YouVersion Logo
Search Icon

MGA KAWIKAAN 10

10
Ang mga Pangaral ni Solomon
1Mga kawikaan ni Solomon.
Ang matalinong anak ay nakapagpapaligaya sa ama,
ngunit ang hangal na anak ay kalungkutan sa kanyang ina.
2Ang mga kayamanan na mula sa kasamaan ay hindi mapapakinabangan,
ngunit ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan.
3Hindi hinahayaan ng Panginoon na magutom ang matuwid,
ngunit ang nasa ng masama ay kanyang pinapatid.
4Ang mapagpabayang kamay ay dahilan ng kahirapan,
ngunit ang kamay ng masipag ay nagpapayaman.
5Isang pantas na anak siyang nagtitipon sa tag-araw,
ngunit siyang natutulog sa tag-ani ay nagdadala ng kahihiyan.
6Nasa ulo ng matuwid ang mga pagpapala,
ngunit nagtatago ng karahasan ang bibig ng masama.
7Ang alaala ng matuwid ay isang pagpapala,
ngunit ang pangalan ng masama ay mapapariwara.
8Ang pantas sa puso ay susunod sa mga kautusan,
ngunit ang madaldal na hangal ay mabubuwal.
9Siyang lumalakad sa katapatan ay lumalakad nang tiwasay,
ngunit ang sumisira ng kanyang mga lakad ay matutuklasan.
10Siyang kumikindat ng mata ay pinagmumulan ng kaguluhan,
ngunit ang madaldal na hangal ay mabubuwal.
11Ang bibig ng matuwid ay bukal ng buhay,
ngunit ang bibig ng masama ay nagtatago ng karahasan.
12Ang#San. 5:20; 1 Ped. 4:8 pagkamuhi ay nagbubunsod ng alitan,
ngunit tinatakpan ng pag-ibig ang lahat ng pagsuway.
13Nasusumpungan sa mga labi ng may unawa ang karunungan,
ngunit ang pamalo ay para sa likod ng walang kaunawaan.
14Ang mga pantas ay nag-iimbak ng kaalaman,
ngunit ang kadaldalan ng hangal ay naglalapit sa kapahamakan.
15Ang kayamanan ng mayaman ang kanyang lunsod na matibay;
ang kahirapan ng dukha ang kanilang kapahamakan.
16Ang kabayaran ng matuwid ay patungo sa buhay;
ang pakinabang ng masama ay tungo sa kasalanan.
17Nasa daan ng buhay siyang nakikinig ng pangaral,
ngunit siyang tumatanggi sa saway ay naliligaw.
18Siyang nagkukubli ng pagkamuhi ay may labing mapanlinlang,
at siyang naninirang-puri ay isang hangal.
19Sa dami ng mga salita ay hindi mawawalan ng pagsalangsang,
ngunit siyang nagpipigil ng kanyang mga labi ay may karunungan.
20Ang dila ng matuwid ay piling pilak ang katulad,
ang isipan ng masama ay maliit ang katumbas.
21Ang mga labi ng matuwid ay nagpapakain ng marami,
ngunit ang hangal ay namamatay sa kakulangan ng bait sa sarili.
22Ang pagpapala ng Panginoon ay nagpapayaman,
at hindi niya ito dinaragdagan ng kapanglawan.
23Isang libangan sa hangal ang paggawa ng kasamaan,
ngunit ang matalinong asal, sa taong may unawa ay kasiyahan.
24Ang kinatatakutan ng masama, sa kanya ay sasapit,
ngunit ipagkakaloob ang nasa ng matuwid.
25Pagdaan ng unos, ang masama'y napaparam,
ngunit ang matuwid ay matatag magpakailanman.
26Kung paano ang suka sa mga ngipin, at ang usok sa mga mata,
gayon ang tamad sa mga nagsusugo sa kanya.
27Ang takot sa Panginoon ay nagpapahaba ng buhay,
ngunit ang mga taon ng masama ay maiikli lamang.
28Ang pag-asa ng matuwid ay hahantong sa kaligayahan,
ngunit ang inaasam ng masama ay mapaparam.
29Ang daan ng Panginoon sa matuwid ay tanggulan,
ngunit kapahamakan sa mga gumagawa ng kasamaan.
30Ang matuwid ay hindi makikilos kailanman,
ngunit ang masama, sa lupain ay hindi tatahan.
31Ang bibig ng matuwid ay nagbibigay ng karunungan,
ngunit ang mandarayang dila ay ihihiwalay.
32Nalalaman ng mga labi ng matuwid ang nakakalugod,
ngunit ang bibig ng masama, ang alam ay baluktot.

Currently Selected:

MGA KAWIKAAN 10: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in