YouVersion Logo
Search Icon

MGA AWIT 76

76
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Salmo ni Asaf. Isang Awit.
1Sa Juda ang Diyos ay kilala,
ang kanyang pangalan sa Israel ay dakila.
2Natatag sa Salem ang kanyang tahanan,
sa Zion ang kanyang dakong tirahan.
3Doo'y binali niya ang humahagibis na mga palaso,
ang kalasag, ang tabak, at mga sandata sa pakikidigma. (Selah)
4Ikaw ay maluwalhati, higit na marangal,
kaysa mga bundok na walang hanggan.
5Ang matatapang ay inalisan ng kanilang samsam,
sila'y lumubog sa pagkakatulog,
at wala sa mga mandirigma
ang makagamit ng kanilang mga kamay.
6Sa iyong saway, O Diyos ni Jacob,
ang mangangabayo at ang kabayo ay nahandusay sa mahimbing na pagkakatulog.
7Ngunit ikaw, ikaw ay kakilakilabot!
Sinong makakatayo sa iyong harapan,
kapag minsang ang galit ay napukaw?
8Mula sa langit ang hatol ay iyong ipinarinig,
ang lupa ay natakot, at tumahimik,
9nang ang Diyos ay bumangon sa paghatol,
upang iligtas ang lahat ng naaapi sa sandaigdigan. (Selah)
10Tunay na pupurihin ka ng poot ng tao;
ang nalabi sa poot ay ibibigkis mo sa iyo.
11Mamanata ka sa Panginoon mong Diyos, at tuparin mo ang mga iyon,
magdala nawa ng mga kaloob ang lahat ng nasa kanyang palibot,
sa kanya na nararapat pag-ukulan ng takot,
12siyang pumuputol ng espiritu ng mga pinuno,
na kinatatakutan ng mga hari sa mundo.

Currently Selected:

MGA AWIT 76: ABTAG01

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in