinigay ito ni Josue bilang pamana sa Israel, ayon sa kanilang pagkakabahagi sang-ayon sa kanilang mga lipi. At ang lupain ay nagpahinga sa pakikipagdigma.
Currently Selected:
JOSUE 11: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001