2 Mga Taga-Corinto 2
2
1Sapagkat#1 Sapagkat: Sa ibang manuskrito'y Subalit. ipinasya kong huwag na munang pumunta riyan upang hindi kayo muling madulutan ng kalungkutan. 2Dahil kung dudulutan ko kayo ng kalungkutan, sino pa ang aaliw sa akin? Hindi ba't kayo rin? 3Kaya sumulat muna ako sa inyo, ayaw kong sa pagpunta ko riyan ay dulutan ng lungkot ang mga taong dapat magpaligaya sa akin. Sapagkat natitiyak kong ang aking kaligayahan ay kaligayahan din ninyong lahat. 4Ang puso ko'y puno ng kalungkutan at pag-aalala nang sulatan ko kayo, at maraming luha ang tumulo habang sinusulat ko iyon. Sumulat ako sa inyo hindi upang kayo'y dulutan ng kalungkutan kundi upang ipadama kung gaano kalaki ang aking pagmamahal sa inyo.
Patawarin ang Nagkasala
5Kung may nagdulot ng kalungkutan kaninuman, hindi ito sa akin ginawa; hindi sa pinalalaki ko ang bagay na ito, pero ang totoo, kayong lahat ang dinulutan niya ng kalungkutan. 6Sapat na ang parusang iginawad sa kanya ng nakararami sa inyo. 7Dapat na ninyo siyang patawarin at aliwin upang hindi naman siya tuluyang masiraan ng loob. 8Kaya nakikiusap akong ipadama ninyo sa kanya na siya'y mahal pa rin ninyo.
9Ang isa pang dahilan ng pagsulat ko sa inyo noon ay upang subukin kayo at alamin kung sinusunod ninyo ang lahat ng ipinangaral ko sa inyo. 10Ang sinumang pinatawad ninyo ay pinatawad ko na rin. Ang pinatawad ko, kung mayroon man akong dapat patawarin, ay pinatawad ko na sa harapan ni Cristo alang-alang sa inyo, 11upang hindi tayo malinlang ni Satanas at hindi naman lingid sa atin ang gusto niyang mangyari.
Hindi Mapanatag si Pablo sa Troas
12Nang#Gw. 20:1. dumating ako sa Troas upang mangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, binigyan ako ng Panginoon ng magandang pagkakataon upang maisagawa iyon. 13Ngunit hindi rin ako mapanatag sapagkat hindi ko natagpuan doon si Tito na ating kapatid. Kaya ako'y nagpaalam sa mga tagaroon at nagtuloy sa Macedonia.
Nagtagumpay Dahil kay Cristo
14Ngunit salamat sa Diyos at lagi niya kaming isinasama sa parada ng tagumpay ni Cristo, dahil sa aming pakikipag-isa sa kanya. At sa pamamagitan namin ay pinalalaganap ng Diyos sa lahat ng dako ang mabangong halimuyak ng pagkakilala sa kanya. 15Para kaming mabangong samyo ng insensong inihahandog ni Cristo sa Diyos at nalalanghap naman ng mga naliligtas at ng mga napapahamak. 16Sa mga napapahamak, ito'y parang alingasaw na nakamamatay, ngunit sa mga naliligtas, ito'y halimuyak na nagdudulot ng buhay. Sino ang may sapat na kakayahang gumawa ng mga bagay na ito? 17Hindi kami katulad ng iba riyan na kinakalakal ang salita ng Diyos. Sa halip, bilang sugo ng Diyos at lingkod ni Cristo, buong katapatang ipinapangaral namin ito.
Currently Selected:
2 Mga Taga-Corinto 2: RTPV05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society