MGA KAWIKAAN 27
27
Ang Matuwid at ang Masama
1Huwag#San. 4:13-16 mong ipagyabang ang kinabukasan;
sapagkat hindi mo alam kung ano ang dadalhin ng isang araw.
2Purihin ka ng ibang tao at huwag ng iyong sariling bibig;
ng dayuhan, at huwag ng iyong sariling mga labi.
3Ang bato ay mabigat, at ang buhangin ay matimbang;
ngunit mas mabigat sa mga ito ang galit ng hangal.
4Ang poot ay malupit, at ang galit ay nakakapunô,
ngunit sinong makakatayo sa harap ng paninibugho?
5Mas mabuti ang hayag na pagsaway,
kaysa nakatagong pagmamahal.
6Tapat ang mga sugat mula sa kaibigan,
labis-labis ang mga halik ng kaaway.
7Ang taong busog ay nasusuya sa pulot-pukyutan;
ngunit sa taong gutom ang bawat mapait ay katamisan.
8Tulad ng ibong naliligaw mula sa kanyang pugad,
gayon ang taong naliligaw mula sa kanyang bahay.
9Ang langis at pabango sa puso'y nagpapasaya,
gayon katamis ang payo ng isang tao sa kaibigan niya.
10Ang iyong kaibigan at ang kaibigan ng iyong ama, ay huwag mong pabayaan;
at huwag kang pumaroon sa bahay ng iyong kapatid sa araw ng iyong kasawian.
Mas mabuti pa ang malapit na kapitbahay,
kaysa isang kapatid na malayo naman.
11Anak ko, ikaw ay magpakadunong, at puso ko'y iyong pasayahin,
upang aking masagot ang tumutuya sa akin.
12Ang taong matalino ay nakakakita ng panganib, at nagkukubli siya,
ngunit nagpapatuloy ang walang muwang at siya'y nagdurusa.
13Kunin mo ang suot ng taong nananagot sa di-kilala;
at tanggapan mo ng sangla ang nananagot sa babaing banyaga.
14Sinumang maagang bumangon,
upang pagpalain ang kanyang kapwa sa malakas na tinig
ay ituturing na nanunumpa.
15Ang patuloy na pagtulo sa araw na maulan
at ang babaing palaaway ay magkahalintulad;
16ang pagpigil sa babaing iyon#27:16 Sa Hebreo ay kanya. ay pagpigil sa hangin,
o paghawak ng langis sa kanyang kanang kamay.
17Ang bakal ay nagpapatalas sa bakal;
at ang tao ang nagpapatalas sa isa pang tao.
18Ang nag-aalaga ng puno ng igos ay kakain ng bunga niyon;
at pararangalan ang nagbabantay sa kanyang panginoon.
19Kung paanong sa tubig ang mukha ay naaaninaw,
gayon naaaninaw ang tao sa kanyang isipan.
20Ang Sheol at ang Abadon ay hindi nasisiyahan kailanman;
at ang mga mata ng tao kailanma'y hindi nasisiyahan.
21Ang lutuan ay sa pilak, at ang hurno ay sa ginto,
at ang tao ay hinahatulan sa pagpupuri nito.
22Durugin mo man ang hangal kasama ng binayong trigo sa isang bayuhan,
gayunma'y hindi hihiwalay sa kanya ang kanyang kahangalan.
23Alamin mong mabuti ang kalagayan ng iyong mga kawan,
at tingnan mong mabuti ang iyong mga hayupan;
24sapagkat ang mga yaman ay hindi nagtatagal magpakailanman;
at ang korona ba'y nananatili sa lahat ng salinlahi?
25Kapag ang damo ay nawala na, at ang sariwang damo ay lumitaw,
at ang mga halaman sa mga bundok ay pinipisan,
26ang mga kordero ang magbibigay ng iyong damit,
at ang mga kambing ay siyang halaga ng bukid;
27magkakaroon ng sapat na gatas ng kambing bilang iyong pagkain,
sa pagkain ng iyong sambahayan,
at pagkain sa iyong mga alilang kababaihan.
Currently Selected:
MGA KAWIKAAN 27: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001