ANG AWIT NG MGA AWIT 5
5
Mangingibig
1Ako'y dumating sa aking halamanan, kapatid ko, kasintahan ko,
aking tinipon ang aking mira pati ang aking pabango,
kinain ko ang aking pulot-pukyutan pati ang aking pulot;
ininom ko ang aking alak pati ang aking gatas.
Mga Babae
Magsikain kayo, O mga kaibigan; at magsiinom:
magsiinom kayo nang sagana, mga mangingibig!
Babae
2Ako'y nakatulog, ngunit ang aking puso ay gising.
Makinig! ang aking sinta ay tumutuktok.
Mangingibig
“Pagbuksan mo ako, kapatid ko, sinta ko,
kalapati ko, ang aking walang kapintasan,
sapagkat ang aking ulo ay basa ng hamog,
ang bungkos ng aking buhok ng mga patak ng gabi.”
Babae
3Hinubad ko na ang aking kasuotan,
paano ko ito isusuot?
Hinugasan ko ang aking mga paa
paano ko sila parurumihin?
4Isinuot ng aking sinta ang kanyang kamay sa butas ng pintuan,
at ang aking puso ay nanabik sa kanya.
5Ako'y bumangon upang pagbuksan ang aking sinta;
at sa aking mga kamay ay tumulo ang mira,
at sa aking mga daliri ang lusaw na mira,
sa mga hawakan ng trangka.
6Pinagbuksan ko ang aking sinta,
ngunit ang aking sinta ay tumalikod at umalis na.
Pinanghina na ako ng aking kaluluwa nang siya'y magsalita.
Aking hinanap siya, ngunit hindi ko siya natagpuan;
tinawag ko siya, ngunit hindi siya sumagot.
7Natagpuan ako ng mga tanod,
habang sila'y naglilibot sa lunsod,
binugbog nila ako, ako'y kanilang sinugatan,
inagaw nila ang aking balabal,
ng mga bantay na iyon sa pader.
8Pinagbibilinan ko kayo, O mga anak na babae ng Jerusalem,
kung inyong matagpuan ang aking sinta,
inyong saysayin sa kanya,
na ako'y may sakit na pagsinta.
Mga Babae
9Ano ang iyong mahal na higit kaysa ibang mahal,
O ikaw na pinakamaganda sa mga babae?
Ano ang iyong mahal na higit kaysa ibang mahal,
na gayon ang iyong bilin sa amin?
Babae
10Ang aking minamahal ay maningning at mamula-mula,
na namumukod-tangi sa sampung libo.
11Ang kanyang ulo ay pinakamainam na ginto;
ang bungkos ng kanyang buhok ay maalon-alon
at kasing-itim ng uwak.
12Ang kanyang mga mata ay tulad ng mga kalapati
sa tabi ng mga bukal ng tubig;
na hinugasan ng gatas
at tamang-tama ang pagkalagay.
13Ang kanyang mga pisngi ay gaya ng pitak ng mga pabango,
na nagsasabog ng halimuyak.
Ang kanyang mga labi ay mga liryo,
na nagbibigay ng lusaw na mira.
14Ang kanyang mga kamay ay mga singsing na ginto,
na nilagyan ng mga hiyas.
Ang kanyang katawan ay gaya ng yaring garing
na binalot ng mga zafiro.
15Ang kanyang hita ay mga haliging alabastro,
na inilagay sa mga patungang ginto.
Ang kanyang anyo ay gaya ng Lebanon
na marilag na gaya ng mga sedro.
16Ang kanyang pananalita ay pinakamatamis;
at siya'y totoong kanais-nais.
Ito'y aking sinta at ito'y aking kaibigan,
O mga anak na babae ng Jerusalem.
Currently Selected:
ANG AWIT NG MGA AWIT 5: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001