YouVersion Logo
Search Icon

MATEO 24

24
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo
(Mc. 13:1, 2; Lu. 21:5-6)
1Lumabas si Jesus sa templo at paalis na, nang lumapit sa kanya ang mga alagad niya upang ipakita sa kanya ang mga gusali ng templo.
2Ngunit siya'y sumagot at sinabi sa kanila, “Hindi ba ninyo nakikita ang lahat ng mga bagay na ito? Katotohanang sinasabi ko, walang matitira ni isang bato rito na nasa ibabaw ng ibang bato na hindi ibabagsak.”
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating
(Mc. 13:3-13; Lu. 21:7-19)
3Samantalang siya'y nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, lumapit sa kanya nang sarilinan ang mga alagad, na nagsasabi, “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito at ano ang tanda ng iyong pagdating, at ng katapusan ng panahon?
4Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Mag-ingat kayo na huwag kayong mailigaw ng sinuman.
5Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan, na nagsasabi, ‘Ako ang Cristo’ at ililigaw nila ang marami.
6At makakarinig kayo ng mga digmaan at ng mga bali-balita ng mga digmaan. Mag-ingat kayo na huwag kayong mangamba, sapagkat kailangang mangyari ito, subalit hindi pa ito ang wakas.
7Sapagkat maglalaban ang bansa sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian. Magkakaroon ng taggutom at mga lindol sa iba't ibang dako.
8Ngunit ang lahat ng mga ito ay pasimula lamang ng matinding paghihirap.#24:8 Sa Griyego ay paghihirap sa panganganak.
9“Pagkatapos#Mt. 10:22 ay ibibigay kayo sa kapighatian at kayo'y papatayin; at kayo'y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.
10Maraming tatalikod,#24:10 o matitisod. magtataksil at mapopoot sa isa't isa.
11Maraming bulaang propeta ang lilitaw at ililigaw nila ang marami.
12Dahil sa paglaganap ng kasamaan, ang pag-ibig ng marami ay lalamig.
13Subalit#Mt. 10:22 ang magtiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.
14At ang magandang balitang ito ng kaharian ay ipahahayag sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at pagkatapos ay darating ang wakas.
Ang Karumaldumal na Paglapastangan
(Mc. 13:14-23; Lu. 21:20-24)
15“Kaya,#Dan. 9:27; 11:31; 12:11 kapag nakita ninyo ang karumaldumal na paglapastangan na sinabi sa pamamagitan ni propeta Daniel, na nakatayo sa dakong banal (unawain ng bumabasa),
16ang mga nasa Judea ay tumakas na patungo sa mga bundok.
17Ang#Lu. 17:31 nasa bubungan ay huwag nang bumaba upang kunin ang mga bagay sa loob ng kanyang bahay.
18At ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kunin ang kanyang balabal.
19Ngunit kahabag-habag ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon!
20Kaya't idalangin ninyo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa taglamig o sa Sabbath.
21Sapagkat#Dan. 12:1; Apoc. 7:14 sa panahong iyon ay magkakaroon ng matinding paghihirap na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, at hindi na mangyayari kailanman.
22At kung hindi paiikliin ang mga araw na iyon, ay walang makakaligtas na laman, subalit alang-alang sa mga hinirang ay paiikliin ang mga araw na iyon.
23At kung may sinumang magsabi sa inyo, ‘Masdan ninyo, narito ang Cristo!’ o, ‘Nariyan siya!’ huwag ninyong paniwalaan.
24Sapagkat lilitaw ang mga bulaang Cristo at ang mga bulaang propeta, at magpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan, anupa't ililigaw, kung maaari, pati ang mga hinirang.
25Tingnan ninyo, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo.
26Kaya,#Lu. 17:23, 24 kung sasabihin nila sa inyo, ‘Tingnan ninyo, siya'y nasa ilang,’ huwag kayong lumabas. ‘Tingnan ninyo, siya'y nasa mga silid,’ huwag ninyong paniwalaan.
27Sapagkat gaya ng kidlat na nanggagaling sa silangan at nagliliwanag hanggang sa kanluran, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.
28Kung#Lu. 17:37 saan naroon ang bangkay, ay doon magkakatipon ang mga buwitre.#24:28 o agila.
Ang Pagdating ng Anak ng Tao
(Mc. 13:24-27; Lu. 21:25-28)
29“At#Isa. 13:10; Joel 2:10, 31; 3:15; Apoc. 6:12; Isa. 13:10; Ez. 32:7; Joel 2:10; 3:15; Isa. 34:4; Apoc. 6:13 pagkatapos ng paghihirap sa mga panahong iyon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag, at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit, at yayanigin ang mga kapangyarihan sa langit.
30Pagkatapos#Dan. 7:13; Zac. 12:10-14; Apoc. 1:7 ay lilitaw ang tanda ng Anak ng Tao sa langit, at tatangis ang lahat ng mga lipi sa lupa, at makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.
31Isusugo niya ang kanyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta at kanilang titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.
Ang Aral Mula sa Puno ng Igos
(Mc. 13:28-31; Lu. 21:29-33)
32“Kaya, pag-aralan ninyo mula sa puno ng igos ang kanyang talinghaga: kapag malambot na ang sanga nito at umuusbong na ang mga dahon, alam ninyong malapit na ang tag-araw.
33Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, alam ninyong siya'y#24:33 o ito'y. malapit na, nasa mga pintuan na.
34Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.
35Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.
Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon
(Mc. 13:32-37; Lu. 17:26-30, 34-36)
36“Subalit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, ni ang Anak#24:36 Sa ibang mga kasulatan ay wala ang ni ang Anak. kundi ang Ama lamang.
37Kung#Gen. 6:5-8 paano sa mga araw ni Noe, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.
38Sapagkat kung paano sa mga araw na iyon bago bumaha, sila'y kumakain at umiinom, at nag-aasawa at pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko,#24:38 o daong.
39at#Gen. 7:6-24 hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang baha, at tinangay silang lahat, ay gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.
40Kaya, may dalawang taong pupunta sa bukid, ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.
41May dalawang babaing magtatrabaho#24:41 o gigiling. sa isang gilingan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.
42Magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw#24:42 Sa ibang mga kasulatan ay oras. darating ang inyong Panginoon.
43Ngunit#Lu. 12:39, 40 unawain ninyo ito, na kung nalalaman ng puno ng sambahayan kung anong bahagi ng gabi darating ang magnanakaw, magpupuyat sana siya at hindi niya hahayaang pasukin ang kanyang bahay.
44Kaya, maging handa rin naman kayo, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.
Ang Tapat at ang Di-tapat na Alipin
(Lu. 12:41-48)
45“Sino nga ba ang tapat at matalinong alipin na inatasan ng kanyang panginoon na pangasiwaan ang kanyang sambahayan, upang magbigay sa kanila ng pagkain sa tamang panahon?
46Mapalad ang alipin na kung dumating ang kanyang panginoon ay maratnan siyang gayon ang kanyang ginagawa.
47Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ipagkakatiwala niya sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian.
48Ngunit kung ang masamang aliping iyon ay magsabi sa kanyang puso, ‘Magtatagal ang aking panginoon,’
49at pinasimulan niyang bugbugin ang mga kapwa niya alipin, at nakisalo at nakipag-inuman sa mga lasing,
50darating ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya nalalaman,
51at siya'y pagpuputul-putulin at ilalagay na kasama ng mga mapagkunwari, kung saan ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.

Currently Selected:

MATEO 24: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in