YouVersion Logo
Search Icon

ANG AWIT NG MGA AWIT 3

3
1Sa ibabaw ng aking higaan sa gabi,
hinanap ko siyang iniibig ng aking kaluluwa;
hinanap ko siya, ngunit hindi ko siya natagpuan.
2“Ako'y babangon at lilibot sa lunsod,
sa mga lansangan at sa mga liwasan,
hahanapin ko siya na iniibig ng aking kaluluwa.”
Hinanap ko siya, ngunit hindi ko siya natagpuan.
3Nakita ako ng mga tanod,
habang sila'y naglilibot sa lunsod.
“Nakita ba ninyo siya na sinisinta ng aking kaluluwa?”
4Halos di pa ako nakakalayo sa kanila,
nang masumpungan ko siya na iniibig ng aking kaluluwa.
Pinigilan ko siya, at hindi ko hinayaang umalis,
hanggang sa siya'y aking nadala sa bahay ng aking ina,
at sa silid niya na naglihi sa akin.
5O mga anak na babae ng Jerusalem, kayo'y aking pinagbibilinan,
alang-alang sa mga usang lalaki at babae sa kaparangan,
na huwag ninyong pukawin o gisingin man ang pagmamahal,
hanggang sa kanyang maibigan.
Ang Pangkasalang Pagdating
Babae
6Ano itong umaahon mula sa ilang,
na gaya ng haliging usok,
na napapabanguhan ng mira at ng kamanyang,
ng lahat ng mabangong pulbos ng mangangalakal?
7Tingnan ninyo, iyon ang higaan ni Solomon!
Animnapung magigiting na lalaki ang nasa palibot niyon,
sa magigiting na lalaki ng Israel.
8Silang lahat ay may sakbat na tabak,
at sanay sa pakikidigma:
bawat isa'y may tabak sa kanyang hita,
sa mga hudyat sa gabi ay laging handa.
9Si Haring Solomon ay gumawa para sa sarili ng higaang binubuhat
mula sa kahoy ng Lebanon.
10Ginawa niyang pilak ang mga haligi niyon,
ang likod niyon ay ginto, at ang upuan ay kulay ube;
ang loob niyon ay hinabi ng may pag-ibig
ng mga anak na babae ng Jerusalem.
11Humayo kayo,
O mga anak na babae ng Zion,
at inyong masdan si Haring Solomon,
na may korona na ipinutong sa kanya ng kanyang ina,
sa araw ng kanyang kasal,
sa araw ng katuwaan ng kanyang puso.

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in