YouVersion Logo
Search Icon

MGA AWIT 74

74
Maskil ni Asaf.
1O Diyos, bakit mo kami itinakuwil magpakailanman?
Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
2Alalahanin mo ang iyong kapulungan na iyong binili noong una,
na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana!
At ang bundok ng Zion na iyong tinahanan.
3Itaas mo ang iyong mga hakbang sa mga walang hanggang guho;
winasak ng kaaway ang lahat ng bagay sa santuwaryo!
4Ang mga kaaway mo'y nagsisisigaw sa gitna ng iyong dakong tagpuan,
itinaas nila ang kanilang mga watawat na palatandaan.
5Sila'y tila mga tao na nagtaas ng mga palakol
sa kagubatan ng mga punungkahoy.
6At lahat ng mga kahoy na nililok
ay kanilang binasag ng palakol at mga pamukpok.
7Kanilang sinunog ang iyong santuwaryo;
hanggang sa lupa,
nilapastangan nila ang tahanang dako ng pangalan mo.
8Sinabi nila sa kanilang sarili, “Ganap namin silang lulupigin,”
kanilang sinunog ang lahat ng dakong tagpuan ng Diyos sa lupain.
9Hindi namin nakikita ang aming mga palatandaan;
wala nang propeta pa;
at walang sinuman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
10O Diyos, hanggang kailan manlilibak ang kaaway?
Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailanman?
11Bakit mo iniuurong ang iyong kamay?
Mula sa loob ng iyong dibdib, puksain mo sila!
12Gayunman ang Diyos na aking Hari ay mula nang una,
na gumagawa ng pagliligtas sa gitna ng lupa.
13Hinawi#Exo. 14:21 mo ang dagat sa pamamagitan ng iyong kalakasan,
binasag mo ang mga ulo ng mga dambuhala sa mga tubigan.
14Dinurog#Job 41:1; Awit 104:26; Isa. 27:2 mo ang mga ulo ng Leviatan,
ibinigay mo siya bilang pagkain para sa mga nilalang sa ilang.
15Ang mga bukal at mga batis ay iyong binuksan,
iyong tinuyo ang mga batis na palagiang dinadaluyan.
16Iyo ang araw at ang gabi man;
iyong inihanda ang mga tanglaw at ang araw.
17Itinakda mo ang lahat ng mga hangganan ng daigdig;
iyong ginawa ang tag-init at ang taglamig.
18Alalahanin mo ito, O Panginoon, kung paanong nanlilibak ang kaaway,
at isang masamang bayan ang lumalait sa iyong pangalan.
19Sa mababangis na hayop, ang kaluluwa ng iyong kalapati ay huwag mong ibigay,
huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailanman.
20Magkaroon ka ng pagpapahalaga sa iyong tipan;
sapagkat ang madidilim na dako ng lupa ay punô ng mga tahanan ng karahasan.
21Ang naaapi nawa'y huwag bumalik na may kahihiyan;
purihin nawa ng dukha at nangangailangan ang iyong pangalan.
22Bumangon ka, O Diyos, ang usapin mo'y ipaglaban;
alalahanin mo kung paanong nililibak ka ng masasama buong araw!
23Huwag mong kalilimutan ang sigawan ng iyong mga kaaway,
ang ingay ng iyong mga kaaway na patuloy na pumapailanglang!

Currently Selected:

MGA AWIT 74: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in