MGA KAWIKAAN 3
3
Payo sa mga Kabataang Lalaki
1Anak ko, ang aral ko'y huwag mong kalimutan,
kundi ang aking mga utos sa iyong puso'y ingatan;
2sapagkat kahabaan ng araw at mga taon ng buhay,
at kapayapaan, ang sa iyo'y kanilang ibibigay.
3Huwag mong hayaang iwan ka ng kabaitan at katotohanan;
itali mo ang mga ito sa palibot ng iyong leeg,
isulat mo sa iyong puso.
4Sa#Lu. 2:52 gayo'y makakatagpo ka ng lingap at mabuting pangalan
sa paningin ng Diyos at ng tao.
5Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala,
at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa.
6Sa lahat ng iyong mga lakad siya'y iyong kilalanin,
at itutuwid niya ang iyong mga landasin.
7Huwag#Ro. 12:16 kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata;
matakot ka sa Panginoon, at sa kasamaan ay lumayo ka.
8Ito'y magiging kagalingan sa laman mo,
at kaginhawahan sa iyong mga buto.
9Parangalan mo ang Panginoon mula sa iyong kayamanan,
at ng mga unang bunga ng lahat mong ani;
10sa gayo'y mapupuno nang sagana ang iyong imbakan,
at aapawan ng bagong alak ang iyong mga sisidlan.
11Anak#Job 5:17 #Heb. 12:5, 6 ko, ang disiplina ng Panginoon ay huwag mong hamakin,
at ang kanyang saway ay huwag mong itakuwil.
12Sapagkat#Apoc. 3:19 sinasaway ng Panginoon ang kanyang minamahal,
gaya ng ama sa anak na kanyang kinalulugdan.
Ang Tunay na Kayamanan
13Mapalad ang tao na nakakasumpong ng karunungan,
at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan.
14Sapagkat ang pakinabang dito kaysa pilak ay mas mainam,
at ang mapapakinabang dito ay higit kaysa gintong dalisay.
15Kaysa mga alahas, siya ay mas mahalaga,
at wala sa mga bagay na ninanasa mo ang maihahambing sa kanya.
16Ang mahabang buhay ay nasa kanyang kanang kamay;
sa kanyang kaliwang kamay ay mga yaman at karangalan.
17Ang kanyang mga daan ay mga daan ng kaligayahan,
at ang lahat niyang mga landas ay kapayapaan.
18Siya'y punungkahoy ng buhay sa mga humahawak sa kanya;
at mapalad ang lahat ng nakakapit sa kanya.
Ang Karunungan ng Diyos sa Paglikha
19Itinatag ng Panginoon ang daigdig sa pamamagitan ng karunungan;
itinayo niya ang mga langit sa pamamagitan ng kaunawaan.
20Sa kanyang kaalaman ang mga kalaliman ay nabiyak,
at nagpapatak ng hamog ang mga ulap.
Ang Tunay na Katiwasayan
21Anak ko, huwag mong hayaang mawalay sa iyong mga mata,
ingatan mo ang magaling na dunong at mabuting pagpapasiya,
22at sila'y magiging buhay sa iyong kaluluwa,
at sa iyong leeg ay magiging pampaganda.
23Kung magkagayo'y tiwasay kang lalakad sa iyong daan,
at ang iyong paa ay di matitisod kailanman.
24Kapag ikaw ay nakahiga, hindi ka matatakot;
kapag ika'y humimlay, magiging mahimbing ang iyong tulog.
25Huwag kang matakot sa pagkasindak na bigla,
o sa pagdating ng pagsalakay ng masama,
26sapagkat ang Panginoon ang magiging iyong pagtitiwala,
at iingatan mula sa pagkahuli ang iyong mga paa.
27Huwag mong ipagkait ang mabuti sa kinauukulan,#3:27 Sa Hebreo ay sa may-ari nito.
kapag ito'y nasa kapangyarihang gawin ng iyong kamay.
28Huwag mong sabihin sa iyong kapwa, “Humayo ka, at bumalik na lamang,
at bukas ako magbibigay,” gayong mayroon ka naman.
29Huwag kang magbalak ng masama laban sa iyong kapwa,
na naninirahan sa tabi mo nang may pagtitiwala.
30Huwag kang makipagtalo sa kanino man nang walang dahilan,
kung hindi naman siya gumawa sa iyo ng kasamaan.
31Huwag kang mainggit sa taong marahas,
at huwag mong piliin ang anuman sa kanyang mga landas;
32sapagkat sa Panginoon ang suwail ay kasuklamsuklam,
ngunit ang matuwid ay kanyang pinagtitiwalaan.
33Ang sumpa ng Panginoon ay nasa bahay ng masama;
ngunit ang tahanan ng matuwid ay kanyang pinagpapala.
34Sa#San. 4:6; 1 Ped. 5:5 mga nanunuya siya ay mapanuya,
ngunit sa mapagkumbaba ay nagbibigay siya ng biyaya.
35Ang pantas ay magmamana ng kaluwalhatian,
ngunit kahihiyan ang magiging ganti sa mga hangal.
Currently Selected:
MGA KAWIKAAN 3: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001