MGA AWIT 139
139
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
1O Panginoon, siniyasat mo ako at nakilala mo ako.
2Iyong nalalaman kapag ako'y umuupo at kapag ako'y tumatayo;
nababatid mo ang aking pag-iisip mula sa malayo.
3Iyong sinisiyasat ang aking landas at ang paghiga ko,
at ang lahat kong mga lakad ay nalalaman mo.
4Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko,
O Panginoon, lahat ng iyon ay alam mo.
5Iyong pinaligiran ako sa likuran at sa harapan,
at ipinatong mo sa akin ang iyong kamay.
6Ang gayong kaalaman ay lubhang kahanga-hanga para sa akin;
ito ay matayog, hindi ko kayang abutin.
7Saan ako pupunta mula sa iyong Espiritu?
O saan ako tatakas mula sa harapan mo?
8Kung ako'y umakyat sa langit, ikaw ay naroon!
Kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, ikaw ay naroon!
9Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga,
at sa mga pinakadulong bahagi ng dagat ako'y tumira,
10doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay,
at hahawakan ako ng iyong kanang kamay.
11Kung aking sabihin, “Takpan nawa ako ng dilim,
at maging gabi ang liwanag na nakapalibot sa akin,”
12kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa iyo,
at ang gabi ay kasinliwanag ng araw;
ang kadiliman at kaliwanagan ay magkatulad sa iyo.
13Sapagkat hinubog mo ang aking mga nasa loob na bahagi,
at sa bahay-bata ng aking ina ako'y iyong hinabi.
14Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat ang pagkagawa sa akin ay kakilakilabot at kamanghamangha.
Ang iyong mga gawa ay kahangahanga;
at iyon ay nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.
15Ang katawan ko'y hindi nakubli sa iyo,
nang ako'y lihim na ginagawa,
mahusay na binuo sa kalaliman ng lupa.
16Nakita ng iyong mga mata ang aking wala pang anyong sangkap;
at sa iyong aklat bawat isa sa mga iyon ay nakasulat,
ang mga araw na sa akin ay itinakda,
nang wala pang anuman sa kanila.
17Napakahalaga sa akin ng iyong mga pag-iisip, O Diyos!
Napakalawak ng kabuuan ng mga iyon!
18Kung aking bibilangin, ang mga iyon ay marami pa kaysa buhangin.
Kapag ako'y nagigising, ako'y kasama mo pa rin.
19Sana'y patayin mo, O Diyos, ang masama,
kaya't layuan ninyo ako, mga taong nagpapadanak ng dugo.
20Sapagkat sila'y nagsasalita laban sa iyo ng kasamaan,
at ginagamit ng iyong mga kaaway ang iyong pangalan sa walang kabuluhan.
21Hindi ba kinapopootan ko silang napopoot sa iyo, O Panginoon?
At hindi ba kinasusuklaman ko silang laban sa iyo'y bumabangon?
22Kinapopootan ko sila ng lubos na pagkapoot;
itinuturing ko sila na aking mga kaaway.
23Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang aking puso;
subukin mo ako, at alamin mo ang mga pag-iisip ko!
24At tingnan mo kung may anumang lakad ng kasamaan sa akin,
at patnubayan mo ako sa daang walang hanggan.
Currently Selected:
MGA AWIT 139: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001