JOSUE 7
7
Ang Kasalanan ni Acan
1Ngunit ang mga anak ni Israel ay lumabag tungkol sa mga itinalagang bagay: si Acan na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, sa lipi ni Juda ay kumuha sa itinalagang bagay, at ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa mga anak ni Israel.
2Si Josue ay nagsugo ng mga lalaki mula sa Jerico patungo sa Ai na malapit sa Bet-haven, sa gawing silangan ng Bethel, at sinabi sa kanila, “Umahon kayo at tiktikan ninyo ang lupain.” At ang mga lalaki ay humayo at tiniktikan ang Ai.
3At sila'y bumalik kay Josue at sinabi sa kanya, “Huwag mo nang paahunin ang buong bayan, kundi paahunin lamang ang dalawa o tatlong libong lalaki at salakayin ang Ai; huwag mo nang pagurin ang buong bayan, sapagkat sila'y kakaunti.”
4Kaya't umahon mula sa bayan ang may tatlong libong lalaki; at sila'y nagtakbuhan sa harapan ng mga lalaki sa Ai.
5Ang napatay sa kanila ng mga lalaki sa Ai ay may tatlumpu't anim na lalaki; at kanilang hinabol sila mula sa harapan ng pintuang-bayan hanggang sa Sebarim, at pinatay sila sa dakong pababa. At ang mga puso ng taong-bayan ay nanlumo at naging parang tubig.
6Pagkatapos ay pinunit ni Josue ang kanyang mga suot, at nagpatirapa sa lupa sa harapan ng kaban ng Panginoon hanggang sa kinahapunan, siya at ang matatanda ng Israel; at nilagyan nila ng alabok ang kanilang ulo.
7At sinabi ni Josue, “O Panginoong Diyos, bakit mo pa pinatawid ang bayang ito sa Jordan upang ibigay lamang kami at puksain ng kamay ng mga Amoreo? Sana'y nasiyahan na kaming nanirahan sa kabila ng Jordan!
8O Panginoon, ano ang aking masasabi pagkatapos na ang Israel ay tumalikod sa harapan ng kanilang mga kaaway!
9Sapagkat mababalitaan ito ng mga Cananeo at ng lahat na naninirahan sa lupain, at kami ay kukubkubin at tatanggalin ang aming pangalan sa lupa; at ano ang gagawin mo sa iyong dakilang pangalan?”
10At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Tumayo ka; bakit ka nagpapatirapa ng ganito?
11Ang Israel ay nagkasala at kanilang nilabag ang tipan na aking iniutos sa kanila. Sila'y kumuha sa mga itinalagang bagay, sila'y nagnakaw, nagsinungaling at inilagay ang mga iyon sa kanilang sariling dala-dalahan.
12Kaya't ang mga anak ni Israel ay hindi makakatagal sa harapan ng kanilang mga kaaway; sila'y tumalikod sa harapan ng kanilang mga kaaway sapagkat sila'y naging bagay para sa pagkawasak. Ako'y hindi na sasama sa inyo, malibang puksain ninyo ang mga itinalagang bagay sa gitna ninyo.
13Tumayo ka, pakabanalin mo ang bayan, at sabihin mo, ‘Magpakabanal kayo sa kinabukasan; sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, “May mga itinalagang bagay sa gitna mo, O Israel. Ikaw ay hindi makakatagal sa harapan ng iyong mga kaaway, hanggang sa inyong alisin ang itinalagang bagay sa gitna ninyo.”
14Sa kinaumagahan ay lalapit kayo ayon sa inyong mga lipi. Ang lipi na pipiliin ng Panginoon ay lalapit ayon sa mga angkan, at ang angkan na pipiliin ng Panginoon ay lalapit ayon sa mga sambahayan, at ang sambahayan na pipiliin ng Panginoon ay lalapit, bawat lalaki.
15Ang makunan ng itinalagang bagay ay susunugin sa apoy, siya at ang lahat niyang ari-arian, sapagkat kanyang sinuway ang tipan ng Panginoon, at sapagkat siya'y gumawa ng kahihiyan sa Israel.’”
16Kinaumagahan maagang bumangon si Josue, at inilapit ang Israel ayon sa kanilang mga lipi, at ang lipi ni Juda ay napili.
17Kanyang inilapit ang angkan ni Juda at napili ang angkan ng mga Zeraita. Kanyang inilapit ang bawat lalaki sa angkan ng mga Zeraita, at si Zabdi ay napili.
18Kanyang inilapit ang bawat lalaki sa kanyang sambahayan at si Acan na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, sa lipi ni Juda, ay napili.
19At sinabi ni Josue kay Acan, “Anak ko, luwalhatiin mo ang Panginoong Diyos ng Israel, at magtapat ka sa kanya. Sabihin mo sa akin ngayon kung ano ang iyong ginawa; huwag mong ilihim iyon sa akin.”
20Sumagot si Acan kay Josue, “Sa katotohanan ay nagkasala ako laban sa Panginoong Diyos ng Israel, at ganito ang aking ginawa.
21Nang aking makita sa mga sinamsam ang isang magandang balabal na mula sa Shinar, ang dalawang daang siklong pilak, at ang isang barang ginto na limampung siklo ang timbang ay akin ngang ninasa, at kinuha. Ang mga iyon ay nakabaon sa lupa sa gitna ng aking tolda at ang pilak ay nasa ilalim niyon.”
22Kaya't nagpadala si Josue ng mga sugo at kanilang tinakbo ang tolda at nakitang iyon ay nakatago sa kanyang tolda, at ang pilak ay nasa ilalim niyon.
23Kanilang kinuha ang mga iyon palabas ng tolda at dinala kay Josue, at sa lahat ng mga anak ni Israel; at kanilang inilapag ang mga iyon sa harapan ng Panginoon.
24Kinuha ni Josue at ng buong Israel na kasama niya si Acan na anak ni Zera, at ang pilak, balabal, barang ginto, ang kanyang mga anak na lalaki at babae, ang kanyang mga baka, mga asno, mga tupa, ang kanyang tolda, at ang lahat niyang ari-arian, at kanilang dinala sila sa libis ng Acor.
25At sinabi ni Josue, “Bakit mo kami dinalhan ng kaguluhan? Dinadalhan ka ng Panginoon ng kaguluhan sa araw na ito.” At pinagbabato siya ng mga bato ng buong Israel at kanilang sinunog sila sa apoy.
26Kanilang binuntunan siya ng mataas na bunton ng mga bato hanggang sa araw na ito; at ang Panginoon ay tumalikod sa bangis ng kanyang galit. Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Libis ng Acor,#7:26 Samakatuwid ay Kaguluhan. hanggang sa araw na ito.
Currently Selected:
JOSUE 7: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001