MATEO 13
13
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik
(Mc. 4:1-9, 13-20; Lu. 8:4-8)
1Nang araw ding iyon ay lumabas si Jesus sa bahay at umupo sa tabi ng dagat.
2Nagtipun-tipon#Lu. 5:1-3 sa palibot niya ang napakaraming tao, kaya't sumakay siya sa isang bangka at umupo roon samantalang ang lahat ng tao ay nakatayo sa baybayin.
3At nagsalita siya sa kanila ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga, na sinasabi: “Makinig kayo! Isang manghahasik ang humayo upang maghasik.
4Habang siya'y naghahasik, may mga binhing nahulog sa tabing daan; at dumating ang mga ibon at kinain nila ang mga ito.
5Ang iba nama'y nahulog sa batuhan na doo'y kakaunti lamang ang lupa; at kaagad silang sumibol yamang hindi malalim ang lupa.
6Kaya't pagsikat ng araw, ang mga iyon ay natuyo at dahil sa walang ugat ang mga iyon ay tuluyang nalanta.
7Ang iba ay nahulog sa mga tinikan. Lumaki ang mga tinik at sinakal ang mga iyon.
8Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa, at namunga. Ang iba ay tig-iisang daan, ang iba ay animnapu, ang iba ay tatlumpu.
9Ang mga may pandinig ay makinig.”
Ang Layunin ng mga Talinghaga
(Mc. 4:10-12; Lu. 8:9-10)
10Lumapit ang mga alagad, at sinabi nila sa kanya, “Bakit ka nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga?”
11Sumagot siya at sinabi sa kanila, “Sapagkat sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, ngunit hindi ipinagkaloob sa kanila.
12Sapagkat#Mt. 25:29; Mc. 4:25; Lu. 8:18; 19:26 sinumang mayroon ay lalong bibigyan, at magkakaroon siya ng kasaganaan; ngunit sinumang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.
13Dahil dito ay nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga, sapagkat sa kanilang pagtingin ay hindi sila nakakakita, at sa kanilang pakikinig ay hindi sila nakakarinig, at hindi sila nakakaunawa.
14Natutupad#Isa. 6:9, 10 (LXX) nga sa kanila ang propesiya ni Isaias, na nagsasabi:
‘Sa pakikinig kayo'y makakarinig, ngunit kailanma'y hindi makakaunawa,
at sa pagtingin kayo'y titingin, ngunit kailanma'y hindi makakabatid.
15Sapagkat naging manhid na ang puso ng bayang ito,
at mahirap nang makarinig ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata;
baka ang kanilang mga mata'y makakita,
at makarinig ang kanilang mga tainga,
at makaunawa ang puso nila,
at manumbalik sa akin, at sila'y aking pagalingin.’
16Ngunit#Lu. 10:23, 24 mapapalad ang inyong mga mata, sapagkat ang mga ito'y nakakakita; at ang inyong mga tainga, sapagkat ang mga ito'y nakakarinig.
17Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga taong matuwid ang naghangad na makita ang inyong nakikita, ngunit hindi nila nakita; at marinig ang inyong naririnig, ngunit hindi nila ito narinig.
Paliwanag sa Talinghaga tungkol sa Manghahasik
(Mc. 4:13-20; Lu. 8:11-15)
18“Pakinggan ninyo ang talinghaga ng manghahasik.
19Kung ang sinuman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at hindi niya ito inuunawa, darating ang masama at aagawin ang naihasik sa kanyang puso. Ito ang naihasik sa tabing daan.
20Ang napahasik sa mga batuhan ay iyong nakikinig ng salita, at agad niyang tinatanggap ito na may kagalakan.
21Gayunma'y hindi siya nagkaugat kundi sandali lamang tumatagal; at kapag dumating ang kapighatian o pag-uusig dahil sa salita ay kaagad siyang natitisod.
22Ang napahasik sa mga tinikan ay iyong nakikinig ng salita; ngunit ang kabalisahan ng sanlibutan at ang daya ng mga kayamanan ay sumasakal sa salita at iyon ay nagiging walang bunga.
23Ang napahasik naman sa mabuting lupa, ay iyong nakikinig ng salita at inuunawa ito, na siyang talagang namumunga. Ang isa ay isandaan, ang iba ay animnapu, at ang iba ay tatlumpu.”
Ang Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan
24Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid.
25Ngunit samantalang natutulog ang mga tao, dumating ang kaaway at naghasik ng mga damo sa triguhan, at umalis.
26Kaya't nang sumibol ang mga halaman at namunga ay lumitaw rin ang damo.
27At ang mga alipin ng puno ng sambahayan ay dumating at sinabi sa kanya, ‘Panginoon, hindi ba't mabuting binhi ang inihasik mo sa iyong bukid? Saan kaya nanggaling ang mga damo?’
28Sinabi niya sa kanila, ‘Isang kaaway ang gumawa nito.’ At sinabi sa kanya ng mga alipin, ‘Ibig mo bang kami'y pumaroon at tipunin ang mga iyon?’
29Ngunit sinabi niya, ‘Huwag; baka sa pagtitipon ninyo ng mga damo ay inyong mabunot pati ang trigo.
30Hayaan ninyong magkasama silang tumubo hanggang sa anihan, at sa panahon ng pag-aani ay sasabihin ko sa mga manggagapas, Tipunin muna ninyo ang mga damo at pagbigkisin ninyo upang sunugin; ngunit tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.’”
Ang Talinghaga tungkol sa Binhi ng Mustasa
(Mc. 4:30-32; Lu. 13:18, 19)
31Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mustasa na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kanyang bukid.
32Iyon ang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi, ngunit nang tumubo ay siyang pinakamalaki sa mga halaman at nagiging punungkahoy, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay dumarating at nagpupugad sa kanyang mga sanga.
Ang Talinghaga ng Pampaalsa
(Lu. 13:20, 21)
33Nagsalaysay siya sa kanila ng isa pang talinghaga: “Ang kaharian ng langit ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae, at inihalo#13:33 Sa Griyego ay itinago. sa tatlong takal na harina, hanggang sa ang lahat ay malagyan ng pampaalsa.”
Ang Paggamit ni Jesus sa mga Talinghaga
(Mc. 4:33, 34)
34Ang lahat ng mga bagay na ito'y sinabi ni Jesus sa maraming tao sa pamamagitan ng mga talinghaga, at wala siyang sinabi sa kanila na hindi sa pamamagitan ng talinghaga.
35Ito#Awit 78:2 ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta,#13:35 Sa ibang lumang kasulatan ay propeta Isaias.
“Bubuksan ko ang aking bibig sa pagsasalita ng mga talinghaga;
isasalaysay ko ang mga natatagong bagay mula pa nang itatag ang sanlibutan.”#13:35 Sa ibang lumang kasulatan ay walang sanlibutan.
Ang Kahulugan ng Talinghaga ng mga Damo sa Triguhan
36Pagkatapos ay iniwan ni Jesus#13:36 Sa Griyego ay niya. ang napakaraming tao at pumasok sa bahay. Lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad, na nagsasabi, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga ng mga damo sa bukid.”
37Sumagot siya at sinabi, “Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng Tao.
38Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mabuting binhi naman ay ang mga anak ng kaharian, subalit ang mga damo ay ang mga anak ng masama.
39Ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diyablo. Ang anihan ay ang katapusan ng sanlibutan; at ang mga manggagapas ay ang mga anghel.
40Kaya't kung paanong tinitipon ang mga damo upang sunugin sa apoy, gayundin ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan.
41Susuguin ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at titipunin nila sa labas ng kanyang kaharian ang lahat ng mga sanhi ng pagkakasala at ang mga gumagawa ng kasamaan;
42at itatapon nila ang mga ito sa pugon ng apoy. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.
43Kung magkagayo'y magliliwanag ang mga matuwid na tulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang mga may pandinig ay makinig!
Ang Nakatagong Kayamanan
44“Ang kaharian ng langit ay tulad sa nakatagong kayamanan sa isang bukid; na natagpuan ng isang tao, at tinabunan niya ito. Sa kanyang kagalakan ay umalis siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang bukid na iyon.
Ang Mamahaling Perlas
45“Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas;
46at nang makatagpo ng isang mamahaling perlas ay umalis at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon.
Ang Lambat
47“Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad sa isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng iba't ibang uri ng isda.
48Nang ito ay mapuno, hinila nila ito sa pampang. Umupo sila at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit itinapon ang masasama.
49Gayon ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan. Lalabas ang mga anghel at kanilang ihihiwalay ang masasama sa matutuwid,
50at itatapon sila sa pugon ng apoy. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.
Kayamanang Bago at Luma
51“Naunawaan ba ninyo ang lahat ng mga bagay na ito?” Sinabi nila sa kanya, “Oo.”
52At sinabi niya sa kanila, “Kaya't ang bawat eskriba na sinanay para sa kaharian ng langit ay tulad sa isang puno ng sambahayan na naglalabas mula sa kanyang kayamanan ng mga bagay na bago at luma.”
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret
(Mc. 6:1-6; Lu. 4:16-30)
53Nang matapos na ni Jesus ang mga talinghagang ito, iniwan niya ang pook na iyon.
54Dumating siya sa sarili niyang bayan at kanyang tinuruan sila sa kanilang sinagoga, anupa't sila'y namangha, at nagsabi, “Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan at ng ganitong mga gawang makapangyarihan?”
55Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba ang kanyang ina ay tinatawag na Maria? At ang kanyang mga kapatid ay sina Santiago, Jose, Simon, at Judas?
56Hindi ba't kasama natin ang lahat ng kanyang mga kapatid na babae? Saan kinuha ng taong ito ang lahat ng mga bagay na ito?”
57At#Jn. 4:44 natisod sila sa kanya. Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang isang propeta ay di nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan at sambahayan.”
58At hindi siya gumawa roon ng maraming gawang makapangyarihan dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.
Currently Selected:
MATEO 13: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001