MGA AWIT 49
49
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.
1Pakinggan ninyo ito, kayong lahat na mga bayan!
Pakinggan ninyo, kayong lahat na nananahan sa daigdig,
2maging mababa at mataas,
mayaman at dukha na magkakasama!
3Ang aking bibig ay magsasalita ng karunungan;
ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay magiging pang-unawa.
4Ikikiling ko ang aking pandinig sa isang kawikaan,
ipapaliwanag ko sa tunog ng alpa ang aking palaisipan.
5Bakit ako matatakot sa mga panahon nang kaguluhan,
kapag pinaliligiran ako ng mga umuusig sa akin ng kasamaan,
6mga taong nagtitiwala sa kanilang kayamanan,
at ipinaghahambog ang kasaganaan ng kanilang mga kayamanan?
7Tunay na sa anumang paraan ay walang taong makakatubos sa kanyang kapatid,
ni ibigay sa Diyos ang kabayaran ng kanyang buhay.
8Sapagkat ang pantubos sa kanyang kaluluwa ay mahal,
at dapat siyang huminto magpakailanman,
9na siya'y patuloy na mabuhay magpakailanman,
na siya'y huwag makakita ng kabulukan.
10Oo, makikita niya na maging mga pantas ay namamatay,
ang mangmang at ang hangal ay parehong dapat mamatay
at ang kanilang kayamanan sa iba'y iiwan.
11Ang kanilang libingan ay kanilang mga tahanan magpakailanman,
kanilang mga lugar na tirahan sa lahat ng salinlahi;
tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan.
12Ngunit ang tao'y hindi mananatili sa kanyang karangalan,
siya'y gaya ng mga hayop na namamatay.
13Ito ang daan noong mga hangal,
at noong mga iba na pagkatapos nila ay sumasang-ayon sa kanilang salita. (Selah)
14Gaya ng mga tupa ay para sa Sheol sila nakatalaga,
ang kamatayan ay magiging pastol nila,
at ang kanilang kagandahan ay mapapasa sa Sheol upang matunaw,
at ang kanilang anyo ay maaagnas;
ang Sheol ang kanilang magiging tahanan.
15Ngunit tutubusin ng Diyos ang aking kaluluwa mula sa kapangyarihan ng Sheol,
sapagkat ako'y tatanggapin niya. (Selah)
16Huwag kang matakot kapag may yumaman,
kapag ang kaluwalhatian ng kanyang bahay ay lumalago.
17Sapagkat kapag siya'y namatay ay wala siyang madadala,
ang kanyang kaluwalhatian ay hindi bababang kasunod niya.
18Bagaman habang siya'y nabubuhay ay binabati niya ang kanyang sarili,
at bagaman ang tao'y tumatanggap ng papuri kapag siya'y gumawa ng mabuti para sa sarili,
19siya'y paroroon sa salinlahi ng kanyang mga magulang;
na hindi sila makakakita ng liwanag kailanman.
20Taong nasa karangalan, subalit hindi nakakaunawa,
ay gaya ng mga hayop na namamatay.
Currently Selected:
MGA AWIT 49: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001