MGA TAGA ROMA 10
10
1Mga kapatid, ang nais ng aking puso at ang dalangin ko sa Diyos alang-alang sa kanila ay ang sila ay maligtas.
2Ako'y makapagpapatotoo na sila'y may sigasig para sa Diyos, subalit hindi ayon sa kaalaman.
3Sapagkat sa kanilang pagiging mangmang sa katuwiran ng Diyos, at sa pagsisikap nilang maitayo ang sariling pagiging matuwid ay hindi sila nagpasakop sa pagiging matuwid ng Diyos.
4Sapagkat si Cristo ang kinauuwian ng kautusan upang maging matuwid ang bawat sumasampalataya.
Ang Kaligtasan ay para sa Lahat
5Sapagkat#Lev. 18:5 sumusulat si Moises tungkol sa pagiging matuwid na batay sa kautusan, na “ang taong gumagawa ng mga bagay na ito ay mabubuhay sa mga ito.”
6Ngunit#Deut. 30:12-14 sinasabi ng pagiging matuwid na batay sa pananampalataya ang ganito, “Huwag mong sabihin sa iyong puso, ‘Sino ang aakyat sa langit?’” (Ito ay upang ibaba si Cristo.)
7“O, ‘Sino ang mananaog sa kailaliman?’” (Ito ay upang iakyat si Cristo mula sa mga patay.)
8Ngunit ano ang sinasabi nito? “Ang salita ay malapit sa iyo, nasa iyong bibig, at sa iyong puso.” Ito ay ang salita ng pananampalataya na aming ipinangangaral.
9Sapagkat kung ipahahayag mo sa pamamagitan ng iyong bibig si Jesus na Panginoon, at sasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang muli ng Diyos mula sa mga patay, ay maliligtas ka.
10Sapagkat sa puso ang tao'y nananampalataya kaya't itinuturing na ganap, at sa pamamagitan ng bibig ay nagpapahayag kaya't naliligtas.
11Sapagkat#Isa. 28:16 (LXX) sinasabi ng kasulatan, “Ang bawat sumasampalataya sa kanya ay hindi malalagay sa kahihiyan.”
12Sapagkat walang pagkakaiba sa Judio at Griyego; sapagkat ang Panginoon ay siya ring Panginoon ng lahat, at siya'y mapagbigay sa lahat ng tumatawag sa kanya.
13Sapagkat,#Joel 2:32 “Ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.”
14Ngunit paano nga silang tatawag sa kanya na hindi nila sinampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kanya na hindi nila napakinggan? At paano sila makikinig kung walang mangangaral?
15At#Isa. 52:7 paano sila mangangaral kung hindi sila sinugo? Gaya ng nasusulat, “Anong ganda ng mga paa ng mga nagdadala ng mabuting balita ng mabubuting bagay!”
16Subalit#Isa. 53:1 (LXX) hindi lahat ay sumunod sa ebanghelyo. Sapagkat sinasabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?”
17Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo.#10:17 Sa ibang mga kasulatan ay ng Diyos.
18Ngunit#Awit 19:4 (LXX) sinasabi ko, hindi ba nila narinig? Talagang narinig nila, sapagkat
“Ang tinig nila ay kumalat sa buong lupa,
at ang kanilang mga salita, hanggang sa mga dulo ng daigdig.”
19Ngunit#Deut. 32:21 sinasabi ko, hindi ba naunawaan ng Israel? Una ay sinasabi ni Moises,
“Papanibughuin ko kayo doon sa mga hindi isang bansa,
sa pamamagitan ng isang bansang hangal ay gagalitin ko kayo.”
20At#Isa. 65:1 (LXX) si Isaias ay buong tapang na nagsasabi,
“Ako'y natagpuan nila na mga hindi humahanap sa akin;
ako'y nahayag sa kanila na hindi nagtatanong tungkol sa akin.”
21Subalit#Isa. 65:2 (LXX) tungkol sa Israel ay sinasabi niya, “Sa buong araw ay iniunat ko ang aking mga kamay sa isang suwail at mapagsalungat na bayan.”
Currently Selected:
MGA TAGA ROMA 10: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001