LUCAS 7
7
Pinagaling ni Jesus ang Alipin ng Isang Senturion
(Mt. 8:5-13)
1Nang matapos na ni Jesus#7:1 Sa Griyego ay niya. ang kanyang mga salita sa pandinig ng mga tao, pumasok siya sa Capernaum.
2May isang senturion#7:2 SENTURION: Tingnan sa Talaan ng mga Salita. doon na may aliping minamahal niya na maysakit at malapit nang mamatay.
3Nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, isinugo niya sa kanya ang matatanda sa mga Judio, na nakikiusap sa kanya na pumunta at pagalingin ang kanyang alipin.
4Nang dumating sila kay Jesus, nakiusap silang mabuti sa kanya na sinasabi, “Siya ay karapat-dapat na gawan mo nito,
5sapagkat mahal niya ang ating bansa at nagtayo siya ng sinagoga para sa atin.”
6At si Jesus ay sumama sa kanila. Nang siya'y nasa di-kalayuan sa bahay, nagsugo ang senturion ng mga kaibigan sa kanya na nagsasabi sa kanya, “Panginoon, huwag ka nang mag-abala pa, sapagkat hindi ako karapat-dapat na ikaw ay papasukin sa ilalim ng aking bubungan;
7kaya, hindi ko itinuring ang aking sarili na karapat-dapat na lumapit sa iyo. Ngunit sabihin mo ang salita at hayaang gumaling ang aking alipin.
8Sapagkat ako man ay taong inilagay sa ilalim ng kapangyarihan at may mga kawal na nasasakupan ko. At sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka’ at siya'y humahayo; at sa isa naman, ‘Halika,’ at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ at ito'y kanyang ginagawa.”
9Nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito ay namangha siya sa kanya. Lumingon siya at sinabi sa maraming tao na sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, maging sa Israel ay hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.”
10At nang ang mga sugo ay bumalik na sa bahay, nadatnan nilang magaling na ang alipin.
Binuhay ni Jesus ang Anak ng Balo
11Kinabukasan#7:11 Sa ibang mga kasulatan ay Pagkatapos niyon. siya ay tumuloy sa isang bayan na tinatawag na Nain, kasama ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao.
12At nang siya'y papalapit na sa pintuan ng bayan, inilalabas ang isang taong namatay. Siya'y nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina na isang balo. Kasama niya ang napakaraming tao mula sa bayan.
13Nang makita siya ng Panginoon, siya'y nahabag sa balo at sinabi rito, “Huwag kang umiyak.”
14Siya'y lumapit at hinipo ang kabaong at ang mga nagbubuhat ay tumigil. At sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, ‘Bumangon ka.’”
15Umupo ang patay at nagpasimulang magsalita. At siya'y ibinigay ni Jesus#7:15 Sa Griyego ay niya. sa kanyang ina.
16Sinakmal ng takot ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na sinasabi, “Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang sambayanan.”
17Ang balitang ito tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng nakapaligid na lupain.
Ang mga Sugo mula kay Juan na Tagapagbautismo
(Mt. 11:2-19)
18Ibinalita sa kanya ng mga alagad ni Juan ang lahat ng mga bagay na ito.
19Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad at sinugo sila sa Panginoon na nagsasabi, “Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?”
20At pagdating ng mga lalaki kay Jesus ay kanilang sinabi, “Sinugo kami sa iyo ni Juan na Tagapagbautismo na nagsasabi, ‘Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?’”
21Nang oras na iyon ay pinagaling ni Jesus#7:21 Sa Griyego ay niya. ang marami sa mga sakit, salot at masasamang espiritu, at ang maraming bulag ay binigyan niya ng paningin.
22At#Isa. 35:5, 6; Isa. 61:1 sumagot siya sa kanila, “Humayo kayo at sabihin ninyo kay Juan ang inyong nakikita at naririnig: ang mga bulag ay nakakakita, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakakarinig, ang mga patay ay muling binubuhay, sa mga dukha ay ipinangangaral ang magandang balita.
23At mapalad ang sinumang hindi natitisod sa akin.”
24Nang makaalis na ang mga sugo ni Juan ay nagpasimula siyang magsalita sa maraming tao tungkol kay Juan. “Ano ang pinuntahan ninyo sa ilang upang makita? Isa bang tambo na inuuga ng hangin?
25Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang taong nakasuot ng mga damit na malambot? Masdan ninyo, ang nagdadamit ng magagara at namumuhay ng marangya ay nasa mga palasyo ng mga hari.
26Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta.
27Ito#Mal. 3:1 yaong tungkol sa kanya ay nasusulat,
‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo sa iyong unahan#7:27 Sa Griyego ay sa unahan ng iyong mukha.
na maghahanda ng iyong daan sa iyong harapan.’
28Sinasabi ko sa inyo, sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang higit na dakila kay Juan, subalit ang pinakamaliit sa kaharian ng Diyos ay higit na dakila kaysa kanya.”
29(Nang#Mt. 21:32; Lu. 3:12 marinig ito ng buong bayan at ng mga maniningil ng buwis ay kanilang kinilala ang katuwiran ng Diyos, sapagkat sila ay nagpabautismo sa bautismo ni Juan.
30Subalit tinanggihan ng mga Fariseo at ng mga dalubhasa sa Kautusan ang layunin ng Diyos para sa kanila sa hindi nila pagpapabautismo sa kanya.)
31“Sa ano ko nga ihahambing ang mga tao ng lahing ito at ano ang kanilang katulad?
32Tulad sila sa mga batang nakaupo sa pamilihan at sumisigaw sa isa't isa, na sinasabi,
‘Tinutugtugan namin kayo ng plauta at hindi kayo sumayaw;
tumangis kami at hindi kayo umiyak.’
33Sapagkat dumating si Juan na Tagapagbautismo na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak at inyong sinasabi, ‘Siya'y may demonyo.’
34Dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom at inyong sinasabi, ‘Tingnan ninyo, ang isang taong matakaw at maglalasing, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’
35Kaya't ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng lahat ng kanyang mga anak.”
Si Jesus sa Tahanan ni Simon na Fariseo
36Isa sa mga Fariseo ay humiling kay Jesus#7:36 Sa Griyego ay sa kanya. na kumaing kasalo niya, at pagpasok niya sa bahay ng Fariseo siya'y naupo sa hapag.
37Nang#Mt. 26:7; Mc. 14:3; Jn. 12:3 malaman ng isang babaing makasalanan sa lunsod na siya'y nakaupo sa hapag sa bahay ng Fariseo, nagdala ito ng isang sisidlang alabastro na may pabango.
38At tumayo siyang umiiyak sa likuran sa may paanan ni Jesus.#7:38 Sa Griyego ay niya. Pinasimulan niyang basain ang kanyang mga paa ng kanyang mga luha, pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok. Patuloy niyang hinagkan ang mga paa ni Jesus#7:38 Sa Griyego ay niya. at binuhusan ang mga ito ng pabango.
39Nang makita ito ng Fariseo na nag-anyaya sa kanya ay sinabi nito sa kanyang sarili, “Kung ang taong ito ay isang propeta, nakilala sana niya kung sino at anong uring babae itong humihipo sa kanya, sapagkat siya'y makasalanan.”
40At pagsagot ni Jesus ay sinabi niya sa kanya, “Simon, mayroon akong sasabihin sa iyo.” At sinabi niya, “Guro, sabihin mo.”
41May dalawang taong nanghiram sa isang taong nagpapautang. Ang isa'y umutang ng limang daang denario#7:41 DENARIO: Tingnan sa Talaan ng mga Salita. at ang isa'y limampu.
42Nang sila'y walang maibayad, pareho niyang pinatawad sila. Ngayon, alin sa kanila ang higit na magmamahal sa kanya?
43Sumagot si Simon, “Sa palagay ko ay iyong pinatawad niya ng mas malaki.” At sinabi niya sa kanya, “Tama ang hatol mo.”
44At pagharap niya sa babae ay sinabi niya kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa, subalit binasa niya ang aking mga paa ng kanyang mga luha at pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok.
45Hindi mo ako hinalikan, subalit buhat nang ako'y pumasok ay hindi pa siya humihinto ng paghalik sa aking mga paa.
46Hindi mo binuhusan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa.
47Kaya't sinasabi ko sa inyo, ang marami niyang kasalanan ay pinatawad na, sapagkat siya ay nagmahal ng malaki. Subalit ang pinatatawad ng kaunti ay nagmamahal nang kaunti.”
48At sinabi niya sa babae,#7:48 Sa Griyego ay kanya. “Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”
49Pagkatapos, ang mga kasalo niya sa hapag ay nagpasimulang nagsabi sa isa't isa, “Sino ba ito, na nagpapatawad ng mga kasalanan?”
50At sinabi niya sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa.”
Currently Selected:
LUCAS 7: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001