YouVersion Logo
Search Icon

JOSUE 17

17
Ang Pamana sa mga Anak ni Manases
1At binigyan ng kabahagi ang lipi ni Manases, sapagkat siya ang panganay ni Jose. Kay Makir na panganay ni Manases, na ama ni Gilead ay ang Gilead at ang Basan, sapagkat siya'y lalaking mandirigma.
2Binigyan din ng kabahagi ang iba pang mga anak ni Manases ayon sa kanilang mga angkan: sina Abiezer, Helec, at Asriel, Shekem, Hefer, at Semida; ang mga ito ang mga anak na lalaki ni Manases na anak ni Jose, ayon sa kanilang mga angkan.
3Ngunit si Zelofehad na anak ni Hefer, na anak ni Gilead na anak ni Makir, na anak ni Manases, ay hindi nagkaroon ng mga anak na lalaki kundi mga babae; ito ang mga pangalan ng kanyang mga anak: Mahla, Noa, Hogla, Milca, at Tirsa.
4Sila'y#Bil. 27:1-7 lumapit sa harapan ng paring si Eleazar at sa harapan ni Josue na anak ni Nun, at sa harapan ng mga pinuno at sinabi, “Iniutos ng Panginoon kay Moises na bigyan kami ng pamana kasama ng aming mga kapatid na lalaki,” kaya't ayon sa utos ng Panginoon ay kanyang binigyan sila ng pamana kasama ng mga kapatid ng kanilang ama.
5Kaya't napabigay ang sampung bahagi kay Manases, bukod sa lupain ng Gilead at ang Basan, na nasa kabila ng Jordan;
6sapagkat ang mga anak na babae ni Manases ay tumanggap ng pamana kasama ng kanyang mga anak na lalaki; at ang lupain ng Gilead ay ibinahagi sa iba pang mga anak ni Manases.
7Ang nasasakupan ng Manases ay mula sa Aser hanggang sa Micmetat, na nasa tapat ng Shekem; at ang hangganan ay patuloy sa kanan, hanggang sa mga taga-En-tapua.
8Ang lupain ng Tapua ay para kay Manases; ngunit ang bayan ng Tapua sa hangganan ng Manases ay para sa mga anak ni Efraim.
9Ang hangganan ay pababa hanggang sa batis ng Cana, na dakong timog ng batis; ang mga bayang ito ay para kay Efraim sa gitna ng mga bayan ng Manases at ang hangganan ng Manases ay nasa dakong hilaga ng batis, at ang labasan ay sa dagat;
10Ang dakong timog ay kay Efraim, at ang dakong hilaga ay kay Manases, at ang dagat ay hangganan niyon; hanggang sa Aser sa hilaga at sa Isacar sa silangan.
11Sa loob ng lupain nina Isacar at Aser ay napabigay ang Bet-shan at ang mga nayon niyon kay Manases at ang Ibleam at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Dor at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Endor at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Taanac at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Megido, at ang mga nayon niyon, at ang ikatlo ay Nafat.
12Gayunma'y#Huk. 1:27, 28 hindi maangkin ng mga anak ni Manases ang mga bayang iyon; kundi ang mga Cananeo ay nagpilit na manirahan sa lupain.
13Ngunit nang ang mga anak ni Israel ay lumakas, kanilang inilagay ang mga Cananeo sa sapilitang paggawa ngunit hindi nila lubos na pinalayas.
14Ang mga anak ni Jose ay nagsalita kay Josue, “Bakit ang ibinigay mo sa akin bilang pamana ay isa lamang lote at isang bahagi, bagaman ako'y isang malaking sambayanan, sapagkat pinagpala ako hanggang ngayon ng Panginoon?”
15At sinabi ni Josue sa kanila, “Kung ikaw ay isang malaking bayan, umahon ka sa gubat, at doon ay magbukas ka ng lupain para sa iyong sarili sa lupain ng mga Perezeo at ng mga Refaim; yamang ang lupaing maburol ng Efraim ay makipot para sa iyo.
16Sinabi naman ng mga anak ni Jose, “Ang lupaing maburol ay hindi sapat para sa amin; at ang lahat ng mga Cananeo na naninirahan sa lupain ng libis, ang mga naninirahan sa Bet-shan at sa mga nayon niyon, gayundin ang mga nasa libis ng Jezreel ay may mga karwaheng bakal.”
17At sinabi ni Josue sa sambahayan ni Jose, ni Efraim at ni Manases, “Ikaw ay malaking bayan, at may dakilang kapangyarihan; hindi marapat sa iyo ang isang bahagi lamang;
18kundi ang lupaing maburol ay magiging iyo. Bagaman isang gubat, ito ay mahahawan ninyo at maaangkin hanggang sa kanyang pinakadulong hangganan. Mapapalayas mo ang mga Cananeo, bagaman sila'y may mga karwaheng bakal, at bagaman sila'y malalakas.”

Currently Selected:

JOSUE 17: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in