MGA BILANG 27
27
Ang mga Anak na Babae ni Zelofehad
1Nang magkagayo'y lumapit ang mga anak na babae ni Zelofehad, na anak ni Hefer, na anak ni Gilead, na anak ni Makir, na anak ni Manases, sa mga angkan ni Manases, na anak ni Jose. Ito ang mga pangalan ng kanyang mga anak: Mahla, Noa, Hogla, Milca, at Tirsa.
2At sila'y tumayo sa harap ni Moises, at ng paring si Eleazar, at sa harap ng mga pinuno at ng buong kapulungan sa pintuan ng toldang tipanan na sinasabi,
3“Ang aming ama ay namatay sa ilang, at siya'y hindi kasama ng pangkat ng mga nagtipun-tipon laban sa Panginoon sa pangkat ni Kora, kundi siya'y namatay sa kanyang sariling kasalanan; at siya'y walang anak na lalaki.
4Bakit ang pangalan ng aming ama ay aalisin sa angkan niya, dahil ba sa siya'y walang anak na lalaki? Bigyan ninyo kami ng ari-arian kasama ng mga kapatid ng aming ama.”
5Dinala ni Moises ang kanilang usapin sa harap ng Panginoon.
6Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
7“Tama#Bil. 36:2 ang sinasabi ng mga anak na babae ni Zelofehad. Bigyan mo sila ng ari-arian na pinakamana mula sa mga kapatid ng kanilang ama; at iyong isasalin ang mana ng kanilang ama sa kanila.
8At iyong sasabihin sa mga anak ni Israel, “Kung ang isang lalaki ay mamatay at walang anak na lalaki, inyong isasalin ang kanyang mana sa kanyang anak na babae.
9Kung siya'y walang anak na babae, inyong ibibigay ang kanyang mana sa kanyang mga kapatid.
10Kung siya'y walang kapatid, inyong ibibigay ang kanyang mana sa mga kapatid ng kanyang ama.
11Kung ang kanyang ama ay walang kapatid, inyong ibibigay ang kanyang mana sa kanyang kamag-anak na pinakamalapit sa kanyang angkan, at kanyang aariin. At ito ay magiging isang tuntunin at batas sa mga anak ni Israel gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Sinabi ang tungkol sa Kamatayan ni Moises
12Sinabi#Deut. 3:23-27; 32:48-52 ng Panginoon kay Moises, “Umahon ka sa bundok na ito ng Abarim, at tanawin mo ang lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel.
13Kapag nakita mo na iyon, titipunin kang kasama rin ng iyong bayan, na gaya ng pagkatipon kay Aaron na iyong kapatid.
14Sapagkat sa ilang ng Zin, sa pakikipagtalo ng kapulungan ay naghimagsik kayo laban sa aking utos na kilalanin ninyo akong banal sa harap ng mga mata nila doon sa tubig.” (Ito ang tubig ng Meriba sa Kadesh sa ilang ng Zin.)
Si Josue ang Kapalit ni Moises
(Deut. 31:1-8)
15At nagsalita si Moises sa Panginoon, na sinasabi,
16“Hayaan mong pumili ang Panginoon, ang Diyos ng mga espiritu ng lahat ng laman, ng isang lalaki sa kapulungan,
17na#1 Ha. 22:17; Ez. 34:5; Mt. 9:36; Mc. 6:34 lalabas sa harapan nila, at papasok sa harapan nila, mangunguna sa kanila palabas at magdadala sa kanila papasok upang ang kapulungan ng Panginoon ay huwag maging parang mga tupa na walang pastol.”
18Kaya't#Exo. 24:13 sinabi ng Panginoon kay Moises, “Isama mo si Josue na anak ni Nun, isang lalaking nagtataglay ng Espiritu, at ipatong mo ang iyong kamay sa kanya.
19Iharap mo siya sa paring si Eleazar, at sa buong kapulungan; at sa harapan nila'y atasan mo siya.
20Bibigyan mo siya ng ilan sa iyong awtoridad upang sundin siya ng buong kapulungan ng mga anak ni Israel.
21At#Exo. 28:30; 1 Sam. 14:41; 28:6 siya'y tatayo sa harap ng paring si Eleazar, na siyang sasangguni para sa kanya, sa pamamagitan ng hatol ng Urim sa harap ng Panginoon; sa kanyang salita ay lalabas sila, at sa kanyang salita ay papasok sila, siya at ang lahat ng mga anak ni Israel na kasama niya, samakatuwid ay ang buong kapulungan.
22Ginawa ni Moises ang ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya at kanyang isinama si Josue. Kanyang iniharap siya sa paring si Eleazar at sa buong kapulungan.
23Kanyang#Deut. 31:23 ipinatong ang mga kamay niya sa kanya, at siya'y kanyang inatasan, gaya ng iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Currently Selected:
MGA BILANG 27: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001