MGA BILANG 23
23
Ang Unang Talinghaga ni Balaam
1Sinabi ni Balaam kay Balak, “Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako ng pitong toro at pitong lalaking tupa.”
2Ginawa nga ni Balak ang sinabi ni Balaam. Sina Balak at Balaam ay naghandog sa bawat dambana ng isang toro at isang lalaking tupa.
3Sinabi ni Balaam kay Balak, “Tumayo ka sa tabi ng iyong handog na sinusunog at ako'y aalis. Baka sakaling pumarito ang Panginoon upang salubungin ako at anumang bagay na kanyang ipakita sa akin ay sasabihin ko sa iyo.” Siya'y dumating sa isang dakong mataas na walang tanim.
4At sinalubong ng Diyos si Balaam at sinabi sa kanya, “Aking inihanda ang pitong dambana, at inihandog ang isang toro at isang lalaking tupa para sa bawat dambana.”
5Nilagyan ng Panginoon ng salita ang bibig ni Balaam at sinabi, “Bumalik ka kay Balak, at ganito ang iyong sasabihin.”
6Siya'y bumalik kay Balak na nakatayo sa tabi ng kanyang handog na sinusunog kasama ang lahat ng mga pinuno ng Moab.
7At binigkas ni Balaam#23:7 Sa Hebreo ay niya. ang kanyang talinghaga, na sinasabi,
“Mula sa Aram ay dinala ako rito ni Balak,
na hari ng Moab, mula sa mga bundok ng silangan.
Pumarito ka, sumpain mo para sa akin ang Jacob.
Pumarito ka, laitin mo ang Israel.
8Paano ko susumpain ang hindi sinumpa ng Diyos?
At paano ko lalaitin ang hindi nilait ng Panginoon?
9Sapagkat mula sa tuktok ng mga bundok ay nakikita ko siya,
at mula sa mga burol ay akin siyang natatanaw;
narito, siya'y isang bayang naninirahang mag-isa,
at hindi ibinibilang ang sarili sa gitna ng mga bansa.
10Sinong makakabilang ng mga alabok ng Jacob,
o ng bilang ng ikaapat na bahagi ng Israel?
Mamatay nawa ako ng kamatayan ng matuwid,
at ang aking wakas ay maging tulad nawa ng sa kanya!”
11At sinabi ni Balak kay Balaam, “Anong ginawa mo sa akin? Isinama kita upang sumpain mo ang aking mga kaaway, ngunit narito, wala kang ginawa kundi pagpalain sila.”
12Siya'y sumagot, “Hindi ba nararapat na aking maingat na sabihin ang inilagay ng Panginoon sa bibig ko?”
Ang Ikalawang Talinghaga ni Balaam
13Sinabi sa kanya ni Balak, “Ipinapakiusap ko sa iyo na sumama ka sa akin sa ibang lugar, kung saan mo sila makikita. Ang makikita mo lamang ay ang pinakamalapit sa kanila, at hindi mo sila makikitang lahat at sumpain mo sila para sa akin mula roon.”
14Kaya't kanyang dinala siya sa parang ng Sofim, sa tuktok ng Pisga, at nagtayo roon ng pitong dambana, at naghandog ng isang toro at ng isang lalaking tupa sa bawat dambana.
15Kanyang sinabi kay Balak, “Tumayo ka rito sa tabi ng iyong handog na sinusunog, habang sinasalubong ko ang Panginoon doon.”
16At sinalubong ng Panginoon si Balaam, at nilagyan ng salita ang kanyang bibig, at sinabi, “Bumalik ka kay Balak, at ganito ang iyong sasabihin.”
17Nang siya'y dumating sa kanya, siya'y nakatayo sa tabi ng kanyang handog na sinusunog na kasama ang mga pinuno sa Moab. At sinabi sa kanya ni Balak, “Anong sinabi ng Panginoon?”
18At binigkas ni Balaam ang kanyang talinghaga, na sinasabi,
“Tumindig ka, Balak, at iyong pakinggan,
makinig ka sa akin, ikaw na anak ni Zipor.
19Ang Diyos ay hindi tao, na magsisinungaling,
ni anak ng tao na magsisisi.
Sinabi ba niya at hindi niya gagawin?
O sinalita ba niya at hindi niya tutuparin?
20Ako'y tumanggap ng utos na magbigay ng pagpapala:
kanyang pinagpala, at hindi ko na mababago iyon.
21Wala siyang nakitang kasamaan sa Jacob,
ni wala siyang nakitang kasamaan sa Israel.
Ang Panginoon nilang Diyos ay kasama nila,
at ang sigaw ng hari ay nasa gitna nila.
22Ang Diyos ang naglalabas sa kanila sa Ehipto.
Siya'y may lakas na gaya ng mabangis na toro.
23Tunay na walang engkanto laban sa Jacob,
ni panghuhula laban sa Israel.
Ngayo'y sasabihin tungkol sa Jacob at sa Israel,
‘Anong ginawa ng Diyos!’
24Tingnan mo, ang bayan ay tumitindig na parang isang babaing leon,
at parang isang leon na itinataas ang sarili.
Siya'y hindi mahihiga hanggang sa makakain ng biktima
at makainom ng dugo ng napatay.”
25Sinabi ni Balak kay Balaam, “Huwag mo silang sumpain ni pagpalain.”
26Ngunit si Balaam ay sumagot at nagsabi kay Balak, “Di ba sinabi ko sa iyo, ‘Ang lahat na sinasalita ng Panginoon ay siya kong nararapat gawin?’”
27Kaya't sinabi ni Balak kay Balaam, “Halika ngayon, isasama kita sa ibang lugar; marahil ay matutuwa ang Diyos na iyong sumpain sila para sa akin mula roon.”
28At isinama ni Balak si Balaam sa tuktok ng Peor na nasa gawing itaas ng ilang.
29Sinabi ni Balaam kay Balak, “Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako rito ng pitong toro at pitong lalaking tupa.”
30At ginawa ni Balak ang sinabi ni Balaam, at naghandog ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat dambana.
Currently Selected:
MGA BILANG 23: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001