MGA BILANG 11
11
Nagreklamo ang mga Tao
1Ang bayan ay nagreklamo sa pandinig ng Panginoon, at nang marinig ito ng Panginoon ay nagningas ang kanyang galit, at ang apoy ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila, at tinupok ang gilid ng kampo.
2Ngunit ang bayan ay nagmakaawa kay Moises; at si Moises ay nanalangin sa Panginoon at ang apoy ay namatay.
3Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Tabera, sapagkat ang apoy ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila.
4At ang nagkakagulong mga tao na nasa gitna nila ay nagkaroon ng matinding pananabik at ang mga anak ni Israel naman ay muling umiyak at nagsabi, “Sana'y mayroon tayong karneng makakain!
5Ating naaalala ang isda na ating kinakain na walang bayad sa Ehipto; ang mga pipino, mga milon, mga puero, mga sibuyas, at bawang.
6Ngunit ngayon ang ating lakas ay nanghihina; walang anuman sa ating harapan kundi ang mannang ito.”
7Ang#Exo. 16:31 manna ay gaya ng butil ng kulantro at ang kulay niyon ay gaya ng kulay ng bedelio.
8Ang mga taong-bayan ay lumilibot at pinupulot iyon, at kanilang ginigiling sa mga gilingan o dinidikdik sa mga lusong, niluluto sa mga palayok, at ginagawa iyong mumunting tinapay. Ang lasa nito ay gaya ng lasa ng tinapay na niluto sa langis.
9Kapag#Exo. 16:13-15 ang hamog ay nahulog sa ibabaw ng kampo sa gabi, kasama nitong nahuhulog ang manna.
10Narinig ni Moises ang pag-iiyakan ng bayan sa kanilang sambahayan, na ang lahat ay nasa pintuan ng kanilang tolda. At ang Panginoon ay galit na galit, at sumama ang loob ni Moises.
11Kaya't sinabi ni Moises sa Panginoon, “Bakit mo ginawan ng masama ang iyong lingkod? Bakit hindi ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, na iyong iniatang sa akin ang pasanin ng buong bayang ito?
12Akin bang ipinaglihi ang buong bayang ito? Ipinanganak ko ba sila upang iyong sabihin sa akin, ‘Kandungin mo sila sa iyong kandungan, na gaya ng nag-aalagang magulang na kinakalong ang kanyang anak na pasusuhin,’ tungo sa lupain na iyong ipinangako sa kanilang mga ninuno?
13Saan ako kukuha ng karne upang ibigay sa buong bayang ito? Sapagkat sila'y umiyak sa akin, na nagsasabi, ‘Bigyan mo kami ng karneng makakain namin.’
14Hindi ko kayang dalhing mag-isa ang buong bayang ito, sapagkat ang pasanin ay napakabigat para sa akin.
15Kung ganito ang pakikitungong gagawin mo sa akin ay patayin mo na ako. Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, huwag mo nang ipakita sa akin ang aking paghihirap.”
Ang Pitumpung Matatanda
16Kaya't sinabi ng Panginoon kay Moises, “Magtipon ka para sa akin ng pitumpung lalaki sa matatanda sa Israel, na iyong nalalaman na matatanda sa bayan at mga nangunguna sa kanila; at dalhin mo sa toldang tipanan upang sila'y makatayo roon na kasama mo.
17Ako'y bababa at makikipag-usap sa iyo doon; at ako'y kukuha ng espiritu na nasa iyo at aking isasalin sa kanila. Kanilang dadalhin ang pasanin ng bayan na kasama mo, upang huwag mong dalhing mag-isa.
18At sabihin mo sa bayan: Italaga ninyo ang inyong sarili para bukas, at kayo'y kakain ng karne, sapagkat kayo'y nagsisiiyak sa pandinig ng Panginoon, na sinasabi, ‘Sinong magbibigay sa amin ng karne na aming makakain? Sapagkat mabuti pa noong nasa Ehipto kami.’ Dahil dito bibigyan kayo ng Panginoon ng karne at kakain kayo.
19Hindi ninyo kakainin nang isang araw lamang, ni dalawang araw, ni limang araw, ni sampung araw, ni dalawampung araw;
20kundi isang buong buwan, hanggang sa lumabas sa inyong mga ilong, at inyong pagsawaan; sapagkat inyong itinakuwil ang Panginoon na nasa gitna ninyo, at kayo'y umiyak sa harap niya, na nagsasabi, ‘Bakit pa kami umalis sa Ehipto?’”
21Ngunit sinabi ni Moises, “Ang bayang kasama ko ay animnaraang libong katao, at iyong sinabi, ‘Akin silang bibigyan ng karne na kanilang makakain sa buong buwan.’
22Kakatayin ba kaya ang mga kawan at mga bakahan upang magkasiya sa kanila? O ang lahat ng isda sa dagat ay huhulihin sa kanila upang magkasiya sa kanila?”
23Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umikli na ba ang kamay ng Panginoon? Ngayo'y makikita mo kung ang aking salita ay matutupad sa iyo o hindi.”
24Kaya't si Moises ay lumabas, at sinabi sa bayan ang mga salita ng Panginoon. Siya'y nagtipon ng pitumpung lalaki sa matatanda sa bayan at kanyang pinatayo sa palibot ng tolda.
25At ang Panginoon ay bumaba sa ulap at nagsalita sa kanya; at kumuha sa espiritung nasa kanya at isinalin sa pitumpung matatanda at nangyari, na nang bumaba sa kanila ang espiritu ay nagpropesiya sila. Ngunit hindi na nila iyon ginawa muli.
Si Eldad at si Medad
26Ngunit naiwan ang dalawang lalaki sa kampo; ang pangalan ng isa ay Eldad at ang isa ay Medad at ang espiritu ay bumaba sa kanila. Sila'y kabilang sa nakatala, ngunit hindi lumabas sa tolda kaya't sila'y nagpropesiya sa kampo.
27Tumakbo ang isang binata at nagsabi kay Moises, “Sina Eldad at Medad ay nagsalita ng propesiya sa kampo.”
28Si Josue na anak ni Nun, na lingkod ni Moises, na isa sa kanyang mga piling lalaki ay sumagot, “Aking panginoong Moises, pagbawalan mo sila!”
29Ngunit sinabi ni Moises sa kanya, “Ikaw ba'y naninibugho para sa akin? Mangyari nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta na ilagay sa kanila ng Panginoon ang kanyang espiritu!”
30At bumalik sa kampo si Moises at ang matatanda sa Israel.
Ipinadala ang mga Pugo na Kasama ang Salot
31At lumabas ang isang hangin galing sa Panginoon, at ito'y nagdala ng mga pugo mula sa dagat, at pinalapag sa kampo na may isang araw lakarin sa dakong ito, at isang araw lakarin sa kabilang dako sa palibot ng kampo, mga dalawang siko#11:31 Tingnan sa Talaan ng mga Timbang at Sukat. ang kapal sa ibabaw ng lupa.
32Ang bayan ay nakatindig sa buong araw na iyon at sa buong gabi, at sa buong ikalawang araw, at nanghuli ng mga pugo. Yaong kaunti ang natipon ay nakatipon ng sampung omer#11:32 Tingnan sa Talaan ng mga Timbang at Sukat. at kanilang ikinalat para sa kanila sa buong palibot ng kampo.
33Ngunit samantalang ang karne ay nasa kanilang mga ngipin pa bago ito naubos ay nagningas ang galit ng Panginoon laban sa bayan at pinatay ng Panginoon ang mga tao ng matinding salot.
34Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Kibrot-hataava, sapagkat doon nila inilibing ang bayang nagkaroon ng masidhing pananabik.
35Mula sa Kibrot-hataava ay naglakbay ang bayan patungo sa Haserot; at sila'y namalagi sa Haserot.
Currently Selected:
MGA BILANG 11: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001