MGA AWIT 109
109
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
1Huwag kang manahimik, O Diyos ng aking pagpupuri!
2Sapagkat ang masama at mandarayang bibig ay nabuksan laban sa akin,
na nagsasalita laban sa akin na may dilang sinungaling.
3May mga salita ng pagkapoot na ako'y kanilang pinalibutan,
at lumaban sa akin nang walang kadahilanan.
4Kapalit ng aking pag-ibig sila ay mga tagausig ko,
ngunit ako ay nasa panalangin.
5Kaya't ginantihan nila ng masama ang kabutihan ko,
at pagkapoot sa pag-ibig ko.
6“Pumili kayo ng masamang tao laban sa kanya,
at tumayo nawa ang isang tagausig sa kanyang kanang kamay.
7Kapag siya'y nilitis, lumabas nawa siyang nagkasala,
at ibilang nawang kasalanan ang kanyang dalangin!
8Maging#Gw. 1:20 kakaunti nawa ang kanyang mga araw,
kunin nawa ng iba ang kanyang katungkulan.
9Ang kanyang mga anak nawa ay maulila,
at mabalo ang kanyang asawa!
10Magsilaboy nawa ang kanyang mga anak, at mamalimos;
at hanapin nila ang kanilang pagkain sa kanilang mga guhong tahanan.
11Samsamin nawa ng nagpapautang ang lahat niyang kayamanan;
nakawin nawa ang mga bunga ng kanyang paggawa ng mga dayuhan!
12Wala nawang maging mabait sa kanya;
ni maawa sa kanyang mga anak na ulila!
13Maputol nawa ang kanyang susunod na lahi,
mapawi nawa ang kanyang pangalan sa ikalawang salinlahi!
14Maalala nawa ng Panginoon ang kasamaan ng kanyang mga magulang,
huwag nawang mapawi ang kasalanan ng kanyang ina!
15Malagay nawa silang patuloy sa harapan ng Panginoon,
at maputol nawa ang kanyang alaala mula sa lupa!
16Sapagkat hindi niya naalalang magpakita ng kabaitan,
kundi inusig ang dukha at nangangailangan,
at ang may bagbag na puso upang patayin.
17Iniibig niya ang manumpa, kaya't dumating sa kanya!
At hindi siya nalugod sa pagpapala, kaya't malayo sa kanya!
18Nagsusuot siya ng sumpa na parang kanyang damit,
at pumasok sa kanyang katawan na parang tubig,
sa kanyang mga buto na gaya ng langis!
19Ito nawa'y maging gaya ng kasuotang kanyang ibinabalabal,
gaya ng pamigkis na kanyang ipinamimigkis araw-araw!”
20Ito nawa ang maging ganti sa mga nagbibintang sa akin mula sa Panginoon,
sa mga nagsasalita ng kasamaan laban sa aking buhay!
21Ngunit ikaw, O Diyos kong Panginoon,
gumawa ka para sa akin alang-alang sa iyong pangalan,
sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti, iligtas mo ako!
22Sapagkat ako'y dukha at nangangailangan,
at ang aking puso ay nasaktan sa loob ko.
23Ako'y naglalahong gaya ng anino kapag ito'y humahaba,
ako'y nililiglig na gaya ng balang.
24Ang aking mga tuhod ay mahina dahil sa pag-aayuno,
ang aking laman ay nagkukulang ng katabaan.
25Ako#Mt. 27:39; Mc. 15:29 nama'y naging hamak sa kanila,
kapag nakikita nila ako, ang ulo nila ay kanilang iniiling.
26O Panginoon kong Diyos! Tulungan mo ako;
ayon sa iyong tapat na pag-ibig ako ay iligtas mo.
27Hayaan mong malaman nila na ito'y iyong kamay;
ikaw, O Panginoon, ang gumawa nito!
28Hayaang sumumpa sila, ngunit magpala ka!
Kapag sila'y bumangon sila'y mapapahiya, ngunit ang iyong lingkod ay magagalak!
29Ang akin nawang mga kaaway ay masuotan ng kawalang-dangal;
mabalot nawa sila sa kanilang kahihiyan na gaya ng sa isang balabal!
30Sa pamamagitan ng aking bibig ay magpapasalamat ako nang napakalaki sa Panginoon,
pupurihin ko siya sa gitna ng maraming tao.
31Sapagkat siya'y tumatayo sa kanang kamay ng nangangailangan,
upang iligtas siya sa mga nagsisihatol sa kanyang kaluluwa.
Currently Selected:
MGA AWIT 109: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001