YouVersion Logo
Search Icon

LUCAS 18

18
Ang Talinghaga ng Balo at ng Hukom
1At isinalaysay ni Jesus#18:1 Sa Griyego ay niya. sa kanila ang isang talinghaga kung paanong sila'y dapat laging manalangin at huwag manlupaypay.
2Sinabi niya, “Sa isang lunsod ay may hukom na hindi natatakot sa Diyos at walang taong iginagalang.
3At sa lunsod na iyon ay may isang babaing balo na laging pumupunta sa kanya, na nagsasabi, ‘Bigyan mo ako ng katarungan laban sa aking kaaway.’
4May ilang panahon na siya'y tumatanggi, subalit pagkatapos ay sinabi sa kanyang sarili, ‘Bagaman ako'y hindi natatakot sa Diyos, at hindi gumagalang sa tao,
5subalit dahil ginagambala ako ng balong ito, bibigyan ko siya ng katarungan. Kung hindi ay magsasawa ako sa kanyang patuloy na pagpunta rito.’”
6At sinabi ng Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sinabi ng masamang hukom.
7At hindi ba bibigyan ng Diyos ng katarungan ang kanyang mga pinili na sumisigaw sa kanya araw at gabi. Kanya bang matitiis sila?
8Sinasabi ko sa inyo, mabilis niyang bibigyan sila ng katarungan. Gayunman, pagparito ng Anak ng Tao, makakatagpo kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”
Talinghaga ng Fariseo at ang Maniningil ng Buwis
9Isinalaysay rin niya ang talinghagang ito sa ilan na nagtitiwala sa kanilang sarili, na sila'y matutuwid at hinahamak ang iba.
10“Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang manalangin. Ang isa'y Fariseo, at ang isa'y maniningil ng buwis.
11Ang Fariseo ay nakatayo at nanalangin sa kanyang sarili ng ganito, ‘Diyos, pinasasalamatan kita na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga mangingikil, mga di makatarungan, mga mangangalunya, o gaya man ng maniningil ng buwis na ito.
12Dalawang ulit akong nag-aayuno sa isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat ng aking kinikita!’
13Subalit ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo ay ayaw itingin man lamang ang kanyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, na nagsasabi, ‘Diyos, mahabag ka sa akin na isang makasalanan.’
14Sinasabi#Mt. 23:12; Lu. 14:11 ko sa inyo, nanaog patungo sa kanyang bahay ang taong ito na inaring-ganap sa halip na ang isa. Sapagkat ang bawat nagmamataas sa kanyang sarili ay ibababa, ngunit ang nagpapakababa sa kanyang sarili ay itataas.”
Binasbasan ni Jesus ang mga Sanggol
(Mt. 19:13-15; Mc. 10:13-16)
15Noon ay dinadala sa kanya maging ang mga sanggol, upang kanyang hawakan sila. Subalit nang makita ito ng mga alagad, sila'y sinaway nila.
16Subalit pinalapit sila ni Jesus na sinasabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.
17Katotohanang sinasabi ko sa inyo, sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos na gaya ng isang maliit na bata ay hindi makakapasok doon.”
Ang Mayamang Lalaki
(Mt. 19:16-30; Mc. 10:17-31)
18Tinanong siya ng isang pinuno, “Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng buhay na walang hanggan?”
19Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang.
20Nalalaman#Exo. 20:14; Deut. 5:18; Exo. 20:13; Deut. 5:17; Exo. 20:15; Deut. 5:19; Exo. 20:16; Deut. 5:20; Exo. 20:12; Deut. 5:16 mo ang mga utos: ‘Huwag kang mangalunya; Huwag kang pumatay; Huwag kang magnakaw; Huwag kang tumayong saksi sa kasinungalingan; Igalang mo ang iyong ama at ina.’”
21At sinabi niya, “Tinupad ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata.”
22Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Anumang mayroon ka ay ipagbili mo, ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin.
23Subalit nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya'y nalungkot, sapagkat siya'y napakayaman.
24Tumingin sa kanya si Jesus at sinabi, “Napakahirap sa mga may kayamanan ang pumasok sa kaharian ng Diyos!
25Sapagkat madali pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng isang karayom, kaysa sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”
26At sinabi ng mga nakarinig nito, “Sino kaya ang maliligtas?”
27Subalit sinabi niya, “Ang mga bagay na hindi magagawa ng mga tao ay magagawa ng Diyos.”
28Sinabi ni Pedro, “Tingnan mo, iniwan namin ang aming mga tahanan at sumunod sa iyo.”
29At sinabi niya sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman na nag-iwan ng bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, dahil sa kaharian ng Diyos,
30na di tatanggap ng lalong higit pa sa panahong ito, at sa panahong darating ng buhay na walang hanggan.”
Ikatlong Pagsasalita ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan
(Mt. 20:17-19; Mc. 10:32-34)
31Isinama niya ang labindalawa at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, umaahon tayo tungo sa Jerusalem, at ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao ay matutupad.
32Sapagkat siya'y ibibigay sa mga Hentil at siya'y lilibakin, hahamakin, at luluraan,
33kanilang hahagupitin siya at papatayin at sa ikatlong araw siya ay muling mabubuhay.”
34Ngunit wala silang naunawaan sa mga bagay na ito. Ang salitang ito ay naikubli sa kanila, at hindi nila naunawaan ang sinabi.
Pinagaling ni Jesus ang Bulag na Pulubi
(Mt. 20:29-34; Mc. 10:46-52)
35Nang malapit na siya sa Jerico, isang bulag ang nakaupo sa tabi ng daan na namamalimos.
36At nang marinig niya ang maraming tao na dumaraan, nagtanong siya kung ano ang ibig sabihin nito.
37Sinabi nila sa kanya na dumaraan si Jesus na taga-Nazaret.
38At siya'y sumigaw, “Jesus! Anak ni David, maawa ka sa akin.”
39Siya'y sinaway ng mga nasa unahan at sinabihan siyang tumahimik. Subalit siya'y lalong nagsisigaw, “Anak ni David, maawa ka sa akin.”
40At si Jesus ay tumigil at ipinag-utos na dalhin ang tao#18:40 Sa Griyego ay siya. sa kanya. Nang lumapit ito ay kanyang tinanong,
41“Anong ibig mong gawin ko sa iyo?” At sinabi niya, “Panginoon, ako sana'y muling makakita.”
42Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tanggapin mo ang iyong paningin; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
43At kaagad na tinanggap niya ang kanyang paningin at sumunod sa kanya, na niluluwalhati ang Diyos. Nang makita ito ng buong bayan ay nagbigay puri sila sa Diyos.

Currently Selected:

LUCAS 18: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in