LUCAS 20
20
Tinanong ang Awtoridad ni Jesus
(Mt. 21:23-27; Mc. 11:27-33)
1Isang araw, samantalang tinuturuan ni Jesus#20:1 Sa Griyego ay niya. ang mga taong-bayan sa templo at ipinangangaral ang magandang balita, lumapit ang mga pari at ang mga eskriba na kasama ang matatanda.
2At sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo sa amin, sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito? O sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?”
3Siya'y sumagot sa kanila, “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong, at sabihin ninyo sa akin:
4Ang bautismo ba ni Juan ay mula sa langit, o mula sa mga tao?”
5At sila'y nag-usapan sa isa't isa na sinasabi, “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ ay sasabihin niya, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’
6Subalit kung sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ ay babatuhin tayo ng mga taong-bayan, sapagkat sila'y napapaniwala na si Juan ay isang propeta.”
7Kaya't sila'y sumagot na hindi nila nalalaman kung saan iyon nagmula.
8At sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito.”
Ang Talinghaga ng mga Magsasaka sa Ubasan
(Mt. 21:33-46; Mc. 12:1-12)
9At#Isa. 5:1 sinimulan niyang isalaysay sa taong-bayan ang talinghagang ito: “Isang tao ang nagtanim ng ubasan. Ipinagkatiwala niya ito sa mga magsasaka, at pumunta sa ibang lupain nang mahabang panahon.
10Nang dumating ang panahon ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka upang siya'y bigyan mula sa bunga ng ubasan, subalit binugbog siya ng mga magsasaka, at pinaalis na walang dala.
11Nagsugo siya ng isa pang alipin, subalit ito'y kanilang binugbog din at hiniya, at pinaalis na walang dala.
12At nagsugo pa siya ng ikatlo. Ito ay kanilang sinugatan at pinagtabuyan.
13Pagkatapos ay sinabi ng panginoon ng ubasan, ‘Anong gagawin ko? Susuguin ko ang minamahal kong anak, baka siya'y igagalang nila.’
14Subalit nang makita siya ng mga magsasaka ay sinabi nila sa kanilang mga sarili, ‘Ito ang tagapagmana, patayin natin siya upang ang mana ay maging atin.’
15Kaya't kanilang itinapon siya sa labas ng ubasan at pinatay. Ano kaya ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan?
16Siya'y darating at pupuksain niya ang mga magsasakang ito, at ibibigay ang ubasan sa iba.” At nang marinig nila ito ay sinabi nila, “Huwag nawang mangyari.”
17Subalit#Awit 118:22 tumingin siya sa kanila at sinabi, “Ano nga itong nasusulat,
‘Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo
ay siyang naging batong panulok?’
18Ang bawat mahulog sa ibabaw ng batong ito ay magkakadurug-durog, at dudurugin nito ang sinumang mabagsakan nito.”
19Pinagsikapan siyang pagbuhatan ng kamay sa oras na iyon ng mga eskriba at ng mga punong pari, sapagkat nahalata nila na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila, subalit sila'y natakot sa taong-bayan.
Ang Katanungan tungkol sa Pagbabayad ng Buwis
(Mt. 22:15-22; Mc. 12:13-17)
20Kaya't siya'y minatyagan nila at nagsugo ng mga espiya na nagkunwaring matatapat, upang siya'y hulihin sa kanyang salita, para siya'y maibigay sa mga pinuno at awtoridad ng gobernador.
21At kanilang tinanong siya, “Guro, nalalaman namin na ikaw ay nagsasabi at nagtuturo ng matuwid at wala kang pinapanigang tao, kundi itinuturo mo ayon sa katotohanan ang daan ng Diyos.
22Nararapat bang kami ay magbuwis kay Cesar, o hindi?”
23Subalit batid niya ang kanilang katusuhan at sinabi sa kanila,
24“Ipakita ninyo sa akin ang isang denario. Kanino ang larawan at ang nakasulat dito?” At sinabi nila, “Kay Cesar.”
25At sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.”
26At hindi nila nagawang hulihin siya sa kanyang salita sa harap ng mga taong-bayan. At sa pagkamangha nila sa kanyang sagot sila ay tumahimik.
Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay
(Mt. 22:23-33; Mc. 12:18-27)
27May#Gw. 23:8 lumapit sa kanyang ilang Saduceo, na nagsasabing walang muling pagkabuhay.
28At#Deut. 25:5 kanilang tinanong siya, “Guro, isinulat ni Moises para sa amin na kung ang kapatid na lalaki ng isang tao ay mamatay, na may iniwang asawa subalit walang anak, pakakasalan ng lalaki ang balo at bibigyan ng anak ang kanyang kapatid.
29Ngayon, mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak;
30gayundin ang pangalawa;
31at pinakasalan ng pangatlo ang babae, at namatay ang pito na pawang walang iniwang anak.
32Pagkatapos ay namatay naman ang babae.
33Kaya't sa muling pagkabuhay, sino ang magiging asawa ng babaing iyon sapagkat siya'y naging asawa ng pito.
34At sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang mga anak ng panahong ito ay nag-aasawa at pinag-aasawa,
35subalit ang mga itinuturing na karapat-dapat makaabot sa panahong iyon at sa muling pagkabuhay mula sa mga patay, ay hindi nag-aasawa o pinag-aasawa.
36Hindi na sila mamamatay pa, sapagkat katulad na sila ng mga anghel at sila'y mga anak ng Diyos, palibhasa'y mga anak ng muling pagkabuhay.
37Subalit#Exo. 3:6 ang tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay ay ipinakita maging ni Moises sa kasaysayan tungkol sa mababang punungkahoy, na doon ay tinawag niya ang Panginoon na Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.
38Ngunit siya'y hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy, sapagkat sa kanya silang lahat ay nabubuhay.”
39At ang ilan sa mga eskriba ay sumagot, “Guro, mahusay ang iyong pagsagot.”
40Sapagkat hindi na sila nangahas magtanong pa sa kanya ng anuman.
Mga Tanong tungkol sa Anak ni David
(Mt. 22:41-46; Mc. 12:35-37)
41Kaya't sinabi niya sa kanila, “Paano nila nasasabi na ang Cristo ay anak ni David?
42Gayong#Awit 110:1 si David mismo ang nagsasabi sa aklat ng Mga Awit,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon;
“Maupo ka sa aking kanan,
43hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tuntungan ng iyong mga paa.”’
44Tinatawag siya ni David na Panginoon, kaya't paanong siya'y naging anak niya?”
Ang Babala tungkol sa mga Eskriba
(Mt. 23:1-36; Mc. 12:38-40)
45At sa pandinig ng lahat ng mga tao ay sinabi niya sa kanyang mga alagad,
46“Mag-ingat kayo sa mga eskriba na nagnanais lumakad na may mahahabang damit, at gustung-gusto ang mga pagpupugay sa mga pamilihan, ang pangunahing upuan sa mga sinagoga, at ang mga mararangal na lugar sa mga handaan.
47Nilalamon nila ang mga bahay ng mga balo, at sa pagkukunwari ay nananalangin sila ng mahahaba. Sila ay tatanggap ng lalong malaking kahatulan.”
Currently Selected:
LUCAS 20: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001